Inday TrendingInday Trending
Hinamak ng Dalaga ang Lahat Para sa Pangarap, sa Huli ay Wala Siyang Napala

Hinamak ng Dalaga ang Lahat Para sa Pangarap, sa Huli ay Wala Siyang Napala

Nagsimulang mabuo ang pangarap ni Bernadette noong siya ang napiling representative ng kanilang kolehiyo para sa Mr. and Ms. University. Matapos niyang maipanalo ang patimpalak ay tiningala siya ng mga kapwa niyang estudyante. Maraming kalalakihan ang humanga sa kaniya. Tumaas ang kaniyang popularidad. Naging sikat siya sa kanilang unibersidad.

Matapos niyang maranasan kung ano ang pakiramdam ng tinitingala ng karamihan ay ginawa ni Bernadette ang lahat para lalo siya umangat sa kaniyang kinatatayuang pedestal. At ang inaasinta niya ay ang maging tanyag na modelo sa buong mundo.

Sumali si Bernadette sa mga patimpalak sa pagandahan at pagmomodelo hanggang sa kinuha siya ng isang ahensiya para maging isa sa kanilang mga modelo. Hindi niya aaksayahin ang pagkakataong ito. Handa siyang gawin ang lahat ng kaniyang makakaya para siya ang maging pangunahing modelo ng kaniyang ahensya. Kahit tapakan pa niya ang pagkatao ng kaniyang mahigpit na karibal na si Cathy.

Nung minsang magkasama ang dalawa sa isang fashion show, para masiguro ni Bernadette na hindi siya matatalbugan ng kaniyang karibal ay palihim niyang sinira ang takong ng susuotin nitong sapatos. Dahil sa kaniyang ginawa ay nahulog si Cathy sa entablado at nabali ang kaniyang binti.

Tulad ng inaasahan ni Bernadette ay natagalan bago muling makabalik sa pagmomodelo si Cathy kaya karamihan ng mga proyekto nito ay binigay sa kaniya ng ahensya. Sa paglipas ng panahon ay tuluyan nang natabunan ng kasikatan ni Bernadette si Cathy ngunit hindi pa rin siya nakuntento dito.

Nakipagrelasyon siya sa presidente ng kanilang ahensiya kahit pamilyadong tao na ito para masiguro niyang sa kaniya ibibigay ang mga magagandang proyektong hawak ng ahensiya. Hindi niya inalintana kung makasira man siya ng pamilya basta’t matupad ang kaniyang pangarap na maging sikat na modelo.

Dumating ang pinakahihintay na pagkakataon ni Bernadette nung siya ang napiling ipadala ng kaniyang ahensya sa isang sikat na fashion show sa Paris. Pinaghandaang mabuti ni Bernadette ang gaganapin na fashion show. Puspusan ang kaniyang pag-eehersiyo sa gym para masiguro niyang mapapanatili niya ang magandang korte ng kaniyang katawan. Masusing pagdyedyeta din ang kaniyang ginawa para hindi tumaas ang kaniyang timbang. Araw-araw ay sinasanay niya ang paraan ng kaniyang paglalakad.

Pagdating sa Paris ay nainis si Bernadette. Hindi niya matanggap na kaya siya ipinadala ng ahensya ay para maging back up model lamang ng naturang fashion show. Ang buong akala niya ay kasama siya sa rarampa sa entablado. Walang sinabi sa kaniya ang kaniyang ahensiya na magiging salingpusa lamang siya.

Para magkaroon siya ng pagkakataong makarampa sa entablado ay kinaibigan niya si Marie, isa sa mga modelo ng palabas. Kinuha niya ang loob nito. Lingid sa kaalaman ni Marie ay may masamang balak sa kaniya ang dalaga. Nung gabi bago ang nakatakdang fashion show ay nilasing ni Bernadette ang nasabing modelo.

Kinabukasan ay hindi nakarating si Marie sa fashion show kaya walang nagawa ang organizer kung hindi ipasuot kay Bernadette ang damit na irarampa sana ni Marie sa entablado.

Masayang-masaya si Bernadette dahil nagtagumpay siya sa kaniyang plano. Malaki ang tiwala niya na ang gaganaping fashion show ang magiging huli niyang hakbang para maging isang tanyag na modelo sa buong mundo. Bagama’t hindi niya pa nakikita ang damit na kaniyang susuotin ay hindi na maalis ang ngiti sa kaniyang mga labi habang inaayusan siya ng mga stylist. Sigurado siyang magara ang damit na kaniyang irarampa. Hindi na siya makapaghintay na rumampa sa entablado.

Magiliw na lumabas si Bernadette para irampa ang suot niyang damit. Hindi niya napansin na hindi pala pantay ang kaniyang lalakarang entablado kaya natapilok siya at tuluyang bumagsak sa sahig. Nabalewala ang lahat ng preparasyong kaniyang ginawa para lamang sa araw na iyon. Napahiya siya sa harap ng maraming tao. Lumipad ang pangarap niyang makilala bilang isang tanyag na modelo sa buong mundo. Ngayon ay maaalala siya bilang ang modelo na lumagpak ang sariling mukha sa sahig.

Ang akala ni Bernadette ay doon na nagtatapos ang kaniyang kamalasan ngunit hindi niya inaasahan ang iskandalong naghihintay sa kaniya sa pagbalik niya sa Pilipinas. Kumalat na pala sa media ang bawal na relasyon niya sa presidente na kaniyang ahensiya. Sinampahan din siya ng kaso ng asawa nito.

Advertisement