Inday TrendingInday Trending
Kumapit sa Patalim ang Lalaki sa Tindi ng Pangangailangan, Nakonsensya Siya nang Malaman ang Pinagdadaanan ng Biktima Niya

Kumapit sa Patalim ang Lalaki sa Tindi ng Pangangailangan, Nakonsensya Siya nang Malaman ang Pinagdadaanan ng Biktima Niya

Hindi ikinahihiya ni Toto ang kaniyang trabaho. Kaya lang ay hindi niya pwedeng ipaalam sa iba.

Sa trabaho niya ay hawak niya ang kaniyang oras. Isa o dalawang oras lang ng trabaho ay katumbas ng isang buwang sahod ng isang ordinaryong empleyado. Wala pang kaltas. Minsan nga lang ay kailangan niyang magbuwis ng buhay, wala rin siyang kahit na anong benepisyo tulad ng SSS, Pag Ibig, Philhealth, o maging health card na ilan lamang sa mga ibinibigay ng kompanya sa mga empleyado, regular man o hindi.

Nag-order ng pagkain si Toto sa isang restaurant. At habang naghihintay ng kaniyang order ay pinag-aralan na muna niya ang mga features ng bago niyang cell phone. Wala siyang ginastos para dito. Abilidad at diskarte lang ang puhunan niya para makulimbat ito sa isang babaeng estudyante na bumibili ng text books sa isang tindahan ng libro.

Habang kumakain si Toto ay lumilinga-linga siya sa paligid. May nakita siyang bagong aasintahin. Pinasadahan niya ng tingin ang buong restaurant para masigurong wala itong security camera. Kailangan lang niyang kumuha ng tamang tiyempo dahil kung hindi ay kulungan ang bagsak niya.

Nang makita ni Toto na pumunta ng c.r. yung lalaki habang abala ang mga kasamahan nito sa kani-kanilang mga cell phone ay pasimple siyang naglakad malapit sa kanilang pwesto. Mabilis ngunit maingat niyang kinuha ang laptop bag na nakapatong sa silya bago umalis na parang walang nangyari.

Bagama’t hindi malinis ang trabaho ni Toto ay hindi naman siya masamang tao. Higit sa kalahati ng perang kinikita niya ang ipinadadala niya sa kaniyang pamilya sa probinsya. Hindi rin siya umiinom at gumagamit ng bawal na gamot. Wala din siyang hilig sa mga babae. Kung may bisyo man siyang matatawag iyon ay walang iba kung hindi paninigarilyo.

Habang nagpapadala ng pera si Toto sa probinsiya ay may nakita siyang lalaki na isinisilid ang kinuha niyang remittance sa isang malaking bag. Ang nakaagaw ng kaniyang atensyon ay ang laki ng halagang ipinapasok nito sa loob ng bag. Paglabas ng lalaki ay pasimple niya itong sinundan. Tiwala siyang makukuha niya ang bag na hindi namamalayan ng lalaki dahil mukhang wala ito sa sarili. Nang pumasok ang lalaki sa simbahan ay dito na nakakuha ng tiyempo si Toto na pasimpleng kunin ang bag habang taimtim itong nagdadasal nang nakapikit.

Sa dami ng pera sa loob ng bag ay sigurado si Toto na mareresolbahan na ang lahat ng kaniyang problema. Pwede na siyang umuwi sa probinsya. Makakapiling na niyang muli ang kaniyang pamilya. May pangpuhunan pa silang magagamit kung sakaling gustuhin nilang magtayo ng negosyo. Maaari nang mamuhay ng matiwasay ang kaniyang pamilya.

Pagdating ni Toto sa tinutuluyan niyang kwarto ay masaya niyang binilang ang laman ng bag. Hindi maaalis ang ngiti sa kaniyang labi habang iniisip niya ang paggagamitan niya ng pera.

Nang marating ni Toto ang pinakailalim ng bag ay may nakapa siyang mga papel na nakarolyo. Maingat niya itong binuklat at nagulat siya nang mabasa niya kung ano ang mga ito, mga bayarin sa ospital para sa dalawang tao. Ang iba ay para sa isang babae na suspetsa niya ay asawa ng lalaking ninakawan niya at ang ibang bayarin ay para sa bagong silang na sanggol. Bawat bayarin ay nagkakahalaga ng higit isang daang libo.

