Inday TrendingInday Trending
Gusto Mo, Gusto Ka Ba?

Gusto Mo, Gusto Ka Ba?

“Trisha, nandiyan ‘yong crush mo, o!”

“Oo nga, Trisha! Nandiyan si Nate!”

Halos mataranta sa pagpupulbos si Trisha nang marinig iyon mula sa mga kaibigan. Nandiyan daw kasi ang crush niya!

Agad siyang nagpa-cute nang mapadaan ito sa pwesto nila sa opisina. “Hi, Nate!” Maarte ang tinig ni Trisha sa binata. Sinagot naman iyon ni Nate ng tango at simpleng ngiti lang.

Hindi naman nadismaya si Trisha dahil doon. Kababata niya si Nate. Nakasama na niya ito noon pa kaya naman sanay na siya sa pagiging kimi nito at hindi palakibo.

“Ang gwapo talaga!” Tila nananaginip pa siya habang nakatingin sa papalayong pigura ng lalaki. Dumaan lang ito sa pwesto nila dahil magtutungo ito sa office ng kaniyang boss na siya namang best friend nito.

Malaki talaga ang pagkagusto ni Trisha kay Nate. Halos siya na nga ang manligaw at magpakita ng motibo sa binata para lang magkaroon ng katuparan ang pangarap niyang maging sila. Simula pa noong elementary days nila ay si Nate na ang crush niya. Kahit noong high school siya, nag-college at ngayong may trabaho na’y ito pa rin ang hinahabol-habol ni Trisha.

May ibang lalaki rin namang sumubok na manligaw sa kaniya sa kabila ng malaking pagkagusto niya kay Nate ngunit lahat sila ay hindi umubra!

Isang gabi, nagkayayaang mag-bar ang magkakaopisina. Eksakto namang naki-join din ang kanilang boss at si Nate. Pakiramdam ni Trisha ay pagkakataon na niya ito para mag-confess kay Nate ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang dumating ito sa bar na may kasamang ibang babae.

Nagkatinginan silang magkakaibigan. “Sino ‘yon?” naiiritang tanong ni Trisha sa mga ito na napakibit-balikat na lang.

“Guys, Nate and his girlfriend will be joining us tonight,” paga-announce ng kanilang boss na ikinabigla nina Trisha.

Pakiramdam niya ay sin*ksak ng milyon-milyong karayom ang kaniyang puso. Nasaktan siya nang malamang may girlfriend na si Nate.

Uminom nang uminom si Trisha nung gabing iyon. Dahil sa tama ng alak ay mas naging malakas ang kaniyang loob. Tinungo niya ang pwesto ni Nate at ng girlfriend nitong masayang nagtatawanan.

“Nate!” tinawag niya ang binata.

“O, Trish, bakit…” Ngunit ‘di pa man nito natatapos ang sasabihin ay hinalikan na niya ito sa harap mismo ng nobya!

Dahil siguro sa gulat ay marahas siyang naitulak ni Nate. “Bakit mo ginawa ‘yon?!” Napasigaw ito.

Tuloy ay nakuha nila ang atensyon ng halos lahat ng tao sa bar.

“Nate, please, ako na lang!” Lumuhod si Trisha sa harap ng binata. Ni hindi na inisip ang sariling kahihiyan. “Ako na lang ang mahalin mo!”

“Ano?! Tumayo ka nga riyan, Trisha! Nakakahiya ka!” saway pa ng binata ngunit hindi ito nakikinig. Tumayo si Trisha at nagsimula namang yakapin si Nate.

“Trisha, pwede ba?!” Sa ikalawang pagkakataon ay naitulak si Trisha ng lalaki. “Hindi kita gusto! Bigyan mo naman ng kahihiyan ang sarili mo! Huwag mong ipagpilitan ang sarili mo sa taong ayaw sa ‘yo, Trisha!”

Doon ay natigilan ang dalaga. Pakiramdam niya ay parang bigla siyang nahimasmasan. Tila sinampal siya ng katotohanang hindi siya gusto ng binata.

Matapos ang gabing iyon ay ilang araw na hindi nagparamdam si Trisha sa opisina. Inaamin niyang nakakahiya ang ginawa niya ngunit nagawa lang naman niya iyon dahil sa sobrang pagmamahal kay Nate.

Nasaktan siya ni Nate dahil sa sarili niyang kagagawan. Ngayon ay mas malabo nang magustuhan siya nito.

“Trisha, mag-move on ka kung kinakailangan pero huwag mong pabayaan ang trabaho mo,” ani ng kaniyang boss nung sinadya pa siya mismo nito sa kanilang bahay dahil ilang araw na siyang absent sa trabaho. Mukhang naaawa pa ito sa kaniya kaya hindi pa siya tinatanggal.

“Tanggalin niyo na po ako, sir,” wala sa sariling sagot naman niya rito.

“Alam ko at naiintindihan kong may pinagdaraanan ka, so I’m giving you a consideration,” may simpatiya namang sagot ng kaniyang boss. “Trisha, pahalagahan mo rin ang sarili mo. Hindi lang si Nate ang lalaki sa mundo. Marami pang iba riyan. Explore.” Iyon ang huling mga salitang binitiwan ng kaniyang boss bago ito nagpaalam.

Doon ay tila sinampal na naman si Trisha ngunit sa pagkakataong ito ay nakapag-isip na siya ng tama.

Kinabukasan ay taas noo siyang bumalik sa trabaho. Nagpaganda siya’t mas masaya ang aura. She’s still in the process of moving on pero alam niyang ito na ang simula ng pagbabago sa buhay niya.

“Thank you, sir,” taos pusong pasasalamat ni Trisha sa kaniyang boss.

“I don’t accept a simple thanks, Trisha. Ilibre mo ako ng lunch mamaya,” pabiro namang sagot nito.

“Sure!”

Nagkatawanan ang dalawa ng mga sandaling iyon. Malaki talaga ang pasasalamat ni Trisha rito. Ang hindi niya alam ay matagal na ring may lihim na pagtingin ang kaniyang boss sa kaniya. Hindi nga lang ito makaporma dahil head over heels siya kay Nate.

Mula noon ay niligawan na si Trisha ng boss niya. Inabot din ng taon bago nakatanggap ng sagot ang lalaki dahil nga nung mga panahong iyon ay ibang lalaki ang itinitibok ng puso nito.

“Sinasagot na kita.” Halos tumalon sa tuwa ang boss ni Trisha nang ibinigay ng babae nung hapong iyon ang kaniyang matamis na oo sa kalagitnaan ng kanilang date. Tuwang-tuwa naman si Trisha sa nangyari. Na-realize niyang wala talagang maidudulot na maganda ang pagmamadali lalo na pagdating sa pag-ibig. Minsan ay kailangan nating maghintay na dumating ang taong itinakda talaga para sa atin at huwag nang ipagsiksikan ang sarili sa taong hayagang sinasabing hindi nila tayo gusto.

Advertisement