Inday TrendingInday Trending
Matinding Inis ang Naramdaman ng Sikat na Tagapagsalita sa Lalaking Sinusubok ang Kaniyang Pasensiya; Tiklop Siya nang Malaman Niya ang Dahilan

Matinding Inis ang Naramdaman ng Sikat na Tagapagsalita sa Lalaking Sinusubok ang Kaniyang Pasensiya; Tiklop Siya nang Malaman Niya ang Dahilan

Tanyag si Harold bilang isang magaling na tagapagsalita. Maraming kompanya ang kumukuha sa kaniya upang magdaos ng seminar at magtalakay ng mga motibasyon tungkol sa trabaho at sa pansarili. Nakatutulong ito sa mga empleyado upang maging magaling sa trabaho at mapataas ang kanilang antas.

Isang araw ay isang kilalang kompanya ang tumawag sa ginoo upang magdaos ng isang seminar. Aabot sa limang daang katao raw ang kaniyang pamumunuan. Isa na naman itong pagkakataon para sa ginoo upang maipamalas ang kaniyang angking talento.

Dahil nga kilala si Harold sa ganitong larangan, madalas ay hindi niya maiwasan na maging mataas ang tingin sa sarili.

Nang makarating si Harold sa lugar kung saan idaraos ang seminar ay agad niyang tiningnan ang entablado kung saan siya magsasalita. Sinigurado niya na ang mga mikropono na gagamitin ay hindi palyado. Sinukat niya ang kaniyang mga galaw nang sa ganoon kapag nariyan na ang kaniyang mga tagapakinig ay maging maayos ang lahat — walang balakid sa kaniyang pagsasalita at wala ring balakid sa pagkatuto ng mga empleyado.

Nagsimula na ang programa.

“Lahat tayo ay inaanyayahan na tumayo para sa pambungad na panalangin,” saad ng ginoo.

Lahat ay sumunod sa kaniya. Nang matapos ang ilang programa ay deretso agad si Harold as kaniyang pagsasalita.

Ang lahat ay nasa ayos. Ang lahat ay nakikinig. Maliban sa isa. At kanina pa nahahalata ni Harold na hindi mapakali ang isang ginoo sa kaniyang upuan.

Ngunit hindi nagpatinag si Harold at nagpatuloy siya sa kaniyang ipinunta dito. Ngunit kahit anong gawin niyang pagsasalita ay patuloy sa pagtayo at paglinga ang nasabing ginoo.

“Nasa harap pa man din siya. Nakukuha niya ang atensyon ng ibang tagapakinig. Nawawala ang atensiyon nila sa akin dahil sa ginagawa niya!” sambit ni Harold sa kaniyang sarili.

Dahil sa ginagawang ito ng ginoo ay minarapat na ni Harold na makiusap sa lahat na manatili sa kanilang upuan habang siya ay nasa harapan at nagsasalita.

“Mga minamahal kong tagapakinig, mangyari po lamang na manatili sa inyong inuupuan. Mamaya po ay magbibigay ako ng ilang minutong pahinga para magawa niyo po ang nais niyong gawin,” magiliw nitong pakiusap sa mga empleyado.

Nagpatuloy si Harold sa kaniyang pagsasalita. Akala niya ay dahil nakiusap na siya ay hindi na magtatatayo pa ang ginoong kanina pa hindi mapakali sa kaniyang inuupuan.

Muli itong tumayo at naglakad patungo sa likod at saka bumalik sa kaniyang inuupuan. Hindi rin ito mapakali sa pagtingin sa kaniyang telepono. Halata ni Harold na hindi nakikinig sa kaniya ang nasabing lalaki.

Tinutubuan na ng inis si Harold dahil sa ginagawang pambabastos sa kaniya ng lalaking ito.

“Hinahamon ata ako nito. Sa tingin ko ay sinasadya niyang mawala ang atensyon ng mga tao sa akin at ipakita sa akin na nakakatamad ang mga sinasabi ko!” naisip ni Harold.

