Inday TrendingInday Trending
Ang Mapanglait na si Ginang Punsalan

Ang Mapanglait na si Ginang Punsalan

“Diana, hindi ka ba nakikinig? Mali sabi ‘yang ginagawa mo. Ang bobo-bobo mo! Paano ka ba napunta sa section na ‘to!?”

Umagang-umaga ngunit iyong mga litanyang iyon na naman ang naririnig nila mula sa mapanlait na bibig ni Ginang Punsalan. Nakita na naman niya si Diana, isa sa kaniyang mga estudyante. At pinag-initan niya ang babae kahit na alam naman niyang mahina ang loob nito. Tatlo kasi ang mali nito sa limang tanong ng takdang-araling ipinagawa niya. Gaya ng dati ay tila wala itong natututunan sa klase kahit pa ilang beses na siyang pinagalitan ng guro at tinawag sa kung anu-anong bansag.

Idagdag pa ang naging impit na tawanan ng ilang mga estudyante na kung tawagin ng ibang mag-aaral ay mga teacher’s pet. Na kahit anong sabihin ng guro ay pinapanigan nila para lang sa mataas na grado at papuri mula sa mapanlait na guro. Achievement nga naman kasi iyon. Kung ang iba’y nilalait niya, sila’y pinupuri nito basta’t dumikit lamang sila sa kaniya.

“Hindi ka bagay dito, ineng, alam mo ba ‘yon? Kung hindi mo kayang tanggapin ang sasabihin ko humanap ka ng ibang teacher na magtitiyaga diyan sa kahinaan ng utak mo! Dahil ganoon ang mundo dapat masanay ka na. Tignan mo nga ‘yang suot mong uniform. Gusot-gusot! Ni hindi mo man lang maplantsa sa inyo! Ano? Pati pagpaplantsa hindi mo alam kung papaano?”

“Ma’am, kasi…” Susubukan sana ni Diana na ipaliwanag ang dahilan kung bakit gusot ang kaniyang uniporme, na wala silang kuryente at walang inang magtuturo sa kaniya kung paano magplantsa man lang ng damit ngunit ang malapad at makinis na kamay ni Ginang Punsalan ang agad na nakapagpatahimik sa kaniya. Sumenyas ito gamit ang kamay at inis na iniharang iyon sa mukha niya na ngayon ay namumuo na ang luha sa dalawang mata.

“Manahimik ka! Magpapaliwanag ka pa, eh, puro mga katangahan naman ang sinasabi mo. Ang sabihin mo bobo ka talaga! Wala kang karapatang mag-aral dahil bobo ka! Ni ayaw mo ngang makinig sa akin!”

“O, ano, iiyak ka na? Bakit? Kasi totoo, eh. Bobo ka! Kung wala nga ‘yang mga kaibigan mo papasa ka ba? Magkakalakas ka pa ba ng loob na humarap sa akin? Hindi, ‘di ba?”

“Kaya kayo makinig kayo sa akin dahil ako ang teacher dito.” Itinuro ng ginang ang ilan pang mga estudyante sa paligid. “Mas marami akong alam sa inyo kaya kung ayaw niyong matulad sa bobitang ‘yan sumunod kayo at huwag kayong magreklamo!”

Doon na nagpanting ang tainga ng kanina’y nakikinig lang na si Milo. “Masyado nang sumosobra si Ginang Punsalan. Lahat na lamang ba ng mali ni Diana ay kailangan niyang punahin para ito’y matuto? Kung oo man ang sagot dapat ba na sa ganitong paraan? Kailangan niya ba talagang ipahiya ang seatmate ko?” sa isip-isip ni Milo.

Sa inis ni Milo ay hinawakan niya ang braso ni Diana. Dama niya ang mga peklat sa bahaging iyon ng braso nito, marka na sinusugatan ng babae ang kaniyang sarili, ngunit hindi na niya iyon pinansin. Alam niyang hindi dapat sang-ayunan ang ganoong gawain ni Diana at hindi rin dapat kuwestiyunin dahil hindi niya rin naman ito masisisi.

“At ano’ng ginagawa mo, Milo?” agad siyang sinita ni Mrs. Punsalan. “Gusto mong matulad sa kaklase mong ‘yan? Nahahawa ka na rin ng katangahan dahil magkatabi kayo?”

“Katangahan ba talaga ang tawag niyo rito, ma’am? Kung oo ay inaamin ko na hong t*nga ako. Oho, madalas ho kaming magkamali. Kumpara sa talino niyo ay walang-wala ang laman ng mga utak namin. Pero pinaaalala ko lang ho sa inyo na narito kami para matuto. Hindi para laitin niyo. Narito kami dahil gusto naming maabot ang pangarap namin. At hindi ho kami ang nagkwekwenta ng grades namin para ilagay ang sarili namin sa pilot section na ipinagmamalaki niyo!” saad ni Milo bago niya pinindot ang end button ng selpon na kanina pa pala niya hawak-hawak sa loob ng bulsa ng kaniyang pantalon. Hudyat para naiiling na pumasok sa classroom nila ang taong kanina pa nakikinig sa kabilang linya, ang punong-guro ng paaralan.

Ang punong-guro na ‘di hamak na mas mataas ang naabot kaysa sa naabot ni Ginang Punsalan ngunit kailan man ay hindi sila hinamak bagkus ay binigyan pa sila ng payo na siyang mas makatutulong sa kanila. Naaalala pa ni Milo kung papaano nakapasok si Diana sa section na ‘to. Dahil iyon sa tulong at payo ng kanilang punong-guro.

“Malayo na nga ang narating ni ma’am. Maaaring nakaranas din siya ng mga panlalait mula sa ibang tao at swerte siya dahil kinaya niya iyon. Ngunit hindi naman kasi lahat ng tao ay kasing tatag niya,” nasabi ni Milo sa sarili.

Hindi kasing tatag ng punong-guro si Diana na noong araw ding iyon ay inatake sa puso at idineklarang wala ng buhay nang makarating sa ospital.

Ang saklap ng nangyari kay Diana. Tanging ang mga hiniram na lamang niyang reviewer sa subject ni Ginang Punsalan ang napabalik sa eskwelahan. Hindi na kasama ang mga pangarap ng babae na hinadlangan ng pagiging sarado ng isipan ng kanilang titser na dapat sana ay gumagabay sa kanila.

Natanggalan ng lisensiya ang ginang. Bukod pa roon ay hindi na rin siya pinatulog ng kaniyang konsensiya dahil sa ginawa niya sa estudiyante niyang si Diana.

Advertisement