Inday TrendingInday Trending
Sobra ang Higpit ng Sundalong Ama sa Nag Iisang Anak na Babae, Halos Mabaliw Siya nang May Bitbitin Itong Lalaki sa Kwarto

Sobra ang Higpit ng Sundalong Ama sa Nag Iisang Anak na Babae, Halos Mabaliw Siya nang May Bitbitin Itong Lalaki sa Kwarto

Unica hija si Janna sa kanilang pamilya. May apat siyang mga kuya at sundalong ama. Ingat na ingat ang mga ito sa kanya at itinuturing siyang isang prinsesa.

Labing limang taon pa lamang si Janna, at isang high school student.

At dahil nga prinsesa ng pamilya, kapag mayroong nais manligaw, ay dumadaan muna ang mga ito sa butas ng karayom bago makalapit sa dalagita.

Birthday party noon ng panganay na kapatid ni Janna, nang dumating ang isang niyang lalaking kaklase, si Gerald. Nagtungo ito roon upang gumawa ng proyekto na nangangailangan nang ipasa sa makalawang araw.

“Magandang gabi ho,” bati ng gwapong binatilyo. Habang nakatingin sa apat na kuya at ama ng dalagita.

“Anong pakay mo dito hijo?” malakas na tanong ng ama ni Janna. Tila naman nagulantang ang binatilyo sa laki ng boses ng ama.

“G-gawa lang po kami ng proyekto n-ni Janna,” nauutal-utal na sagot niya.

“Siguraduhin niyo lang na hindi baby ang proyektong gagawin niyo, dahil pag nagkataon, lalabas kang buto na lang,” pananakot ng ama sa lalaki.

Sabay-sabay namang nagpatunog ng kamao ang apat na kapatid ng dalagita. Biglang namutla ang binatilyo sa mga nakikita. Maya-maya lang ay lumabas na rin si Janna, at nagulat nang makita naman na parang wala nang dugo ang kaklase sa sobrang pamumutla.

“Papa, mga kuya, tinatakot niyo na naman ang kaklase ko!” sigaw ni Janna, “halika na muna sa loob,” pag-aaya sa kaklase nitong lalaki.

“Oy teka! Saan kayo gagawa ng project niyo?” tanong ng ama.

“Sa may sala na lang ho, pa.” sagot ng dalagita.

“Siguraduhin niyo lang na hindi sa kwarto ha?” pagbibilin ng ama ng dalagita, at saka ito tumingin sa lalaki, “oy ikaw! Subukan mong may gawin sa anak ko, uuwi ka ng walang bungo sa inyo!”

“Hay nako, pa!” umirap lamang ang dalagita at saka inaya sa loob ang kaklase.

Nagsimula na silang gumawa ng proyekto, ngunit naaabala sila sa mga labas-pasok na mga tao, at ingay na nagagawa ng mga ‘to.

“Gusto mong sa kwarto na lang tayo? Baka hindi kasi tayo matapos nito.” pag-aaya ng dalagita.

Napalunok naman ang binatilyo, “B-baka hindi na ako makauwi na may bungo, pag ginawa natin yun,” bakas sa mukha nito ang takot.

“Nagpapaniwala ka dyan sa papa ko, tara na! Ako ang bahala sa’yo,” at saka siya hinila ng dalaga pataas sa kanyang kwarto.

Medyo nagtagal na rin doon ang dalawa habang ang lahat ay abala sa party sa baba. Ngunit napansin naman ng isang kuya ng dalagita na wala na doon ang magkaklase sa kanilang sala.

“Pa, si Janna at yung mokong na pumunta dito wala na sa sala,” sumbong ng pangalawang kapatid.

“Nako pa, malamang nasa kwarto na iyong dalawa, bilisan niyo at puntahan natin!” panggagatong naman ng panganay.

Umusok ang ilong ng ama nang marinig ito at agad na pumasok sa loob. Dahan-dahan siyang umakyat sa hagdan at iniwasan na makagawa pa ng kung anumang ingay upang mahuli kung anong ginagawa ng dalawa.

