Nakasanayan na ng Babae na Magpalaglag sa Tuwing Mabubuntis, Labis ang Hinagpis Niya nang Hindi na Siya Mabiyayaan ng Anak Makalipas ang Ilang Taon
“Buntis na naman ako! Bwisit! ‘Yong nakasiping kong lalaki na nakilala ko sa bar noong nakaraang buwan, tatanga-tanga! Ipinutok pala sa loob ko,” reklamo ni Jessica sa kaibigang si Andrea.
“Ha? Gaga! Pang-ilan na ‘yan? Panglima? Bakit kasi hindi ka pa tumigil sa mga pinaggagagawa mo. Ilang beses ba kita kailangang pagsabihan? Hintayin mo na si Mr. Right! Darating din ‘yon!” pangaral nito.
“Nako, ineenjoy ko lang naman ang pagka-dalaga ko. At mukhang hindi naman na darating ‘yang si Mr. Right na sinasabi mo,” anito.
“Gaga! Ilang taon ka lang? 21? Tapos sasabihin mong hindi na darating. Umayos ka! Anong gagawin mo? Itutuloy mo na ba?” tanong ni Andrea.
“Ano ka ba? Siyempre hindi! Hindi ko nga kilala ‘yong lalaki e. Matapos nung nangyari sa’min e hindi na naman kami nag-usap pa. Pupunta akong quiapo mamaya at bibili ng gamot. Mas ayos na ang ganitong gastos kaysa naman sa panganganak at pagpapalaki,” sagot ni Andrea.
Napakaraming beses nang nangyari ang ganitong usapan ng dalawa. Kahit anong pangaral ni Andrea sa kaibigan ay kailanma’y hindi ito nakinig sa kanya. Wala rin naman siyang magawa dahil hindi naman niya matres ang inaabuso ng dalaga.
Sa tuwing may libreng oras si Jessica, pumupunta ito sa kung saan-saang bar upang humanap ng lalaking makapagbibigay sa kanya ng panandaliang ligaya. Dahil ayaw niya sa pakiramdam ang paggamit ng proteksyon tulad ng condom, halos ng lahat ng nangyari sa kanya ay nagbunga.
Lumipas ang limang taon at tila walang pagbabago sa istilo ng pamumuhay ang dalaga, hanggang sa dumating ang araw na yumao ang kanyang butihing ina. Nang dahil doon, natauhan siya sa kanyang mga ginagawa at sinubukan nang magbago. Tinigilan na niya ang paglagi sa mga bar at inuman, at nag-focus na lamang sa kanyang trabaho.
Hindi nagtagal at isang lalaki ang pumukaw ng kanyang atensyon. Bagong pasok sa kanilang kompanya ang binatang si Fiel. Mataas agad ang katungkulan nito dahil anak siya ng CEO ng kompany.
“Hi, Jessica. Pwede ba kitang yayaing lumabas mamaya?” nakangiting tanong nito.
Pumayag ang dalaga, at doon na nagsimula ang kanilang matamis na pagtitinginan. Lumipas ang ilang buwang ligawan ay sinagot na ni Jessica ang binata.
“Girl! Ang taray, ang pogi ng jowa mo! Sabi ko naman sa’yo darating na si Mr. Right eh,” nakangising tukso ni Andrea sa kaibigan nang sila’y magkakwentuhan.
“Kaya nga e! Pogi, mayaman, mabait, at mapagmahal. Napaka-swerte ko,” ngiting-ngiting sagot ni Jessica.
Ilang taon pa ang lumipas at tuluyang lumalim ang pagtitinginan ng magkasintahan. Hanggang dumating ang araw na yayain ni Fiel si Jessica na magkapakasal.
Napakasaya ni Jessica dahil hindi niya inakalang mas higit pa sa Mr. Right ang lalaking dumating sa kanyang buhay.
“Napakaswerte ko sa’yo, Fiel. Hindi lang Mr. Right, Mr. Perfect! I love you so much,” wika nito.
Tuluyan nang nagpakasal ang dalawa. At dahil galing sa isang prominenteng pamilya si Fiel, agad na silang kinukulit ng ama’t ina ng lalaki na bigyan kaagad sila ng apo.
“Hija, kailan ba kami magkaka-apo? Tumatanda na kami. Gusto ko pang maabutan ang Fiel Jr. namin,” nakangiting sabi ng ina ni Fiel.
Dahil doon, sinubukan na ng dalawa na magkaroon ng anak. Isa, dalawa, tatlo… Napakaraming beses. Ngunit tila walang nabubuo sa ilang beses nilang subukan iyon. Dahil doon, agad silang pumunta sa doktor upang magpakonsulta.
“Hija, ayon sa mga pagsusulit ay ikaw ang may problema. Sirang-sira na ang iyong bahay-bata nang dahil sa labis na pagpapalaglag noong ikaw ay dalaga pa. Kaya naman kahit anong gawin ninyong subok ay hindi magbunga ang inyong pagsasama,” saad ng doktor.
Halos gumuho ang mundo ni Jessica. Bukod sa matinding lungkot at pagsisisi dahil sa mga dating gawain, natatakot din siyang iwan siya ng kanyang mister nang dahil sa hindi niya ito mabigyan ng anak.
“Mahal? Patawarin mo ako. Naikwento ko naman sa iyo ang lahat ng nakaraan ko, hindi ba? Patawad dahil hindi ko alam na ganoon na pala ang epekto noon sa akin. Kaya matatanggap ko kung iiwan mo na ako,” umiiyak na saad ni Jessica sa kanyang asawa.
“Ha? Ano ka ba? Bakit naman kita iiwan? Mahal na mahal kita. Oo, nagkasala ka sa mga ginawa mo noon. Pero nakalipas na iyon at narito na tayo sa kasalukuyan, at maaari nating mabago ang hinaharap. Huwag kang mag-alala dahil may nakausap akong doktor sa America,” sagot ni Fiel habang nakayakap sa asawa.
Lumipad patungong Amerika ang mag-asawa. Doon ay nagawang maisaayos ang bahay-bata ni Jessica gamit ang pinakabagong teknolohiya at mga gamot. Malaki ang nagastos ni Fiel ngunit para sa kanya ay sulit ang lahat ng iyon kung para naman sa kapakanan nilang mag-asawa.
Matapos ang ilang taon, sa wakas ay nagbunga na ang kanilang tapat na pagmamahalan. Nagbuntis muli si Jessica ng isang babaeng sanggol, at naipanganak ng malusog. Tuwang-tuwa ang lahat sa biyayang ipinagkaloob sa kanila.
Simula noon ay linggo-linggo na ring pumupunta si Jessica sa simbahan upang ipagdasal ang mga batang hindi niya binigyan ng pagkakataong mabuhay. Labis-labis ang kanyang pagsisisi sa mga maling desisyong nagawa niya noong dalaga pa siya, at laking pasasalamat niya ay binigyan pa siya ng isa pang pagkakataon upang maging ina.
Ipinangako niya sa sarili na palalakihin ng mabuti ang anak na babae upang hindi nito gawin at gayahin ang mga pagkakamaling kanyang ginawa noon. Laking pasasalamat niya rin sa asawang si Fiel na tinanggap siya ng buong-buo sa kabila ng kanyang pangit na nakaraan. Magmula noon ay namuhay sila ng masaya at mapayapa.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!