Isang Matanda ang Natanggal sa Trabaho, Nabiyuda at Nilayasan ng mga Anak, Hindi Inisip na Katapusan na ng Mundo, sa Halip ay Nagpatuloy pa sa Kolehiyo
“Humigit-kumulang 50 taon rin ang hinintay ko, makapagtapos lamang sa kolehiyo.”
Si Nenita, 61 years old, kasalukuyang excited para sa kanyang nalalapit na graduation. Limang araw na nga lang ay napipinto na ang kanyang pagtatapos sa kolehiyo.
“Hindi ka ba kinakabahan, Neth? Malapit na ang graduation mo. Hindi ka ba naiinip?” tanong ng kaibigan niya habang namimili sila ng dress sa Divisoria.
“Nahintay ko nga ng limang dekada, limang araw pa kaya?” natatawang tugon niya sa kaibigan.
Ngunit bago niya marating ang nalalapit na tagumpay ngayon, napakaraming pagsubok ang napagdaanan niya sa buhay.
Una na roo’y nang matanggal siya sa trabaho dahil sa umano’y kailangan nang magbawas ng tao sa kumpanya nila. At tulad ng inaasahan, isa siya sa mga natanggal dahil may edad na siya.
Sumunod doon ay nang mamatay ang kanyang asawa sa sakit na liver cancer. Hindi niya alam kung paano bubuhayin ang dalawang anak na noo’y kasalukuyang parehong nag-aaral sa kolehiyo. Para silang nabalian ng isang paa pare-pareho dahil ang mister niya lang noon ang nagtatrabaho upang matustusan ang pangangailangan nila ng pamilya.
Maigi nalang at may natanggap silang insurance money galing sa trabaho ng asawa. Ginamit niya iyon upang magtayo ng maliit na negosyo. Sumunod naman ay ang matanggap niya ang pensyon ng asawa. Kaya unti-unti rin silang nakabangon sa buhay. Ngunit kung kelan naman umaalwan sila sa mula sa trahedya ng kahapon ay saka naman niya nalamang parehong nagloloko sa pag-aaral ang kanyang mga anak.
“Pakiramdam ko sa tuwing makakabangon ako sa isang trahedya, panibagong problema na naman ang darating agad,” nasabi niya noon sa sarili.
Nang subukan niyang pagsabihan ang dalawang anak ay nagalit pa ito sa kanya.
“Please mga anak, pagsumikapan niyong makapagtapos. Napakahirap ng walang pinag-aralan!”
“Wala ka rin alam sa pinagdaraanan namin, Mama! Puro ka lang negosyo!” matapos noon ay magkasunod siyang nilayasan ng parehong anak.
Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Matapos noon ay nawalan na siya ng ganang mabuhay hanggang sa makita niya ang pagtatapos ng mga kaklase ng kanyang mga anak. Pinanghinayangan niya nang sobra ang buhay ng mga ito.
“Kung ‘di sila parehong nag-asawa, malamang nakapagtapos na rin sila.”
Pero may naisip siya habang nanunuod ng graduation. Doon ay naisip niyang mag-ipon ng sariling pantuition upang makapag-aral sa susunod na pasukan. Marami man ang mga matang nakatingin sa kanya simula sa araw ng pasukan ay hindi siya nagpaapekto doon. Ang tanging nasa isip niya ay marating ang pinaka-pinapangarap niyang diploma ng college. Hindi man niya ito nakamtam sa pamamagitan ng mga anak niya, pinilit niyang makamtan ito sa sariling pagsusumikap.
“Ramirez, Nenita S, Graduated with the Degree of Bachelor of Science in Business Management.”
Maluha-luha si Nenita nang marinig ang pangalan niya habang umaakyat sa stage. Hindi niya na napigilan ang pag-agos ng luha nang sa wakas ay mahawakan ang diplomang pinakaaasam. Masigabong palakpakan naman ang sumalubong sa kanya.
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.
Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.
Anong aral ang natutunang mo sa kwentong ito? sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.