Inday TrendingInday Trending
Masyadong Bungangera ang Misis, Laking Pagpa-panic Niya nang Mawala ang Boses Niya

Masyadong Bungangera ang Misis, Laking Pagpa-panic Niya nang Mawala ang Boses Niya

Matagal nang kasal sina Ace at Janine, ganoon ka-mahal ng lalaki ang kanyang misis. Paano naman kasi, kahit na sinong nakakakilala sa dalawa ay nagtataka kung paano natatagalan ng mister ang masamang ugali ng babae. Wala itong ibang ginawa kung hindi silipin ang mali ng iba, magyabang, at mag-bunganga. Di ito nakukuntento kahit pa seaman na ang asawa at marami na kung magpadala, pag uuwi si Ace sa Pilipinas ay nakakatikim pa rin ito ng masasakit na salita pag kulang ang pasalubong sa kanya.

Bukod sa pag ibig niya sa misis, sadyang matapat lamang si Ace sa pangako niya noon sa simbahan na mamahalin ito sa hirap man o sa ginhawa. Bukod doon, mayroon silang tatlong anak. Hindi pwedeng maghiwalay sila dahil lang sa ugali ni Janine, naniniwala pa rin ang lalaki na magbabago ang misis niya.

“Ano ba yan, ang tatagal nyong kumilos! Pinapawisan na ako o, Diyos ko naman!” bulyaw ni Janine kay Ace at sa mga anak nila, ayus na ayos na kasi ang babae habang nagsusuot pa lamang ng damit si Ace. Siya kasi ang nag asikaso sa kanilang tatlong anak habang si Janine naman ay inasikaso lang ang sarili, ayos lang iyon kay Ace. Katwiran nya ay ngayon lang rin naman sya nakakabawi sa pamilya matapos ang ilang buwang pamamalagi sa barko.

Pupunta sila ngayon sa isang mall, mayroon kasing mamahaling studio roon kung saan sila magpapakuha ng family picture. Talaga namang naka-postura ang babae, parang siya ang galing abroad samantalang si Ace ay simpleng polo shirt lamang ang suot.

“Ano ba yang suot mo daddy? Di mo naman ako binigyan ng kahihiyan, aba’y ano na lang ang sasabihin ng photographer kung ganyan ka. Look at me!” sabi nito habang nakasimangot sa loob ng kotse. Sinuklian lang naman ni Ace ng ngiti at kibit balikat ang kanyang misis, iyon ang pinaka-safe na gawin para di na magbunganga pa ito.

Pero di pa rin tumigil ang babae, “Ikaw Belinda diba sabi ko isuot mo yung blue na bestida bakit violet ang suot mo napaka-baduy naman ng batang ito! Ke bata bata pa eh pang matanda na ang taste mo, gumaya ka sa akin. Sa inyong magkakapatid eh walang nakamana ng pagiging fashionista ko. Mana kayo sa tatay nyo, baduy, mahihina.” di pa rin tumitigil ang bibig niya.

Hanggang makarating sila sa mall ay wala siyang tigil, maging ang photographer na kumukuha sa kanila ng litrato ay di rin nakaligtas. Ipinakita nito sa kanila ang tatlong naunang kuha.

“Ay isa pa, ang pangit nito, ito rin, ito pa.. ano ba itong mga kuha mo photographer ka ba talaga?” pang iinsulto niya pa rito.

“Sige po, one more. Yakapin ni daddy si mommy, ayan.. smile!” sabi nito sabay click sa camera.

“Miss, ang papangit talaga ng kuha mo. May mali. Ano ba to!” sabi ni Janine. Napapahiya naman si Ace sa photographer dahil may katagalan na rin sila sa loob ng studio at naiinip na ang mga anak niya kaya naman binili niya na lahat ng litrato at kinumbinsi ang asawa na bumalik na lang sa ibang araw.