Dahan-dahan niyang idinikit ang tenga sa may pinto. Maya-maya naman ay kasunod na ang apat na lalaking anak. Lahat sila ay may kanya-kanyang pwesto ng pakikinig.

“Pwede bang bilisan na lang natin? Natatakot kasi ako sa papa mo,” naririnig nilang saad ng binatilyo.

“Oo, basta galingan mo na lang kasi para matapos na kaagad,” sagot naman ng dalagita.

Akmang bubuksan na sana ng ama ang pinto nang bigla itong pigilan ng isang anak.

“Shhh, mamaya na pa! Intayin mo lang,” bulong nito habang nakalagay sa hintuturo sa may labi at sumesenyas na wag maingay.

“Simulan na natin,” narinig nilang sabi ng dalagita.

Nanahimik panandalian ang kwarto, “Sige na, tanggalin mo na,” boses ng lalaki.

“Wait lang, ang hirap kasi. First time ko lang kasi na gagawin ‘to,” wika ng babae.

Nanlaki ang butas ng ilong ng ama ng marinig ito.

“Ang hirap naman kasi ipasok nito, ang sikip!” pagrereklamo ng lalaki.

Nanlalaki naman na ang mata ng magkakapatid kasabay ng paglaki ng butas ng ilong ng mga ‘to.

“Dilaan mo muna kasi, lagyan mo ng laway para dumulas ng konti,” saad ng babae, “Pagkatapos nun, dahan-dahan mo nang ipasok,” dagdag pa nito.

“Ayaw talaga eh, ang sikip naman kasi ng butas,” reklamo ng binatilyo.

Nagsasara na ngayon ang kamao ng ama habang patuloy na nakikinig sa ginagawa ng dalawa sa loob.

“Wait, gumamit ka nitong proteksyon, para sure na safe,” utos naman ng dalagita.

Napapatakip na lang ng bibig ang mga kuya ni Janna habang pinapakinggan ang mga kaganapan sa loob.

“Ganito ba?” tanong ng lalaki, “Medyo naipapasok ko na ng kaunti.”

“Wait, i-guide kita, dahan-dahan lang muna, kasi baka di pumasok pag binigla mo.”

Ngayon ay pulang-pula na ang mukha ng ama dahil sa mga naririnig. “Kunin mo na!” mahinang utos nito sa panganay na lalaki.

“Yan medyo naipasok ko na yung kalahati,” tuwang-tuwang sabi ng binatilyo.

“Okay na, pwede mo nang ipasok ng buo,” saad ng dalaga, “Aray ko! Ang sakit! Dumugo tuloy,” reklamo ng babae.

Nanginginig naman na ang matanda ngayon at parang sasabog na. Maya-maya ay dumating na ang panganay na lalaki dala ang baril ng ama.

“J-Jana may dugo yung kama,” halata sa boses ng binatilyo na pati ito ay nagulat din.

Ilang sandali pa ay may narinig silang malakas na tili galing sa kwarto. Agad naman pumasok ang ama dala-dala ang baril at itinutok sa binatilyo.

“Anong ginawa mo sa anak ko ha?” sigaw ng ama na ngayo’y umuusok na sa galit, “Bakit may dugo sa kama?!”

“W-wala ho! Wala ho akong ginagawa,” nanginginig na paliwanag ng binatilyo at saka nagtago sa likod ni Janna.

“Rinig na rinig ko sa labas ang ginagawa niyo, tapos mag sisinungaling ka pa, ha?!”

“W-wala h-ho akong g-ginagawang masama,” utal-utal na sagot na ni Gerald.

Papalapit naman ng ang apat na kuya ni Janna, nang biglang dumating ang kanilang ina.

“Anong nangyayari dito?” tanong ng ina.

“Eto mokong na ‘to mag ginawa kay Janna, tignan mo may dugo yung kama ng anak natin!” gigil na gigil na sigaw ng ama.