Lalong nilakasan ni Harold ang kaniyang boses at nagbigay ng mga gawain sa mga empleyado.

Habang pinagmamasdan niya ang nasabing ginoo ay patuloy ito sa pagtayo at hindi nakikilahok sa gawaing kaniyang ibinigay.

“Hinahamon talaga niya ang pasensiya ko,” sambit niya sa sarili.

Kaya nagbigay muli si Harold ng isang gawain.

“Nais kong humanap kayo ng grupo kung saan ninyo ipapahayag ang lahat ng inyong isinulat. Lahat ay inaanyayahang makipag-ugnayan upang maging matagumpay ang ating tinatalakay,” wika ni Harold.

Upang mabalikan niya ang ginoong umuubos ng kaniyang pasensiya ay nakisali rin siya sa gawain. Tahasan niyang pinili ang lalaki upang sumama sa kaniyang grupo.

“Ngayon ay nais kong pakinggan kung bakit ninyo isinulat ang mga bagay na nakasulat diyan sa iyong papel,” panimula ni Harold.

“Lahat ba ay nakagawa?” sambit muli ng ginoo sapagkat alam niyang hindi nakagawa ang ginoong kanina pa patayo-tayo.

Agad niya itong tinawag upang magsimula ng pagtalakay.

“Ikaw ginoo, ang magsimula ng gawain. Magpakilala ka,” wika ni Harold sa ginoo.

Nahiya masyado ang ginoo. “Ako nga pala si Gilbert. At pasensiya na po dahil hindi ako nakagawa ng ipinapasulat nyo,” paghingi nito ng paumanhin.

“Sa tingin ko, Gilbert, ay wala kang interes sa nangyayari dito sa seminar,” sambit ni Harold.

“Pasensiya na kayo kung nakakaabala ako. Ngunit hindi kasi ako mapakali,” bungad ng ginoo.

“Halos isang taon na kasing lumalaban ang anak ko sa matinding karamdaman at halos tuwing araw ng kaniyang gamutan ay ako ang kasama niya upang mapanatag ang kaniyang kalooban at hindi siya matakot. Ipinangako ko iyan sa kaniya. Ngunit dahil sa seminar na ito ay narito ako ngayon at iba ang kaniyang kasama,” paliwanag pa ng ginoo habang nangingilid ang luha.

Nahiya si Harold sa kaniyang inasal sa ginoo. Hindi niya akalain na may matindi palang dahilan ang hindi nito pakikinig.

“Kanina pa ako hindi mapakali. Kanina pa ako naghihintay ng tawag o mensahe man lamang sa kanila kung ano na ang lagay ng anak ko. Hindi ako mapanatag na naroon siya sa ospital at malayo ako sa kaniya. Kaya pagpasensiyahan niyo na kung ako ay lubusang nakaaabala,” muling paghingi ng tawad ni Gilbert.

Dahil sa kaniyang narinig ay humingi rin ng pasensiya si Harold.

“Patawad kung napag-isipan kita ng masama. Nagbigay ito ng aral sa akin na hindi humusga sa kahit sino,” wika ni Harold.

Ibinigay ni Harold ang tanging hiling ng ginoo na makaalis sa seminar na iyon at masamahan ang kaniyang anak.

“Mas mahalaga ang buhay ng iyong anak. Ako na ang magpapaliwanag sa boss mo kung bakit hindi mo matatapos ang seminar na ito. Makakaalis ka na. Dalangin ko ang agarang paggaling ng iyong anak,” sambit ni Harold.

Lubusang pagpapasalamat ang nasabi ng ginoo at dagli itong umalis. Gumaan ang loob ni Harold dahil sa kaniyang nagawa para kay Gilbert at sa anak nito. Mula noon ay nabigyan ng aral si Harold na huwag basta-basta mang-akusa ng tao. May dahilan ang bawat isa sa kanilang mga ikinikilos at ginagawa.

Advertisement