Inday TrendingInday Trending
Maraming Natulungan ang Mabait na Mangingisda sa Lugar Nila at sa Oras ng Sakuna ay Ito pa ang Iginanti ng mga Ito sa Kanya

Maraming Natulungan ang Mabait na Mangingisda sa Lugar Nila at sa Oras ng Sakuna ay Ito pa ang Iginanti ng mga Ito sa Kanya

“Pare, wala kaming huli ngayon. Baka naman pwedeng makahingi ng kaunting parte sa inyo.”

Agad na ngumiti ang grupo nina Mang Herbert sa kapwa nila mangingisda. At dahil siya ang kapitan ng bangka ay ang desisyon niya ang sinusunod ng lahat. Hindi madamot si Mang Herbert, kaya kaunting ungot ng mga kaibigan niyang mangingisda ay binibigyan niya.

Mabait ito at kilala rin sa bayan nila dahil sa taglay nitong kabutihan.

“Mang Herbert, baka naman sobra na ang kabaitan niyo at inaabuso nalang kayo ng iba,” palaging paalala ng mga kasamahan niya.

Umiling siya, “Hindi hijo, hangga’t may pinapakita kang kabutihan sa kapwa mo. Hindi ka pababayaan ng Diyos.”

Ganoon palagi ang tema ng matanda. Hanggang isang gabi ay bigla silang binagyo sa kanilang baklad o tinutulugang kubo sa gitna ng karagatan. Punong-puno na ng kaba ang bawat mangingisdang kasama ni Mang Herbert. Kaya naman siya na ang gumawa ng paraan upang humingi ng tulong sa ibang grupo.

Doon ay nabuhayan siya ng loob nang makita niyang bukas ang ilaw ng grupo nina Mang Tasyo, ang madalas nilang bigyan ng isda noon. Kinawayan niya ito at sinigawan. Humihingi siya ng tulong. Hanggang sa magiba na ang kubo nila at tanging sa kawayan na lamang sila nakakapit pare-pareho.

Kitang-kita ni mang Herbert kung paano sila tignan lang ng grupo nina Mang Tasyo. Doo’y tila nawalan sila ng pag-asa. Alam nila kung gaano kadelikado ang lagay nila ngayon. Siguro’y natatakot rin ang mga mangingisda ni Mang Tasyo kaya hindi sila magawang tulungan.

“Ito na ba ang katapusan natin, Mang Herbert? Nasaan na yung mga tinulungan mo noon?” sumbat ng tauhan niya.

Napaiyak nalang ang matanda. Nagdasal at pinagpasa-Diyos nalang ang lagay nilang lahat. Hanggang sa makarinig silang lahat ng pagpito. Nagmumula iyon sa grupo nila Mang Tasyo. Nagulat sila nang may kasama nang rescuers ang mga ito.

“Tasyo, akala namin ay hindi niyo na kami tutulungan,” umiiyak na ika ng mga mangingisda.

“Pasensya na kayo kung natagalan,” ika nito. “Mang Herbert, pasensya na talaga ah. Hinintay pa kasi namin ang mga rescuers. Mahirap na kung sumugod rin kami, napakadelikado sa dagat. Maigi na lamang at may dalang cellphone itong pamangkin ko.”

Laking-pasalamat ng lahat at wala namang nasawi sa trahedya. Masayang-masaya rin si Mang Herbert dahil hindi siya binigo ng kanyang paniniwala. Tunay ngang kapag may tiwala ka sa Diyos ay hindi ka Niya kailanman pababayaan. Nagpatuloy si Mang Herbert sa pagtulong sa kapwa. At dahil doo’y nangibabaw pa ang pagtutulungan sa kanilang mga mangingisda.

Advertisement