“Magsigising na kayo! Magsibangon na kayo! Ang kukupad n’yo, bilis-bilisan ang kilos!”
Alas kuwatro pa lamang ng umaga ay maririnig na ang matinis na kuliling ng lumang kampanilya na pinanggigising ni Lucresia, ang matandang mayordoma, sa mansyon ng mga Alegre.
Pupungas-pungas na bumalikwas ng bangon si Rhea, ang bagong katulong, na nagmula pa sa lalawigan ng Romblon. Labing walong taong gulang pa lamang si Rhea, at gaya ng tipikal na kwento ng mga taga-probinsya na lumuluwas ng Maynila, nagtungo siya rito upang makipagsapalaran.
Baon sa utang ang kanilang pamilya, na lalong nadagdagan nang magpakasal ang kanyang Kuya Omar. Sa lalawigan, isang tradisyon na kailangang imbitado ang buong baryo kapag ikinasal ang panganay na lalaki sa pamilya.
“Lukring talaga itong Lucresia na ‘to, palibhasa puro utos lang at wala namang ginagawa,” bulong ni Nana Pacita, ang kusinera na kahati niya sa quarter’s area. Dalawa lamang sila sa itinalagang quarter’s area, sa kanila ni Lucresia. Siya ay naninilbihan bilang tagalaba at tagaplantsa ng lahat ng damit at lahat ng uri ng tela na matatagpuan sa mansyon.
“Natutulog pa ba si Aling Lucrecia? Parang saktong alas kuwatro siya nagigising ah?” tanong ni Rhea kay Nana Pacita.
Hindi na sinagot ng kusinera ang kanyang tanong. Matapos mag-antanda tupiin ang kanyang kumot, lumabas na ito ng silid. Ito ang unang kinakailangang lumabas ng quarter’s para ihanda ang almusal ng kanilang amo.
Bago magtungo sa kani-kanilang mga tungkulin, ipinulong muna sila ni Lucrecia. Anim silang lahat, pampito ang masungit na mayordoma. Ang apat pa nilang kasama ay sina Oryang, 21 taong gulang na tagalinis ng mansyon, si Pepay, 23 taong gulang na siyang hardinera at tagapamahala sa bakuran, si Baby, 20 taong gulang na yaya ng anak ng kanilang amo, at si Mang Jose, 40 taong gulang na driver ng pamilya. Sinasabing si Mang Jose ang pinakamatagal na nanilbihan sa pamilya, mas matagal pa ito kay Lucrecia.
“Pacita, sarap-sarapan mo naman ang luto mo. Noong isang araw, ayaw ni Senyora ng luto mo dahil masyadong maalat ang tinola! Ikaw naman Oryang, linisin mong maigi ang mga baitang ng hagdanan. Ayaw ni Senyora ang makakita ng kahit na anong dumi.
Kung kinakailangang ilampaso mo ang mukha mo, gawin mo! Ikaw Baby, tama na muna ang kaka-cellphone mo at bantayang maigi ang alaga mo. Puro ka kaharutan! Pepay, linisin mo ang swimming pool. At ikaw Jose…” napahinto si Lucrecia dahil nangulimlim ang mukha nito. Alam kasi ni Lucrecia na mas superyor sa kanya si Jose dahil mas matagal na ito sa kanilang amo.
Nagpatuloy si Lucrecia. “Ihatid mo raw si Senyora sa airport. Pupunta siya sa Germany.”
Nang-uuyam na sumaludo si Mang Jose. “Yes, Ma’am! Masusunod po, senyora 2!”
Napahagikgik si Rhea dahil sa biro ni Mang Jose. Kumindat ito sa kanya. Nandidilat na hinarap naman siya ni Lucrecia.
“O ikaw, anong tinatawa-tawa mo diyan? Kabago-bago mo rito, gaganyan-ganyan ka? Ayusin mong trabaho mo kung ayaw mong ipatanggal kita rito. Naiintindihan mo?” nanlalaki ang mga mata at butas ng ilong ni Lucrecia. Napahindig si Rhea at sunod-sunod na napatango.
May malaking tanong si Rhea na kahapon pa umiikot-ikot sa kanyang isipan. Eh ikaw, anong silbi mo rito? Taga-mando lang?
Dalawang araw pa lamang si Rhea sa mansyon ng mga Benipayo, subalit tila napag-aralan na niya ang ugali ng kanyang mga amo. Si Senyora Almira Benipayo, isang glamorasang ginang, ay matipid magsalita subalit intimidating ang dating. Tila nanunuri ang mga mata nito, na gugustuhin mo na lamang magtago, dahil nahihiya ka sa hitsura mo.
Ang padre de pamilya naman ay si Senyor Gustavo, na sa kanyang edad na limampu’t isa ay matikas pa rin. Pihadong simpatiko at maraming nagkakandarapang babae. Ang dalawa nitong mga anak ay nasa ibang bansa, subalit ang bunsong si Kathleen ay nag-aaral pa sa elementarya na siyang pinagsisilbihan ni Baby.
Napansin niyang tila mando at utos lamang ang ginagawa ni Lucrecia sa loob ng mansyon. Naiintindihan niya na mas “mataas” ang posisyon nito sa kanila bilang mayordoma, subalit tama bang ipasa sa kanila ang mga trabaho na dapat ito ang gumagawa? Mapostura pa ang awra nito.
