Inday TrendingInday Trending
Lalaki, Pinagmalupitan ng Sariling Ina Ngunit Nakahanap na Tunay na Pagkalinga sa Gurong Matandang Dalaga

Lalaki, Pinagmalupitan ng Sariling Ina Ngunit Nakahanap na Tunay na Pagkalinga sa Gurong Matandang Dalaga

“Nay, pwede po bang makihingi ng 50 pesos, may project po kasi kami sa school,” tanong ng labintatlong taong bata na si Jimmy sa kanyang ina. Nakaismid agad ang nanay niyang nagsusugal kasama ang mga tropa nito. “Ay naku, Jimmy tigilan mo ako kakahingi mo, kaya ako natatalo dahil sayo,” anito sabay hithit ng sigarilyo. “Bigyan mo na kasi Pat, para umalis na,” pambubuska naman ng kalaro at kaibigan ng ginang. Lalo lamang itong umismid, “Ay naku, bibigyan ko pa ba ‘yan eh bobo naman ‘yan sa eskwela. Walang ibang inuwing grade sa amin kung hindi palakol. Puro line of seven!” Tila napapahiyang umalis na lamang sa kumpol ng mga nagtatawanan at nagsusugal na mga ginang si Jimmy. “Saan kaya ako kukuha ng 50 pesos para sa project namin bukas?” Naglakad-lakad siya sa palengke hanggang sa makabunggo siyang matabang lalaki, “Sorry po.” “Anong sorry? Tumingin ka kasi sa dinadaanan mo, bobo!” Natulala si Jimmy. Nagpaulit-ulit sa kanya ang salitang kanina niya pa naririnig. “Bobo nga ba talaga ako?” tanong niya na rin sa sarili. (Photo for illustration purposes only.) Sa parke ay nakita niya ang kanyang guro. Madalas naroon ito dahil nakikipaglaro ito sa mga bata doon. Matandang dalaga ang kanyang teacher kaya naman sobrang hilig nito sa bata. “Ma’am Samonte!” tawag niya dito. Napalingon ito sa kanya, “Oh, Jimmy andyan ka pala. Anong ginagawa mo dito?” Napangiti siya sa guro, napakabait ng ginang at hindi lang iisang beses niyang hiniling na sana’y ito nalang ang nanay niya. Naikwento niya na naman ang nangyari kanina. Araw-araw ay ito ang nagsisilbing takbuhan niya sa tuwing may problema siya sa bahay. Hindi rin naman ito nagsasawa na payuhan siya, “Huwag mong intindihin ang sinasabi nila, Jimmy. Lagi mo lang itatanim sa isip mo na magaling ka, at naiiba ka sa lahat.” “Salamat po, Ma’am.” Gusto niyang maluha sa sinabi ni Miss Samonte. Ito lang talaga ang nagpapalakas ng loob niya. Itinuturing niya itong parang isang ina. Ito ang dahilan kung bakit kahit hirap na hirap siya sa pag-aaral ay pinipilit niya pa ring pumasok. Aminado naman si Jimmy na mahina ang ulo niya pagdating sa eskwela pero hindi siya pinanghihinaan ng loob dahil sa mabait niyang guro. Ilang taon ang lumipas at sa wakas ay nakapagtapos rin ng highschool si Jimmy. Wala ang nanay niya sa graduation. Hindi pa rin kasi ito naniniwala sa kakayahan niya. Kaya naman si Miss Samonte pa rin ang umakyat ng stage para sa kanya. Matapos ang kanyang graduation ay nagtungo siya sa Maynila upang maghanap ng trabaho. Mag-iipon siya para makapag-aral ng kolehiyo. “Jimmy, magbigay ka ng pambayad sa renta ah!” ika ng kanyang ina habang kausap siya sa telepono. Hindi naman siya nakakalimot magbigay sa pamilya kahit nag-iipon siya. Kahit wala pa ring bilib ang pamilya ay hindi siya sumuko. Wala na rin siyang balita sa kanyang dating guro. Pero lagi niyang hinihiling na sana’y makita niyang muli ito. Ilang taon muli ang lumipas at nakapagtapos rin si Jimmy ng kolehiyo. Agad siyang umuwi ng probinsya at hinanap ang guro. “Wala na dito si Karen, namatay siya sa sakit sa puso noong isang taon.” Iyak nang iyak si Jimmy sa puntod ng guro. Labis ang pasasalamat niya sa kabutihan ng kanyang dating guro. Iniwan niya rin ang medalya bilang cum-laude sa puntod nito, “Inialay ko sa inyo ang tagumpay ko, Ma’am. Hindi ito magiging posible kung hindi po dahil sayo.” Lubos na nagluluksa ang puso ni Jimmy dahil ang guro na nasa puntod ang taong nagbigay sa kanya ng inspirasyon upang lumaban sa buhay. Hindi ito ni minsan nagawa ng kanyang ina, sa halip ay hanggang ngayon ay hinuhuthutan parin siya ng pera. Nawala man ang guro na hindi siya personal na nakapagpaalam, alam niyang nakangiti itong pinagmamasdan ang kanyang tagumpay. Saludo kami sa mga gurong iniaalay ang kanilang buhay sa kanilang propesyon. Mga gurong hindi lamang ang sarili ang iniisip. Mga gurong itinuturing na mga tunay na anak ang kanilang mga estudyante. Wala kami sa kinalalagyan namin ngayon kung hindi dahil sa inyo. Salamat po!

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement