Isang Halimaw ang Nagpapakilabot sa mga Turista, Ano Kaya ang Kailangan Nilang Ialay Upang Mapatahimik Ito?
Usap-usapan ang halimaw na sinasabing nagpapakita at nagdadala ng matinding kilabot sa mga turista at pati na rin sa mga mamamayang nakatira doon. Gayunpaman, imbis na layuan ang lugar na iyon ng mga turista at bakasyonista ay lalo pa silang naengganyong pumunta upang masaksihan mismo ng kanilang mga maga ang sinasabing halimaw.
Isa sa mga naglakas ng loob na pumunta ay ang pamilya Reyes. Mahilig ang kanilang pamilya na maglakbay at magpunta kung saan-saang lugar, kaya naman nang mabalitaan ang Sedak Beach ay agad silang nagpunta doon.
“Anak! Huwag kang masyadong magpakalayo-layo sa dalampasigan! Magpasama ka sa kuya mo,” wika ni Jess sa pitong taong gulang na anak na si Cathlyn.
“Mama, maliwanag naman po. Hayaan ninyo siya. Kumain na lamang tayo,” sagot naman ng kuya.
Kumain na nga ang mag-anak habang lumalangoy ang bata. Maraming dalang ulam at pagkain ang mag-anak, na ibinalot ni Jess sa mga plastic bags upang hindi na sila magdadala pa ng lalagyanan pag-uwi. Dahil malayo ang basurahan, kung saan na lamang abutin ay doon na lamang nila ipinupukol ang mga basura.
Bukod sa kanila, isang grupo naman ng mga dalaga at binata ang sa kabilang banda ay masayang nagkakantahan at nag-iinuman sa tabi ng dalampasigan. Dahil matagal nilang pinag-ipunan ang trip na iyon, napakarami rin nilang dalang pagkain at pulutan. Katulad ng pamilya Reyes ay kung saan-saan na rin nila ipinupukol ang mga balat at bote ng kanilang pinag-inuman.
“P’re! Huwag ka diyan magtapon. Nakita mong pagkaganda-ganda ng beach na ito, tapos bababuyin mo lang,” wika ni Robin sa kaibigang si Christian.
“KJ naman nito! Kita mong ang layo-layo ng basurahan e. Nandito tayo para magsaya. E ‘di ikaw na ang magtapon,” sagot nito.
Napakamot na lamang ng ulo si Robin, at dala ng kanyang konsensya ay pinulot ang mga basura at itinapon sa tamang lagayan.
Masayang-masaya ang mga tao ng araw na iyon na magtampisaw sa tubig-alat nang matigilan ang lahat sa isang malakas at nakakakilabot na boses ang umalingawngaw sa dalampasigan.
“Arghhhhh! Urghhhhh! Umalis kayo!”
Nagkatinginan ang mga taong kanina ay masayang nagkukwentuhan.
“Oh my gosh! ‘Yan ba ‘yong sinasabi nilang halimaw?!” takot na takot na tanong ng isa
“Ayan na! Ayan na siya!” sigaw ng isa pa.
Ngunit wala namang nakikita ang mga tao. Ang iba’y nagtawanan pa at sinabing may nanloloko lamang na tao na nananakot upang sumikat ang kanilang lugar. Nang bigla na lamang nilang napansin ang batang si Cathlyn na kumakaripas ng takbo pabalik ng dalampasigan.
“Mama! Mama! Nakita ko po ang halimaw. Nakakatakot! Mama!” paulit-ulit na sigaw ng bata na labis ang kilabot dahil nakita raw niya ang halimaw. Nang mahimasmasan, sinabi niyang korteng lalaki raw ito na may itim at pulang balat, at kulubot na kutis. Malaki raw ang bunganga nito at bigla na lamang daw kumalabit sa kanya habang siya ay lumalangoy.
Tuluyan nang nabalot ng kilabot at katahimikan ang dalampasigan. Maya-maya pa ay isang napakalakas na boses na hindi nila alam kung saan nanggaling ang bigla na lamang nagsalita.
“Sinisira ninyo ang kalikasan. Lumayas kayo rito, lumayas kayo!”
Nagtakbuhan na ang mga tao nang sila na mismo ang makasaksi ng halimaw na dahan-dahang naglalakad papalapit sa kanila mula sa tubig-alat.
Kinabukasan, nabalitaan ng mga opisyal ng barangay ang nangyari. Agad silang nag-usap-usap kung paano mapapatahimik ang halimaw.
“Ang sabi raw kasi noong halimaw ay sinisira raw natin ang kalikasan. Hindi kaya ang gusto niya ay panatilihin lamang na malinis ito? Kasi kung napapansin niyo, may punto siya. Napakarumi na ng dagat nang magsimulang dumami ang mga turista rito,” wika ng isa.
“May punto ka. Bakit hindi natin subukan magkaroon ng clean-up drive? Baka sakaling mapatahimik natin ang halimaw,” tugon ng isa.
Napagkasunduan nilang gawin nga iyon. Maya-maya lamang ay sama-sama silang naglinis ng dalampasigan. Pinulot nila ang mga basurang hindi naman dapat naroroon. Dinagdagan na rin nila ang mga basurahan na mas malapit sa tabing-dagat.
Hindi nga sila nagkamali. Noong araw na iyon ay hindi nagpakita ang sinasabing halimaw. Kaya naman inaraw-araw na nila ang paglilinis. Nagkaroon na rin ng mga striktong panukala ukol sa tamang pagtatapon ng basura. Mabuti na lamang at pati ang mga turista ay sumunod sa mga panukalang iyon.
Simula noon ay naging tahimik na ang Sedak Beach. Kailanma’y hindi na muling nagpakita ang sinasabi nilang halimaw na nagdadala ng takot sa karamihan, lalo na sa mga kabataan.
Habang mapayapang lumalangoy ang mga turista, isang matandang lalaki ang nakaupo malapit sa kinaroroonan ng mga ito. Pinagmamasdan niya lamang ang mga tao, at tuwang-tuwa sa malaking pagbabago na nangyari sa lugar na iyon. Nakangiting nitong sabi sa sarili, “tapos na ang tungkulin ko. Hindi ko na kailangang magpanggap na isang nakakatakot na nilalang para lamang mapanatili ang ganda ng karagatan.”
Hindi isang halimaw, kundi isang mabuting loob na lalaki pala ang nagpanggap na anyong nakakakilabot upang magpahatid ng napakahalagang mensahe sa mga taong nakakalimot, na ang kalikasan ay dapat pangalagaan upang ito ay habambuhay na mapakinabangan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!