Inday TrendingInday Trending
Hindi Siya Nakikinig sa Payo ng Matanda, Kinailangan Pang Mapunta Siya sa Bingit ng Kapamahakan Bago Niya Maunawaan ang Leksyon

Hindi Siya Nakikinig sa Payo ng Matanda, Kinailangan Pang Mapunta Siya sa Bingit ng Kapamahakan Bago Niya Maunawaan ang Leksyon

Si Cara ay anim na taong gulang. Isa siyang matalinong bata. Pag alam na niya ang isang bagay ay ayaw na niyang ulit-ulitin pang pag-aralan ito. Sa sobrang talino niya ay sadyang minamali niya ang mga tinuturo sa kaniya kahit alam naman niya kung ano ang tama.

“Balikan natin yung tinuro ko sa iyo kanina, ah. Ilan ang five plus five?”

“Five.” Tugon ni Cara sa kaniyang nanay bago tumakbo papalayo habang tumatawa ng malakas.

Mabait na bata si Cara. Sa mura niyang edad ay gusto na niyang tumulong sa mga gawaing bahay. Tinutulungan niya ang kaniyang lolo sa pag-aalaga ng kanilang mga halaman. Lagi din siyang umaagapay tuwing naglalaba ang kaniyang nanay. Nakikiusyoso siya sa kusina pag nagluluto ang kaniyang lola. Sinasabayan niya ang kaniyang tiya sa pagwawalis at pagliligpit ng mga pinagkainan. Sa kagustuhan niyang gawin ang ginagawa ng mga nakakatanda ay madalas siyang nakikialam sa mga gamit ng mga ito.

Bagama’t mabait na bata si Cara ay mahilig itong gumawa ng kalokohan. Para may mawalis siya sa sahig ay kinakalat niya ang kaniyang mga laruan bago niya ito wawalisin. Ginugulo din niya ang mga nakatiklop na damit para siya ang magtiklop ng mga ito. Inaagaw niya ang mga basura mula sa may hawak nito para siya ang magtapon ng basura sa basurahan.

Magaling din siyang mangatwiran.

“Bakit mo tinanggal yung mga nakalagay sa istante? Inayos ko na iyan kanina, ginulo mo na naman!” Minsang tanong sa kaniya ng kaniyang nanay.

“Ang pangit po, eh.”

Ang isang bagay na hirap na hirap ang lahat na ituro kay Cara ay ang makinig at sumunod sa kanilang mga habilin. Pinipili lang ni Cara kung ano ang pakikinggan at tatandaan niya. Ang karamihan ay nilalabas niya lang sa kabilang tenga.

Minsan ay pumunta sila ng mall ng kaniyang nanay para ibili siya ng bagong damit. Dahil araw ng linggo ay maraming tao ang namimili kaya’t mahigpit na binilin ng nanay ni Cara na huwag siyang lalayo sa kaniyang tabi. Bago pa sila umalis ay pinaalalahanan na si Cara ng kaniyang nanay sa kung ano ang mga dapat at hindi niya dapat gawin pag may pupuntuhan silang ibang lugar. Umaasa ang nanay niya na isinaulo niya ang lahat ng mga sinabi sa kaniya.

Habang tumitingin ang nanay ni Cara ng mga damit na ipapasukat niya sa anak ay nagawi ang mga mata ni Cara sa malaking bahay-bahayan na ipinapakita ng isang saleslady sa mag-asawa niyang customer. Kinalimutan ni Cara ang habilin ng kaniyang ina at mabilis na nagtatakbo patungo sa bahay-bahayan.

Naaliw si Cara sa samu’t saring laruan na kaniyang nakikita. Hindi niya namalayan ng napalayo na siya sa kinagagawian ng kaniyang ina.

Matapos busugin ang kaniyang mga mata ay liningon ni Cara ang kaniyang ina pero hindi niya ito nakita. Naglakad-lakad siya sa pag-asang maaalala ang lugar kung saan sila nagkahiwalay ng kaniyang ina.

Isang babae ang kanina pa nagmamatyag kay Cara simula nung tumakbo ito sa bahay-bahayan. Linapitan niya si Cara at ipinangakong tutulungan siyang hanapin ang kaniyang ina. Malapit na sila sa labasan ng kutuban si Cara ng hindi maganda. Nang tinalikuran siya ng babae para tumawag sa cell phone ay hindi na nagdalawang isip si Cara na tumakbo papalayo.

Mangiyak-ngiyak na si Cara habang iniikot niya muli ang mall para hanapin ang kaniyang ina. Sumasakit na ang kaniyang tiyan sa gutom at pagod na ang kaniyang mga paa kaya umupo siya sa kalapit na bangko para magpahinga muna.

Isang guwardiya ang nakapansin kay Cara na mag-isa kaya’t nilapitan niya ito.

“Mag-isa ka lang? Nasaan na ang kasama mo?” Sunud-sunod na tanong ng mabait na guwardiya.

Matapos maikwento ni Cara ang buong pangyayari ay sinama siya ng guwardiya sa kanilang opisina.

Sa kabilang banda ay alalang-alala ang nanay ni Cara habang naghihintay sa loob ng opisina ng mall. Sumapit na ang gabi ngunit hindi pa rin niya nakikita ang anak. Kanina pa siya humingi ng tulong sa mga guwardiya pero ilang oras na ang lumipas at wala pa rin siyang natatanggap na balita.

Laking pasasalamant ng nanay ni Cara ng may pumasok na isang guwardiya kasama ang kaniyang anak.

Mahigpit na niyakap ni Cara ang kaniyang ina nang makita niya ito habang humahagulgol ng iyak. Paulit-ulit siyang humihingi ng tawad. Nangako si Cara na palagi na siyang makikinig sa mga inihahabilin sa kaniya at susunod na siya sa mga nakakatanda.

Kung ikaw ang magulang ni Cara, paano mo siya didisiplinahin para maging masunurin siyang bata? Sa tingin mo ba ay mali ang pamamaraan ng mga nag-aalaga at nagtuturo kay Cara kaya madalas hindi nakikinig ang bata sa kanila? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement