Inday TrendingInday Trending
Inaaway ng Misis ang Kanyang Mister Tuwing Didisiplinahin Nito ang Kanilang Anak, Di Niya Akalain ang Kalokohan na Ginagawa ng Bata

Inaaway ng Misis ang Kanyang Mister Tuwing Didisiplinahin Nito ang Kanilang Anak, Di Niya Akalain ang Kalokohan na Ginagawa ng Bata

Sa isang maliit na barangay sa Marikina, may isang pamilyang isang kahid isang tuka ang pamumuhay. Si Ronald ang ama, si Layla ang ina, si Karlo ang panganay na 19 gulang, at si TJ na bunsong anak na 12 gulang. Ang amang si Ronald ay kumikita sa pagmamaneho ng tricycle buong araw, si Layla naman ay nagbebenta ng siomai, siopao at kung ano anong meryenda sa kanilang mga kapitbahay. Habang si Karlo naman ay kanilang ginagapang sa pag-aaral sa kolehiyo, at si TJ naman ay isang Grade 7 student.

“Ronald, ayokong iparamdam sa mga anak natin na sagabal ang pera sa pag abot sa kanilang mga pangarap. Kaya wag mo naman sanang ipaparinig sa mga bata ang pagtatalo natin tungkol sa pera.” Ang mahinahon na pakiusap ni Layla sa kanyang asawa.

“Ano ka ba? Paano matututo at magsisikap ang mga ‘yan kung hindi nila alam na halos dugo na ang lumabas na pawis sa atin para lang mapakain at mapaaral sila ng maayos? Tingnan mo iyang panganay mo! Lumalaking suwail!” Galit na sigaw ni Ronald.

Kumukuha ng kursong nursing si Karlo. Ito ang pangarap ng binata noong siya ay bata pa. Simula noong unang taon hanggang pangalawang taon sa kolehiyo ay masipag na bata at pala-aral itong si Karlo. Ngunit tila nag-iba ang ihip ng hangin noong ito’y pumasok sa kanyang ikatlong taon sa kolehiyo. Nagsimula itong mapabarkada, at natutong magbisyo. Umiinom, naninigarilyo, at nakikipagsugalan sa kanyang mga kabarkada.

Isang umaga, nang paalis na si Layla sa kanilang bahay upang humango ng ititindang siomai at siopao napansin niyang parang nabawasan ang kanyang pang puhunan.

“Ronald, humiram ka ba sa pitaka ko? Kagabi bago ako matulog, sigurado akong may 1000 pa ako dito. Tandang-tanda ko kasi sabi ko nga mamimili ako ng ibebenta ngayong linggo.”

“Wala akong kinukuha. O baka nakupitan ka na ng magaling mong anak.” Antok na sabi ni Ronald.

“Wag ka namang mapagbintang sa anak mo. Hindi ko sila pinalaki ng ganoon. Baka nga kung saan ko lang nailagay. Hayaan mo na nga. Mangungutang na lang muna ako kay Aling Gina.” Inis na sabi ni Layla.

Huling dalawang taon na ni Karlo sa eskwela, kaya’t wala sa loob ni Layla ang hirap na dinadanas niya dahil alam niyang malapit na silang makaraos sa buhay. Buong umaga, siya ay naglalako sa kanilang mga kapitbahay para magbenta. Sa gabi naman ay tumatanggap siya ng mga labada, at kumikita ng maliit na halaga upang maibigay na pambaon sa dalawang anak.

“Ma. May ano kami sa school, uhm, project. Kailangan ng P500. Pang ano lang, basta project Ma. Kailangan ko na bukas ah.” Utal-utal na paghingi ni Karlo sa kanyang ina.

“Anak, bukas agad? Hindi na ba mapapakiusapan? Medyo mahina kasi ang bentahan ngayon e.”

“Ma naman, lahat ng kaklase ko nakapagbayad na. Wag mo ko ipahiya, please naman!” Tumaas ang boses ng binata.

Biglang sabat ni Ronald, ang kanyang ama, “Ganyan ka ba manghingi sa Mama mo? Aba’y kailan ka pa natutong maging ganyan? Ni hindi ka na nagpo-po at opo ah!”

“Sorry po. Kailangan lang Pa. Hmm, sa project lang po.” Takot na sagot ni Karlo.

“O sige. Babale ako sa mag-asawang hinahatid ko tuwing umaga. Bukas, ibibigay ko sa’yo.” Sagot ni Ronald.

“Salamat Pa.”

Kinabukasan, habang pauwi ang bunsong si TJ mula sa eskwela’y nakita niya ang isang grupo ng mga binatang nagsusuntukan sa isang eskinita. Na-curious ang bata, kaya’t nakisilip siya sa kung ano ang nangyayari. Laking gulat ni TJ nang makita ang Kuya nyang si Karlo na kasama sa rambulan. Narinig niyang sabi ng lalaking humahabol ng suntok sa kanyang kuya, “Hindi ka ba magbabayad ha? Natalo ka sa sugal, tapos ako pahihirapan mo sa singilan? Siraulo ka ba?” Biglang tumakbo papalayo ang bata pauwi sa kanila.

“Mama! Papa!” hingal na sabi ni TJ bago pa man makapasok sa kanila.

“O bakit, TJ? Ano ba naman yan, ang dungis mo!” pag-aalala ni Layla.

“Kasi Mama! Si Kuya nabubugbog na doon sa may eskinita!” takot na takot na sinabi ni TJ.

Napatulala ang mag-asawa habang ikinukwento ni TJ ang narinig niya. Patakbo na palabas si Ronald upang hanapin ang anak at disiplinahin, ngunit pinigilan siya ni Layla.

“Ronald, hayaan mo ako. Ako ang kakausap kay Karlo.” Seryoso ang mukha ni Layla habang sinasabi ito.

“Ano? Ipagtatanggol mo na naman? Layla naman! Lumalaking tarantado ang anak mo! Wag kang kunsintidor!” Galit na sabi ni Ronald.

“Ako ang kakausap! Utang na loob!” Nagulat si Ronald nang sumigaw sa Layla, dahil bihira lamang niya makita ang ganoong itsura ng asawa.

Kinagabihan ay umuwi na si Karlo. Sinalubong ito ni Layla, na hindi ngumingiti at tila seryosong seryoso ang mukha.

“Saan ka nanggaling, Karlo?” malumanay na tanong sa anak.

“Ahh, sa eskwela siyempre. Saan pa ba? Gumawa nga kami ng project diba.” Sagot ni Karlo.

“Karlo, isa pang pagkakataon ha. SAAN KA NANGGALING?” Nagulat si Karlo sa biglang pagtaas ng boses ng kanyang ina.

“Ma, sa school nga po.” Nakayukong sagot ni Karlo.

“Hindi ka talaga magsasabi ng totoo? Karlo, punong-puno na ako!” umiiyak na sambit ni Layla.

“Akala mo ba hindi ko napapansin ang nawawalang pera sa akin tuwing umaga? At akala mo talaga maloloko mo ako palagi sa sinasabi mong mga project na iyan? Karlo, nagtiwala ako sa’yo! Napakalaki ng tiwala ko sa’yo! Ang Papa mo, palaging sinasabi sakin na napapariwara na ang buhay mo. Pero hindi ako nakinig. Dahil ano? Dahil akala ko kilala kita! Dahil akala ko mapagkakatiwalaan ko ang anak ko! Pero mali pala ako Karlo. Maling mali!” umiiyak na sigaw ni Layla sa kanyang anak. Naiisip niya lahat ng paghihirap na kanyang dinadanas maigapang lamang ang anak.

“Ma… Sorry po… Ma… Sorry!” Biglang iyak ni Karlo habang naisip ang hirap na dinaranas ng kanyang mga magulang. Ngunit nagulat na lamang siya nang bigla siyang sinampal ng kanyang ina. Ito ang unang beses na gawin iyon sa kanya ng kanyang ina.

Umamin na si Karlo sa lahat ng mga ginagawa niya. Sinabi niyang napa-barkada siya, at halos di na pumapasok sa eskwela upang makapag lakwatsa lamang.

“Sorry Ma. Nakalimutan ko lang po ang dahilan kung bakit kailangan ko magsikap. Sorry! Ngayon, alalang-alala ko na. Patawarin mo ako, Ma! Alam ko na lahat ng paghihirap niyo ni Papa. Patawad, Ma!” umiiyak at nakaluhod na sabi ni Karlo.

Pinatayo ni Layla ang anak. Lubos ang pagsisisi at hinagpis ni Karlo, kaya naman siya ay nangako na kailanma’y hindi na mauulit ang lahat ng kalokohan na kanyang ginawa, dahil napagtanto niyang mas mahalaga ang pamilya kaysa sa pera, luho, at barkada.

Mabuti at maagang namulat sa katotohanan si Karlo na kailangan niyang magsumikap upang hindi masayang ang lahat ng sakripisyo ng kaniyang mga magulang. Magmula noon ay hindi na siya sa kahit anong paraan nanloko at nanggulang sa kanyang buong pamilya, maski sa ibang tao.

Advertisement