Malapit nang Ikasal ang Dalaga, Nagbago ang Lahat nang Mahuling May Ibang Babaeng Gumigiling sa Ibabaw ng Nobyo
“Will you marry me, Erika?” tanong ng lalaki habang nakaluhod at may hawak na singsing.
“Yes, I will marry you,” sagot naman ng babae na nakangiti habang pumapatak ang mga luha sa mata.
Sa mismong araw ng graduation ay nag-propose si Gilbert sa apat na taong kasintahan na si Erika. Hindi makapaniwala ang dalaga, tila ba ang lahat ay isang panaginip na nagkatotoo. Ang makasal sa lalaking mahal ang isa sa mga pangarap niya.
Naging maayos ang kanilang pagsasama. Nagkakaroon man ng away ay agad naman ding naaayos. Lahat ba ay parang planado at plantsado. Perpekto na nga halos kung titignan.
Hindi muna nagpakasal agad ang dalawa. Nagtrabaho muna sila, nag-ipon at nagpundar ng isang unit na may dalawang kwarto at mga gamit na kailangan para dito.
Dalawang taon pa ang lumipas simula ng magyaya ng kasal ang lalaki, ay sa wakas, kaunting panahon na lamang ay lalakad na ang babae sa altar, ngunit isang buwan bago iyon ay nangyari ang hindi nila inaasahan.
Isang araw ay tumawag si Gilbert sa kasintahan.
“Sorry love, hindi ako makakapunta ngayon, kasi may dinner meeting kami ng mga boss ko, eh kailangan daw kasama ako,” saad ng lalaki.
Bilang babaeng malawak ang pang-unawa ay hindi naman nagalit si Erika. Naiintindihan niya ang pagpupursigi ng kasintahan, dahil nalalapit na ang kanilang kasal.
“Okay lang love, at saka baka traffic din naman ngayon, payday kasi. Magkita na lang tayo sa isang araw sa condo, para maiayos yung mga parating na gamit,” masiglang sagot naman ng babae.
Nung araw din iyon, habang pauwi ay natigil nga sa tindi ng traffic ang dalaga. Isang oras na ang nakakalipas, pero hindi na halos umusad ang mga sasakyan. Lumingon-lingon siya sa paligid at bumaba na lamang.
Malapit lamang din naman sa lugar na yun ang nabiling condo, kaya minabuti niyang dumalaw muna doon at magpalipas muna ng oras hanggang sa umayos na ang daloy ng trapiko.
Habang nasa baba ng gusali ay tila ba nakaramdam na siya ng kakaibang kaba. Hindi niya maipaliwanag kung bakit at paano, pero tila ba may humihila sa kanyang tumuloy at may isang parte din na natatakot na gawin ito.
“Excited lang siguro ako sa kasal,” wika niya sa sarili. Ilang panahon na lang kasi at sabay na silang titira dito at bubuo ng pamilya.
Habang nasa tapat ng pintuan ay napahinga na lang ng malalim si Erika. Akmang bubuksan na niya ang pinto nang makarinig ng ingay na galing sa looban, kaya napahawak na lamang siya sa dibdib. Natatakot siya na baka may magnanakaw.
“Diyos ko, paano kung may multo dito,” bulong niya sa sarili, “o kaya naman magnanakaw,” kaya’t lalong bumilis ang kabog ng kanyang dibdib.
Lakas loob niyang hinawakan ang busol ng pintuan at laking gulat niyang nakabukas na ito ng pihitin. Madilim ngunit may kaunting ilaw siyang nakikita. Nanggagaling ang ilaw na ‘to mula sa isang kwarto, sa dapat na kwarto nila ng magiging asawa.
Lumapit siya sa kwarto at dahan-dahang naglakad. Pinilit niyang maglakad ng tahimik upang makasiguro kung may ibang tao nga.
Kinapa niya ang pindutan ng ilaw at saka ito binuksan. Laking gulat niya ng tumambad sa kanyang harapan, ang hubo’t hubad na katawan ni Gilbert, habang nakapatong sa ibabaw nito ang best friend nitong babae.
“G-Gilbert?” mahinang tanong niya.
Tila ba naistatwa si Erika sa nangyari, parang tumigil ang oras ng mga panahong iyon. Hindi siya makapaniwala na ang bestfriend ng nobyo ay gumigiling sa ibabaw nito. Pakiramdam niya ay sumisikip ang kanyang dibdib at umiinit ang kanyang mukha.
“Erika, love,” agad naman na tumayo ang lalaki.
Hindi naman magkamayaw ang babae paghahanap ng kanyang damit.
“Ang kakapal ng mukha niyo! Ang bababoy niyo!” sigaw ni Erika habang nananatiling nakatayo.
“Love, wait…” di malaman ng lalaki ang gagawin.
Parang hindi pa rin napoproseso ng utak ni Erika ang mga nakita. Parang na-blangko ang kanyang pag-iisp, at bumalik na lamang lahat sa reyalidad ng kausapin na ng nobyo. Nakabihis na ito at bakas ang takot sa mukha.
“Akala ko ba nasa trabaho ka? Akala ko may business meeting? Ibang babae lang pala ang tinatrabaho mo!” matigas na pagkakasabi ni Erika.
“Sorry, love,” tugon ng lalaki.
“Paano niyo nagawa ‘to? Bestfriend tapos nagpapaka-cow girl sa boyfriend ng iba? Anung klase yun?” halos sumabog na sa galit si Erika, ngunit pinipilit lamang na kumalma.