“Anong nangyari Janna?” kalmadong tanong ng ina.

“K-kasi po naggagawa lang kami ng project tapos bigla ko pong naramdaman na may mainit na lumalabas galing sa ano ko…” nahihiyang sagot ng bata.

Natawa naman ang ina at saka hinila ang tenga ng asawa nito. Pinagbabatukan naman yung apat na lalaking magkakapatid.

“Nagkaroon lang ng buwanang dalaw si Janna, ito ang unang beses na nagkaroon siya, kayong mga bugok, tinatakot niyo yung mga bata!” natatawang paliwanag ng nanay.

“Eh ano yung naririnig ko na masikip at mahirap ipasok ha? Tapos yung lawayan muna para dumulas?” nanlalaki pa rin ang butas ng ilong ng ama habang nagtatanong.

“Ay Diyos ko naman, pa! Nagtatahi po kami! Sinulid at karayom yun! Tignan niyo o,” pagpapaliwanag ng dalagita habang ipinapakita ang mga telang tinatahi.

Hindi naman malaman ng ama kung ano ang magiging reaksyon sa nalaman. Ang binatilyo naman ay sobra nang namumutla sa isang sulok.

“Hoy unggoy!” pagtawag ng ama sa kay Gerald, “Gusto mo ba itong anak ko?” matigas na pagkakatanong ng ama.

“H-hindi po,” nanginginig na sagot ng binatilyo.

“Bakit hindi?! Pangit ba ang anak ko?!” pasigaw na tanong muli nito.

“H-hindi po,” ngayon ay tila ba naubusan na ng dugo ang lalaki sa mukha.

“O eh bakit hindi mo gusto? Ano gusto mo ba o hindi?” lumapit ang ama sa binatilyo at tinutukan ito sa tagiliran. “Gusto mo o hindi?”

“G-gusto po!” sigaw naman ng binatilyo.

Ngumiti lang ang ama at saka nito tinapik ang balikat ng lalaki, “Dahil diyan, pwede mong ligawan ang anak ko pag 18 na siya,” saad ng ama.

Nagtawanan lamang lahat ng mga tao sa loob ng kwarto.

“At hijo, pellet gun lamang itong hawak ko,” ngumiti ng isang malaking ngiti ang tatay at saka ito sumigaw ng malakas na, “BANG!”

Tumirik ang mata ng binatilyo at saka ito hinimatay. Nagising na lamang siya na nakahiga na sa kama ng ama ni Janna. Napansin niya binabantayan pala siya ng lalaki.

“Alam mo hijo, sa lahat ng lalaking tinanong ko kung gusto ang anak ko, ikaw lang yung malakas ang loob na sumagot ng oo, kaya napahanga mo ako,” at saka ito ngumiti sa kanya.

“T-talaga ho?” natutuwang tanong naman ng binatilyo.

“Oo, kaya bumangon ka na diyan at kumain dun sa labas, tapos umuwi ka na, dahil baka magbago pa ang isip ko at umuwi kang wala nang buto,” muling pananakot nito.

“S-salamat ho!” pagpapaalam nito sabay tumayo at kumaripas ng takbo.

Ilang taon pa ang lumipas at naging magkasintahan din naman si Janna at Gerald, di naman din naglaon ay inaya din niyang magpakasal ang babae. Sa araw ng kasal bago pumasok ng simbahan at kinausap muli siya ng ama ng babae.

Tinutukan muli siya nito sa may sulok at kinausap.

“Tandaan mo, pag niloko mo ang anak ko, yung dalawang nakalawit sa’yo, papasabugin ko, naintindihan mo?” muling pananakot nito.

“O-opo,” tugon ng namumutla na namang si Gerald.

Tinapik muli ng ama ng babae ang balikat nito, tsaka ngumiti, “BANG!”

Pero sa pagkakataong ito, hindi na hinimatay si Gerald!

Advertisement