Laging naka make-up at makapal ang lipstick. Paikot-ikot lamang ito sa buong mansyon, lalo na kapag wala ang mga amo. Subalit kapag nariyan si Senyora Almira, animo’y aaktong pagod na pagod at maraming ginagawa.
Napansin din niyang malagkit ang titig nito kay Senyor Gustavo, at iba rin ang ipinakikitang trato rito ng lalaking amo. Naisip niya, ganoon nga siguro kapag mayordoma. Parang gusto na rin niyang maging mayordoma.
Sa bawat kibot at pagkakamali nila, nakaangil agad si Lucrecia. Lalapitan ka pa nito at sisigawang malapit sa tenga.
“Pacita! Bilis-bilisan mo naman ang kilos mo! Palibhasa matanda ka na eh. Magresign ka na kaya?”
“Oryang, kilos! Trabaho! Kunin mo ang vacuum at linisin mong maigi ang carpet! Ayaw ni Senyor na maraming alikabok!”
“Hoy Baby! Naayos mo na ba ang baon ni Kathleen? Mamaya na ang kaka-facebook mo, wala ka namang ganda, kaya wag mo asahang may papatol sa’yo!”
“Pepay, gusto mong lunurin kita sa pool? Ayusin mo naman!”
Si Mang Jose lang ang hindi mabulyawan ni Lucrecia dahil tinatabla siya nito.
Isang gabi, matapos labhan ang kobrekama at mga punda ng unan ni Senyor Gustavo, iniakyat na ito ni Rhea sa silid ng amo. Wala ang senyora dahil nagtungo ito sa Germany.
Huli na nang mapagtanto niyang bawal nga pala silang umakyat sa itaas. Bababa na sana si Rhea subalit napansin niya sa siwang ng pinto ng senyor na nasa loob si Lucrecia. Sinilip niya ito… at nagulat siya sa kanyang nakita! Naghahalikan sina Senyor Gustavo at Lucrecia. Nakakandong pa ang mahaderang mayordoma sa kandungan ng senyor.
Dali-daling bumaba ng hagdanan si Rhea. Hindi niya alam kung napansin siya ni Lucrecia, o ni Senyor Gustavo.
Kinabukasan, habang naglalaba ay nilapitan siya ni Lucrecia.
“Hoy, bilis-bilisan mo naman diyan at mamalengke ka,” utos nito kay Rhea.
“Teka, hindi ko naman toka ang mamalengke. Hindi po ba ikaw dapat ang gumagawa no’n?,” pangangatwiran ni Rhea.
Pinandilatan siya ni Lucrecia. “Aba’t sumasagot ka na?”
Akmang sasampalin siya ng mayordoma subalit inunahan na niya ito.
“Sige, subukin mo kong saktan, kung ayaw mong sabihin ko kay Senyora ang nalalaman ko…”
“Anong nalalaman, aber?” Kitang-kita sa mukha ni Lucrecia ang pamumutla, kahit makapal ang kanyang make-up.
“Ah basta, sa akin na lang iyon. Ano sa palagay mo ang nakita ko na dapat malaman ni Senyora?”
Napamaang si Lucrecia at hindi nakapagsalita. Tumalikod na ito at pumasok sa loob ng mansyon.
Simula noon ay ilag na si Lucrecia kay Rhea. Malumanay na itong magmando sa kanya. Hawak ni Rhea ang alas.
Hanggang sa isang gabi, pagkauwi mula sa Germany, nagtatalo ang mag-asawa.
“Sino ang kabit mo? Umamin ka!” Galit na galit na sabi ni Senyora Almira. May tutok itong baril kay Senyor Gustavo.
“Anong pinagsasasabi mo, Almira? Alam mong hindi ko magagawa iyon sa iyo. Ikaw ang buhay ko.”
“Sinungaling! Kung ayaw mong umamin, pwes, ang kabit mo ang paaaminin ko. Lucrecia! Lumabas ka riyan!”
At lumabas ang namumutla at nahihintakutang si Lucrecia. Nanibago silang lahat, dahil ang mala-tigre at matapobreng mayordoma, ngayon ay tila maamong tupang takot sa tunay na leon ng pamilya.
Sinabunutan ni Senyora Almira si Lucrecia at kinaladkad palabas ng mansyon. Bitbit naman ni Mang Jose ang mga maleta nito at inilabas ng bahay. Nagsumbong pala si Mang Jose kay Senyora Almira dahil ilang beses na niyang nakikita na inaakit ni Lucrecia si Senyor Gustavo.
Sa mahabang paliwanagan, kataka-takang pinatawad ni Senyora Almira si Senyor Gustavo sa nagawa nitong pagkakamali. Paliwanag ng senyora, ayaw niyang mapag-usapan sila ng buong alta sosyedad. Hindi na raw mahalaga sa kanya kung mahal pa nila ang isa’t isa. Ang higit na mahalaga raw ay makikita pa rin silang buo ng mga tao.
Si Nana Pacita ang tumayong mayordoma, at nagkaroon ng katiwasayan sa mansyon. Ginawa nina Oryang, Pepay, Baby, at Rhea ang kanilang mga tungkulin nang may ngiti sa mga labi. Wala nang matapobreng magnanakaw na aastang parang amo sa kanila.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.