Inday TrendingInday Trending
Matapos Sugurin ng Tunay na Asawa ang Kabit ay Doon Niya Lamang Nalaman ang Kahalagahan ng Sariling Pamilya

Matapos Sugurin ng Tunay na Asawa ang Kabit ay Doon Niya Lamang Nalaman ang Kahalagahan ng Sariling Pamilya

Nasa probinsya ang mga magulang ni Carmina habang sya naman ay nasa Maynila, narito ang kanyang trabaho kaya mas minabuti niyang dito na rin mangupahan ng matitirhan para hindi na siya mahirapan pa. Mahirap ang buhay sa probinsya, hindi niya kaya. Ang nanay at tatay niya ay hindi naman siya inoobligang magpadala, at wala naman ding kusa ang dalaga. Para sa sarili lang kaya sya nagtatrabaho. Kaya naman nagagawa niya pa ring bilhin ang anumang naisin niya.

Mag iisang buwan pa lamang sila ng boyfriend niyang si Rommel, maalala niya pa lang ang lalaki ay kinikilig na siya. Paano naman kasi, gwapo, maginoo at magaling itong humalik. Ang swerte niya talaga, ganoon na lamang ang ngiti niya nang mag-ring ang kanyang cellphone at makitang si Rommel iyon.

“Hello? Oo naman, pwede ako babe! Punta ka dito,” sabi niya at sobrang excited na. Nagtatanong kasi si Rommel kung pwede silang magkita ngayong gabi. Agad niyang inayos ang apartment, namili siya ng makakain sa kalapit na palengke at syempre.. naligo siya. Hindi naman pwedeng walang mangyayari sa kanila eh, papagurin niya nga itong mabuti para naman di na umuwi ngayong gabi, bukas na lang.

Isinalansan niya pang mabuti ang mga bungkos ng palay na pinadasalan niya sa kilala niyang manghuhula sa Masbate, nakahilera ang mga iyon sa bintana ng kanyang apartment. Pangtaboy daw ng mga maligno, aswang at kung anu-ano pang masasamang elemento. Bukod doon ay mayroon rin siyang palaspas, mga bote na may laman ng kung anu-anong dahon. Oo, naniniwala siya sa mga ganoon at ayaw niyang ma-sampolan siya ng mga aswang kaya inagapan niya na.

Pagkatapos ng lahat ng gawain ay naligo na siya, kalalabas niya lamang ng banyo nang muling tumunog ang kanyang cellphone, “Hello! Honeybabes naman ih,hihihi- ay, tay! Oho, nandito ako sa apartment ko, oo..” napapahiya niyang sabi dahil mali siya sa akalang si Rommel ang tumatawag, dahil magulang niya pala iyon.

Nagsasalita pa ang mga ito nang makarinig na siya ng ilang katok kaya nagpaalam na siya sa mga magulang sa telepono,”Sige na po. Oo mamaya na yang sasabihin nyo kasi..may ginagawa pa ako. Inuwi ko ang trabaho dito, andito lang naman ako sa apartment tawagan ko kayo mamaya,” nagmamadaling sabi niya. Di na hinintay pa ang sagot ng mga magulang sa kabilang linya. Agad siyang tumungo sa pinto at malanding ngumiti nang makita kung sino ang naroon.

“Ang sexy mo naman,” sabik na sabi ng lalaki at sinibasib siya agad ng halik.

“Huy, baka may makakita, dito tayo sa loob..” pabulong na sabi niya dahil nakikiliti siya sa halik nito sa leeg niya. Sinunod naman siya ng lalaki, at nagpadala sila sa apoy ng kanilang pagsasama.

Pagod na nakahiga ngayon sa kama sina Rommel at Carmina, nakanguso pa ang babae at tila nagtatampo.

“O bakit na naman?” natatawang sabi rito ni Rommel.