Hanggang sa kotse, salita ng salita si Janine. “Ang pangit, ang mahal mahal ng bayad sa kanila hindi naman bihasa ang tagakuha nila ng litrato. Maigi pa kung sa bahay na lang tayo at naka-timer na lang ang camera, diba?” sabi niya, habang ang mag-aama niya ay tahimik na sa sasakyan dahil sa pagod. Dahil na rin siguro sa matinding pagkarindi.

Ang dami niyang putak, hindi siya nakukuntento sa kahit na anong bagay. Pag-uwi sa bahay ay agad siyang naghilamos at nagbihis ng pantulog habang ang mister niya ay inasikaso ang mga bata.

“Hay, napaka-unproductive ng araw na ito. Walang napala.” sabi niya pa bago humikab ng todo, taas pa ang kamay. Pero nang akmang isasara niya na ang bibig ay ganoon na lang ang panlalaki ng mata niya dahil hindi niya magawa iyon. Sinubukan niyang isara ang bibig gamit ang mga kamay pero napakasakit, baka mabali ang panga niya. Tumutulo na ang laway niya sa tagal niyang nakanganga at naiiyak na rin siya sa takot kaya kinalampag niya ang aparador sa tabi niya upang matawag ang atensyon ng asawa.

Agad namang pumasok si Ace sa kwarto at nataranta ito nang makita ang misis. Kasama ang tatlong bata ay isinugod nila si Janine sa ospital. Pagdating nila sa emergency ay agad naman silang nilapitan ng mga nurse, ang problema lang ay mamaya pa konti darating ang espesyalistang tumitingin sa kanyang kondisyon.

“Pa, ano’ng nangyayari kay Mommy?” tanong ng kanilang panganay.

“Nag-lock yung panga nya anak. Hindi pwedeng basta natin isara, hihintayin natin ang espesyalista.”sabi naman ni Ace na nag aalala sa asawang iyak nang iyak.

“Ibig sabihin po hindi makakapagsalita si Mommy?” imbes na lungkot ay tuwa naman ang nasa mata ng bata, ganoon rin ang dalawa pang kapatid nito.

“Yehey hindi makakapagsalita si Mommy! Naririndi na po rin kasi ako,” sabi ng pangalawa naman nilang anak.

Lalong napaiyak si Janine. Di yata’t sumobra na ang pananalita nya sa mga anak para matuwa ang mga ito na di na siya makakapagsalita pa, doon niya rin naisip na maaaring ito ang parusa sa kanya ng Diyos sa sobrang pamumuna niya sa lahat ng taong nakapaligid sa kanya. Kahit nga ang mister nya na walang ibang ginawa kundi magtrabaho para bigyan sila ng magandang buhay, at mahalin siya, ay di niya pinalalagpas sa pagbubunganga nya.

Sa isip niya ay hingi siya nang hingi ng tawad sa lahat, gustuhin niya mang sabihin iyon ay di nya naman kaya sa ngayon.

Ilang sandali pa ay dumating na ang espesyalista, dalawang araw lamang nanatili sa ospital si Janine at naayos na rin ang kanyang panga. Bagamat may mga iniinom siyang gamot at vitamins dahil may ilang parte sa mukha niya ang sumakot, paminsan-minsan rin ay nakakarinig siya ng matining na tunog sa kanyang tenga.

“Daddy..mga baby ko, patawarin nyo si mommy minsan kung sumosobra na ako,” bungad nya sa mga ito. Napangiti naman si Ace pati na ang mga bata.

“Wala yun mommy, mahal ka naman namin kahit maingay ka po,” sabi ng bata at sinundan iyon ng tawanan. Maya maya pa ay napalingon si Janine sa family picture na pinakuhanan nila, alam niya na kung ano ang kulang doon. Kaligayahan. Hindi totoo ang ngiti ng kanyang pamilya sa litratong iyon dahil sa walang humpay nyang pamumuna sa mga ito.

Niyaya nya ulit ang mag aama nya na magpakuha ng litrato at this time, sisiguruhin niyang totoong masaya na ang mga ito.

Advertisement