Muling kinalkal ni Toto ang laman ng bag. Marami siyang nakitang encashment forms. Sa bawat form ay iba ang pangalan ng sender. Ang iba ay pangalan ng mga foundation.

Mangiyak-ngiyak si Toto habang masusing binabalik ang lahat ng papel at pera sa loob ng bag. Alam niya kung ano ang nararamdaman ng kaniyang naging biktima. Alam niya ang pakiramdam nang pinagsakloban ng langit at lupa. Siya rin ay nangangailangan ng malaking halaga para sa pagpapagamot ng anak niyang may sakit. Magkaiba nga lang sila ng tinahak na landas para masolusyunan ang kanilang mga problema. Ang kaniyang biktima ay mas piniling tahakin ang tuwid na daan samantalang si Toto ay kumapit sa patalim.

Hindi maatim ng konsensya ni Toto ang nagawa niyang pagnananakaw. Kung kaya’t pumunta siya sa ospital kung nasaan ang mga pasyente para isauli ang bag ng pera. Nang madatnan ni Toto na natutulog ang kaniyang biktima habang nakayuko sa hinihigaan ng asawa nito ay pasimple niyang iniwan ang bag sa paanan ng lalaki bago tahimik na linisan ang ospital. Hindi na siya nagpakilala pa dahil nahihiya siya sa kaniyang ginawa.

Binuksan ni Toto ang kanyang puso, na bagama’t mali ang ginagawang pagnanakaw ay marangal naman ang hangarin.

Dahil sa nangyari ay sinubukan niyang magbago. Labag man sa kanyang kalooban, ibinenta niya ang bagong cellphone na nanakaw na naging dahilan upang makalikom siya ng sapat na halaga upang magsimulang muli. Ngunit pangako niyang ibabalik ang pagkakautangan sa dalagang pinagnakawan niya nito. Isinave ni Toto ang larawan nito sa telepono, naghanap din siya ng mga impormasyon na maaaring magdala sa kanya pabalik dito. Hahanapin niya ang dalaga sa takdang panahon.

Nagtayo siya ng maliit na sari-sari store sa kanilang probinsya at nag-invest sa ukay-ukay na mga damit na napalago naman ng kanyang pamilya.

Nang nakaluwag-luwag si Toto ay pinangakuan nya ang pamilyang luluwas ng Maynila upang makita din ng mga ito ang ganda ng lungsod at maranasan ang mga naglalakihang pasyalan doon. Bumili siya ng pinakabagong modelo ng cellphone dahil ito na ang yugto upang maibalik sa dalaga ang ninakaw niya. Kinakabahan lamang siya na baka mauwi sa wala ang plano dahil hindi niya alam kung saan hahanapin ang dalaga.

“Ah basta bahala na.” bulong niya sa sarili.

Habang naglalakad sa mall ay biglang may nakabangga si Toto. Isang babae na pamilyar ang mukha. Hindi niya matandaan kung saan niya ito huling nakita. Basta ang alam niya’y parang matagal na niya itong nakikilala…

Tama! Ito ang dalagang pinagnakawan niya ng cellphone noon. Kung sineswerte ka nga naman, ang tadhana na ang magdadala sa iyo sa taong hinahanap mo. Agad niya itong hinabol na ipinagtaka ng dalaga.

“Miss, pinapabigay sayo ng lalaking may malaking pagkakautang sayo. Pinapasabi din niyang salamat sa pagpapautang at nakapagbagong buhay siya.”

Hindi maipinta ang mukhang iniabot ng dalaga ang paper bag. Takang-taka ang mukha nito. Pagkaabot sa dalaga’y tumakbo na palayo si Toto. Hanggang ngayon ikinakahiya parin niya ang pag-amin sa dating naging trabaho. Marahil sa loob niya’y hindi pa niya tanggap na minsan siyang pumasok sa isang trabaho na nanghahamak ng ibang tao.

Advertisement