Tumayo ang bestfriend ni Gilbert upang lumabas sana.
“Di ka lang pala mukhang kabayo, magaling ka rin palang mangabayo!” madiing pagkakasabi niya sa babaeng kasama ng nobyo.
Nagmadali naman itong lumabas agad ng kwarto, habang naiwan ang magkasintahan sa loob.
Di pa rin makapaniwala si Erika na ang nobyo at ang bestfriend nito na kasama magplano sa proposal, hanggang sa pagpaplano sa kasal at madalas na kasama nila pag may lakad ang mismong aahas sa kanya.
“Inakit niya lang ako love, maniwala ka sakin,” pagpapaliwanag ni Gilbert, “tsaka medyo lasing kasi ako,” dagdag pa nito.
“Amoy na amoy ko ang pabango mo, at yung mint galing sa bibig mo, tapos lasing?” natatawang tugon naman ng babae.
“Maniwala ka naman love o.”
Hindi umiyak si Erika kahit na pakiramdam niya ay sasabog na ang kanyang dibdib. Sinubukan naman siyang lapitan ng nobyo upang yakapin, ngunit tila ba lahat ng galit ay naipon sa kanyang kamay at saka niya sinampal ang nobyo.
“Tapos na tayo, Gilbert!” sigaw niya at saka siya tumalikod.
Hinabol siya ng lalaki, ngunit sinampal lang niyang muli ito at sinigawan na tumigil na. Habang naglalakad sa labas at may nabunggo siyang tao, ngunit hindi na lamang ito pinansin.
Hindi alam ni Erika kung paano siya nakauwi dahil sa sobrang lalim ng iniisip. Pagdating sa bahay ay kanyang pinagtapat sa magulang ang nangyari, at sa pagkakataong ito, pumatak ang mga luha niya.
Kinabukasan ay napansin na lamang ni Erika na nawawala na ang kanyang isang pang pitaka kung saan nakapaloob ang iba niyang mga ID.
Dumating naman din noon si Gilbert sa kanilang bahay. Pilit humihingi ng pasensya sa dalaga.
“Pangako, babawi ako sa’yo. I will do my best just to win you back,” saad ng binata.
“Tapos na tayo. Alam na ng magulang ko lahat,” malamig na tugon naman ng dalaga, “At saka hindi ko kayang makita o maisip na hawakan ka, nandidiri ako sayo!” dagdag pa nito.
“B-baka pwedeng wag mo muna sabihin sa mga magulang ko yung nangyari sa’tin, pipilitin ko makabawi sa’yo,” pakiusap ng lalaki.
Ngumiti lamang si Erika, “Nasabi ko na sa magulang mo at alam na nila na hindi matutuloy ang kasal, dahil lang naman ang anak nila eh tumikim ng iba, at hindi lang iba ha? Sariling bestfriend pa niya,” pagtataray naman ng babae.
Napailing lamang noon si Gilbert at tila ba hindi na alam pa ang gagawin.
“Umalis ka na, Gilbert! Hindi ko kailangan ng taong manloloko sa buhay ko.”
Umalis si Erika at pinagsaraduhan ito ng pinto habang nakatayo sa labas, ngunit kinakatok pa rin siya ni Gilbert.
Natigil din naman ang pagkatok, ngunit pagkalipas ng ilang minuto ay may kumatok na naman, na ikinainis naman ng dalaga, kaya lumabas siyang muli.
“Hindi ba sinabi kong-” sisigaw pa sana ngunit nadulas siya sa basahang nakalagay sa may pintuan.
Natumba ang dalaga. Nagulat na lamang siya na nakapatong siya sa ibabaw ng isang gwapong lalaki, hindi si Gilbert, ngunit ibang lalaki ito. Mga ilang segundo din siyang napatitig sa light brown na mata ng lalaki.
“S-sorry,” at saka tumayo si Erika.
“Nahulog kasi ‘tong wallet mo nung nabangga mo ako last time, sinubukan kitang tawagin pero parang hindi mo ako naririnig, eh late naman na ako noon sa bible study namin, kaya hindi na kita nahabol,” pagpapaliwanag nito.
“S-salamat,” saka niya kinuha ang pitaka.
“Ako pala si Marlon,” nakipagkamay ito at saka ngumiti.
“Erika,” nakangiting nagpakilala naman ang dalaga, “P-pwedeng magtanong?”
“Ano iyon?” sagot ng gwapong lalaki.
“May bestfriend ka bang babae?” pang-uusisa ni Erika.
“Ah wala, magkakaroon siguro, pag nagkaasawa na ako. Siya ang magsisilbing asawa at bestfriend ko, para wala nang rason upang may pag-selosan pa,” nakangiting sagot naman ni Marlon.
Napangiti naman si Erika nang marinig ito. Hindi lamang iyon ang unang beses na dumalaw sa kanila si Marlon. Nasundan pa ito ng maraming beses. Natuwa naman ang mga magulang ni Erika sa magalang at mabait na binata.
Makalipas ang isang taon na nanliligaw si Marlon, ay sinagot na rin naman ito ni Erika.Ito ang nagdala sa kanya sa mga gawaing pangsimbahan at iba pang aktibidades na nakakatulong sa mga nangangailangan, na lubos namang ikinatuwa din ni Erika.
Ipinaramdam sa kanya ni Marlon ang hindi nagawa noon ni Gilbert, naging tapat ito sa kanya at pinatunayang si Erika lamang ang babae sa kanyang buhay. Naging sentro ng relasyon nila ang Diyos, kaya naman lubos din itong napagtibay.