Inday TrendingInday Trending
Binalewala ng Dalaga ang Pisong Kanyang Nalaglag; Di Niya Akalaing Pag Nawala ang Lahat sa Kanya ay Kakailanganin Niya Iyon

Binalewala ng Dalaga ang Pisong Kanyang Nalaglag; Di Niya Akalaing Pag Nawala ang Lahat sa Kanya ay Kakailanganin Niya Iyon

May edad na ang parents ni Kim nang ipanganak siya kaya naman ganoon na lang ang pagmamahal ng dalawa sa dalaga. Lumaki siyang sunod ang layaw at ayaw na ayaw ng mga magulang niya na umiiyak siya. Madalas nga kapag may family reunion at nagkikita-kita silang magpipinsan noong mga bata sila, siya ang madalas na walang makasundo. Gusto niya kasi, sa lutu-lutuan siya lagi ang magluluto, sa doktor-doktoran, siya lagi ang doktor. Basta siya lagi dapat ang bida. Kapag tumutol doon ang mga pinsan nya ay bibirahan niya ng malakas na iyak, at agad nang mag-aalala ang mga magulang niya. Dahil naman sila ang pinaka-may kaya sa angkan ay hindi na lamang nakakakibo ang ilang tiyahin nya kahit pa nais na siyang sawayin ng mga ito.

“Kim, diba you just bought a phone about two months ago?” sabi ng nanay nya, na halos 70 years old na. 23 years old na si Kim at nasa huling taon na sa kolehiyo, matagal na nga dapat syang graduate kung hindi lang siya madalas magreklamo na mahirap ang thesis at ang iba pang requirements sa pagtatapos.

“Yes ma, kaya lang this new model came out at na-inlove agad ako. Like look, doble ata ng nipis ng luma ko,” pagmamalaki nya pa sa nanay, ang bagong cellphone niya ay nagkakahalaga ng 54,000 pesos. Napailing na lamang ang ginang, wala naman siyang magagawa kung ito ang ikasasaya ng nag iisang anak niya. Di bale na, pensyonado na naman silang mag asawa at kaya naman nilang suportahan ang luho nito.

Lingid sa kaalaman nila, ang tuition fee at ang iba pang bayarin sa eskwela na palaging hinihingi ni Kim ay hindi naman talaga napupunta roon. Ibinibili iyon ng dalaga ng kung anu anong mamahaling gamit, at ipinanlilibre sa mga kaibigan. Hindi marunong mag-budget ng pera si Kim dahil konting hingi nya lang naman pag naubusan sya ay mayroon agad, sobra sobra pa. Akala niya ay habangbuhay na ganoon kadali ang lahat.

Inayos na ni Kim ang kanyang bagong bag sa pagkakasukbit sa balikat niya at akmang lalabas na sa bahay, ang paalam niya ay may group project sila kahit ang totoo ay aalis sila ng mga kaibigan at pupunta sa Baguio gamit ang kotse nya.

“O anak, nahulog ang piso mo.” sabi ng nanay niya, pinulot pa ito at iniaabot sa kanya.

“Nevermind ma. It’s just piso, tapon mo na lang malansa pa yan eh.” nakangiting sabi nya at lumabas na ng bahay.

Wala nang nagawa ang ginang at ibinulsa nalang ang piso, sana hindi pa mahuli ang lahat bago matutunan ng anak niya ang kahalagahan ng pera.

Di nagtagal ay pumanaw na ang nanay ni Kim dahil sa komplikasyon sa sakit nitong diabetes, di naman nagtagal ay sumunod na rin ang kanyang ama. Dala na rin marahil ng matinding kalungkutan at pangungulila sa misis, idagdag pa roon na lagi rin namang wala sa bahay ang anak nilang si Kim.

Dahil nga hindi marunong humawak ng pera ang dalaga ay kaliwa’t kanan ang gastos niya sa natitirang pera ng magulang, nariyan pang mag-casino siya at magpatalo ng halos 30,000 isang gabi. Hindi na niya itinuloy ang pag aaral, magulang nya lang naman ay may gusto noon. Hindi rin sya nagtrabaho, akala nya, hindi na mauubos kailanman ang ari-arian ng mga magulang na naiwan sa kanya.

Makalipas ang limang taon

“Ma..Ma!” tinig ng isang bata ang nagpagising kay Kim, dahan dahan niyang iminulat ang mga mata at lumingon sa paligid. Tagaktak siya ng pawis, palibhasa ay wala naman silang electric fan. Isinanla na ng mister niyang adik sa droga, dahil sa kanyang madalas na pagsayaw sa mga disco at sa kapabayaan niya ay nabuntis siya ng di kilalang lalaki. Pinanagutan naman siya nito pero heto ang kinahinatnan nya, hindi niya alam na lulong pala ang napangasawa sa ipinagbabawal na gamot at lahat ng may halaga ay ipinagbili.

Naubos na rin ang pera na iniwan ng kanyang magulang, kahit singkong duling ay simot talaga.

Agad na hinanap ng mata niya ang mga anak, nakaupo sa papag si Jairuz ang panganay na 4 na taong gulang, sinundan ng 2 taong gulang at isa pang kapapanganak pa lamang, 2 buwan ang nakakalipas.

“Bakit?” tanong niya rito, tirik na tirik na ang araw at di pa sila nag-aalmusal. Madalas ay sinasadya nyang puyatin ang mga anak nang sa gayon ay di na kailangan pang mag almusal ng mga ito. Kung kinakailangang maglaro sila hanggang alas dose ng gabi, gagawin niya. Magagalit lang kasi ang mister nya at masasaktan sya kapag hinanapan niya ito.

“Ang init ni baby Miles,” sabi ng apat na taong gulang na bata. Naalarma naman si Kim at agad na nilapitan ang sanggol, nang hipuin niya ang leeg nito at inaapoy nga ng lagnat ang bata.

“Diyos ko po!” napasigaw na sabi nya, bale ba ay ginagawa ang health center sa kanilang barangay kaya sa kabila sila pinapupunta madalas, kailangang sumakay ng isang tricycle para makarating doon. Agad na kinuha ni Kim ang kanyang maliit na pitaka at binilang ang laman noon, anim na piso. Siyete pesos ang pamasahe, kulang pa ng isa!

Anak ng p*ta naman! Sige siya sa paghalughog sa buong bahay pero walang piso. Hindi maaaring hindi siya kumilos kaya inayos niya na ang gamit ng bata at sinimulang maglakad. Habang bitbit nya ang anak ay tila ba naalala niya noon, nang may malaglag na piso sa kanya at sinabi niya sa ina na itapon na lamang iyon. Ngayon kahit pamasahe ay di sya makakumpleto. Ang masakit pa, nadamay ang mga anak niya sa karmang hinaharap nya.

Pumatak ang luha nya, halu-halong pagsisisi at panghihinayang sa kanyang buhay ang dahilan ng mga iyon. Kung nakinig lamang siya sa magulang, kung sinunod niya sana ang payo ng mga ito, iba siguro ang naging buhay nya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement