Inday TrendingInday Trending
Hindi Nirerespeto ng mga Estudyante ang Guro na Ito na Laging Nakaka-idlip sa Klase, May Malubhang Karamdaman Pala Ito Tinitiis Lamang

Hindi Nirerespeto ng mga Estudyante ang Guro na Ito na Laging Nakaka-idlip sa Klase, May Malubhang Karamdaman Pala Ito Tinitiis Lamang

“I-video niyo bilis, tulog na naman siya oh!” ika ng isang estudyante ni Mrs. Ortiz.

Habang vinivideohan ay nakatuwaan pa ng mga ito na kantahan ng pampatay na musika ang matandang guro. Hindi naman namamalayan iyon ng kaawa-awang guro hanggang sa tuluyang siyang magising.

“Sorry class, nakaidlip pala ako,” hinging-paumanhin niya sa mga estudyante niya na agad nagsiayusan ng upo.

“Okay lang ma’am,” sabay-sabay na tugon at animo napakababait ng mga ito.

Nagpatuloy sa klase ang guro. Hindi niya namamalayang wala nang nakikinig sa kanya. Simula palang ay nahahalata na niyang hindi siya ginagalang ng kanyang mga estudyante. Ngunit hindi niya magawang pagsabihan ang mga ito dahil alam niya naman ang dahilan ng mga bata, ito ay dahil palagi siyang nakakaidlip sa klase niya.

Kung minsan pa nga’y sa tuwing nagigising sa pagkaidlip ay naaabutan niyang nagtatawanan ang mga ito. At wala siyang ibang magawa doon kundi ang humingi ng pasensya sa kanyang klase.

Ngunit dumating ang araw na naabutan niya na lamang nag-aaway ang dalawa sa mga estudyante niya. Kaya naman wala siyang ibang nagawa kundi ang ipatawag ang magulang ng mga ito.

Sa guidance office sila nagkaharap-harap. At doo’y kinausap niya ang magulang ng parehong bata. Hindi pa rin nagkaayos at nagsisisihan pa rin ang mga ito, “Tumigil kayo James at Kean, kung hindi ipapa-suspend ko kayo sa klase!”

Hindi na siya nakatiis at binantaan na ang dalawang batang nagbabangayan pa rin. Bigla naman siyang pinagtuunan ng pansin ng mga ito.

“Ikaw nga tulog nang tulog sa klase, pina-suspend ka ba namin?”

“James, ang bastos mo sa guro mo!” saway ng nanay nito. “Humingi ka ng sorry.”

“Ayoko. Hindi naman talaga dapat ginagalang ang gurong palaging tulog sa klase.”

Napahiya ang guro dahil sa sinabi ng kanyang estudyante. Lalo na’t narinig pa ito ng kanilang guidance counselor. Kaya naman kinabukasan ay hindi na siya nag-atubili pa’t nagpasa na ng resignation sa kanilang principal. Agad naman itong nakarating sa kanyang mga estudyante.

“Balita ko magreresign na daw si Ma’am Ortiz,” bulong ng isang estudyante, “At ang ipapalit daw ay si Ma’am Herrera.”

“Naku po, napakasungit nun! At namamalo ng kamay,” takot na turan ng isa.

“Sisihin niyo si James, pinahiya niya si Ma’am Ortiz sa Office,” sabad ni Kean.

“Bakit ako? Eh totoo namang tutulog-tulog lang siya sa klase natin ah!”

Yun ang naabutang usapan ni Mrs. Ortiz kaya naman malumanay siyang humingi na naman ng tawad sa mga ito, “Pasensya na kayo kung palagi akong naiidlip sa klase ah. Katunayan niya’y may sakit kasi ako. Kailangan ng regular na gamutan. At ang epekto ng gamot ay ang pagiging antukin.”

Gulat ang lahat sa siniwalat ng guro. Hindi sila makapaniwalan may dinaramdam na pala ito.

“Kaya magreresign na ako upang matutukan nalang ang kalusugan ko. Sorry, inisip ko kasi kayo, paano na lang kapag nagresign ako? Sino na ang iintindi sa inyo? Gusto ko sanang tapusin muna ang taon ng klase bago magresign, kaso dumating na ‘to eh.”

Natahimik ang lahat, “Sorry talaga. Magpakabait kayo class ah? Mahal na mahal ko kayo. Para ko na rin kayong mga anak.”

Naiyak ang mga estudyante sa pagpapaalam ng guro. Pagsisisi naman ang inabot ni James at ng iba sa nagawang kasalanan sa kanilang guro. At upang makabawi dito ay halos araw-araw nila itong dalawin sa bahay at dinadalhan ng bulaklak at prutas. Doon nila namiss ang guro nilang pasensyosa at mapagkumbaba.

“Ma’am, pagaling ka po ah. Miss na miss ka na po namin. Sana po lumakas na kayo at makapagturo nang muli. Walang makakatumbas sa pagiging mabuti niyong guro.”

Advertisement