“Ang tagal-tagal mong dumating. Ang dami ko nang nagawa dito sa bahay, kung sinu- sino pa kasing inuuna,”

“Nagpatulong pa sa assignment niya yung bunso ko. Tsaka alam mo namang mahirap nang magpaalam kay misis kasi naghihinala na siya diba, sabi ko nga ay may emergency sa opisina kaya umalis ako saglit, na-miss lang talaga kita.” sabi nito sa kanya.

“Saglit? Edi hindi ka pala dito matutulog?” lalong umusbong ang pagtatampo ni Carmina, bwisit talaga ang balyenang asawa nito! Sagabal sa buhay nya!

Sasagot pa sana ang lalaki nang marinig nilang may kumakatok. Sino naman kaya iyon? “Baka yung pina-deliver ko,” sabi niya kaya si Rommel na ang tumayo at nagtapi nalang ng twalya. Ilang sandali ang lumipas at di pa rin ito bumabalik kaya nagpasya na si Carmina na sumunod. Nagtapi na lamang din siya ng kumot at lumabas na, sisilip lang naman sya.

“Baby, sino yan?” nakangiti pang sabi niya pero nawala ang lahat nang iyon nang isang malakas na sampal ang sumalubong sa kanya. Gaganti sana siya pero nakatapi lamang siya ng kumot at mahuhubaran siya kung gagawin niya iyon, si Rommel ay parang tanga lamang na nakatunganga sa gilid. Takot sa asawang galit na galit. Lingid sa kaalaman ng lalaki ay sinundan pala sya nito kanina, at nang masigurong babae nga ang pinuntahan ng mister ay kinausap nito ang landlady ng apartment. Hindi nakatanggi ang landlady dahil bukod sa ma-impluwensya ang misis dahil may kaya sa buhay, gumawa na rin ito ng eskandalo sa labas.

Ngayon tuloy ay hindi lang silang tatlo ang naroon, nakasilip rin ang ilang kapitbahay dahil bukas ang pinto.

“Hay*p ka! Ang kati kati ba ha? Ang kati kati? Ikayod mo sa semento!” sigaw pa ng misis ni Rommel. Iyak nang iyak si Carmina habang mahigpit na hawak ang kumot na siyang nagtatakip sa kanyang pagkahubad, pilit rin kasing hinihila iyon ng babae para lalo siyang mapahiya. Pero tila di pa sapat iyon dahil pagbaling ng paningin niya sa pinto ay naroon, nakatayo at naluluha..

Ang kanyang nanay at tatay.

Sosorpresahin pala siya ng mga ito kaya nagtatanong sa kanya kanina. Di alam ni Carmina kung paano natapos ang lahat, may dumating na mga barangay tanod at inawat ang nagwawalang misis, na siyang inilayo na ni Rommel sa lugar na iyon. Nagbanta pa ang babae na kakasuhan silang dalawa. Namalayan niya na lamang ang sarili na niyayakap ng kanyang ina habang tinataboy naman ng tatay niya ang mga taong nakiki-usyoso. Naiwan siyang luhaan, hubad, walang kahihiyan.

Hindi nagsasalita ang kanyang mga magulang at yakap yakap lamang siya, doon siya umiyak nang umiyak.

“Ang dami ko pang pangontra sa aswang,” sabi niya sa kawalan habang nakamasid sa kanyang bintana, tuloy-tuloy rin ang pagdaloy ng luha sa kanyang dalawang mata.

“Pero ako naman ang nang-aswang sa asawa ng iba.”

Niyakap siya ng mas mahigpit ng kanyang ama at ina at nagdesisyon na ang mga itong sa probinsya na muna sya iuwi. Doon ay natuto na si Carmina ng tunay na pagmamahal, hindi makasarili, hindi nang aagaw. Mas na-appreciate niya rin ang pag ibig ng kanyang mga magulang para sa kanya na sa kabila ng lahat ng kalokohan at kahihiyang ibinigay nya sa mga ito ay walang pag iimbot na tinanggap pa rin siya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement