Kabutihan Pa Rin ang Isinukli
Dumungaw si Divina sa bintana ng kaniyang salas nang makarinig siya ng mga sumisigaw sa labas ng kaniyang bahay. Ngunit nagulat na lamang siya nang bigla siyang tamaan sa noo ng isang matigas na bagay. Sa lakas ng pagkakabato niyon ay para siyang nahilo. Nabitawan niya ang pagkakahawak sa kurtinang tumatakip sa bintana.
“Aswang!”
“Salot!”
“Halimaw!”
Naghihiyawan ang mga tao habang patuloy na binabato ang kaniyang tahanan. Wala pang sampung segundo ang lumilipas ay nagsigawan muli ang mga ito.
“Pin*tay mo ang mga anak namin! Halimaw ka!”
“Dapat sa’yo ay puksain din!”
Naramdaman ni Divina ang pag-agos ng dugo mula sa bahagi ng kaniyang noo kung saan tumama ang isang bato ngunit hindi iyon ang kaniyang iniinda.
Muli na namang humiyaw ang boses ng kaniyang kumakalam na sikmura na dalawang araw nang hindi nakakakain ng sapat. Wala na siyang nagawa kung ‘di ang humagulgol na lamang at tiisin ang mga hiyaw ng mga taong nasa labas ng kaniyang bahay.
Talamak na naman kasi ang pagkawala ng mga batang nakatira sa kanilang lugar at sa kaniya na naman isinisisi ng mga ito ang lahat dahil sa kakaiba niyang hitsura at kilos na tila ba hindi siya isang tao kung ‘di isang uri ng hayop. Halimaw ang tingin ng mga kabarangay niya sa kaniya.
Mayroon kasing tinatawag na solar urticaria si Divina. Isang uri ng allergy sa sinag ng araw na nagdudulot ng pamamantal sa balat ng taong mayroong ganitong kondisyon kaya madalas ay tuwing gabi na talaga kung lumabas ang dalagang si Divina.
Buong buhay niya’y palagi na lamang siyang mag-isa. Pagkatapos ganito pa ang laging napapala niya. Ulila na siyang lubos at ni hindi nakapag-aral. Isa siyang mangmang na ngayo’y itinuturing na halimaw, dahil lang sa siyaʼy kakaiba ng kaunti sa kanila.
Ni hindi na makalabas ng bahay si Divina para makadelihensya man lang ng pagkain. Dalawang araw na rin kasi siyang inaabangan ng kaniyang mga kabarangay. Alam niyang oras na siya’y lumabas ay talagang sakit ng katawan ang aabutin niya o ‘di kaya’y baka higit pa roon ang matamo niya.
Ngunit talagang matindi na ang kalam ng kaniyang sikmura. Dalawang araw na rin niyang pinagkakasya ang isang may kalakihang ensaymada at maligamgam na tubig na nasa kaniyang termos upang huwag lang siyang lumabas ng bahay. Ngunit kanina nga’y naubos na rin ang mga iyon.
Hinintay niya munang mag-alas dose ng hatinggabi upang masigurong tulog na ang halos lahat ng taong nakatira malapit sa kaniyang bahay bago siya nagpasiyang lumabas upang kumuha ng mga gulay na itinanim niya sa kaniyang bakuran. Talbos ng kamote, okra, sitaw, ampalaya, pipino at kangkong ay mayroon siya. Ito ang madalas niyang kainin lalo na kapag hindi siya nakadelihensya ng pambili ng ibang pagkain sa bayan.
Nasa ganoon siyang akto nang may mamataan siyang isang grupo ng mga kalalakihan na nagtutungo sa isang malaking bodega sa ‘di kalayuan. Ang mga ito’y sakay ng isang puting van kanina.
Agad na nagtago sa isang sulok si Divina upang pagmasdan kung ano ang kanilang gagawin hanggang sa mapasinghap na lang siya dahil kitang-kita ng dalawa niyang mga mata na may ipinapasok na mga bata ang naturang mga lalaki sa loob ng van mula sa bodega!
Nagpupumiglas ang mga batang iyon. Mga nakatakip ang mga bibig, nakatali ang mga kamay at mga paa. Hindi malayo ang kinaroroonan ng mga ito kaya aninag na aninag niya ang mukha ng mga bata.
Ito ang mga nawawalang anak ng kaniyang mga kabarangay na kanina lang ay nanggagalaiting binabato siya sa bintana!
Walang pagdadalawang isip na tinungo ni Divina ang police station sa bayan kahit patuloy pa rin ang kalam ng sikmura niya. Ang nasa isip niya kasi ay baka mahuli na ang lahat kung uunahin niya munang kumain kaysa ang iligtas ang mga batang walang laban.
Mabilis din ang naging pagresponde ng mga pulis sa bodega. Mabuti na lamang at eksakto ang dating nila! Kung nahuli lang sila ng ilang sandali ay baka naitakas na ng mga kalalakihang miyembro pala ng sindikato ang mga bata upang ibenta sa mga pedophile.
Timbog ang boss ng sindikato!
Bukod pa roon ay tumestigo rin si Divina laban sa mga ito para sa hustisya ng mga bata.
Doon ay napatunayan niya kung gaano kalinis ang kaniyang puso kahit pa madalas ay siya ang pinagbibintangan ng kaniyang mga kabarangay. Sa kabila ng kanilang kasamaan sa kaniya ay nagawa pa rin niyang suklian iyon ng kabutihan. Isa siyang tunay na bayani kung tutusin.