Napalitan ng ligaya ang lahat ng hirap at pagod ni Lorelie nang sa wakas ay makatapos na ang panganay na anak sa pag-aaral. Magmula nang yumao ang asawa niya anim na taon na ang nakararaan ay mag-isa niyang binuhay at itinaguyod ang dalawa niyang anak na si Nathaniel at Ashley.
“Mama! Sa wakas, graduate na po ako!” mangiyak-ngiyak na sabi ni Nathaniel sabay hatak sa kanyang ina habang suot suot ang toga at hawak ang kanyang diploma. Kasama rin nila ang bunsong kapatid na si Ashley, pitong taong gulang, at sabay sabay silang ngumiti para sa kanilang picture sa graduation ng binata.
Bata pa lamang si Nathaniel ay nais na talaga niyang maging pulis. Idolo niya kasi ang ama na ilang taon ding nanungkulan bilang isang pulis. Deputy police chief na ito, pangalawa sa pinakamataas na ranggo ng kapulisan, noong binawian ng buhay matapos matamaan ng bala sa isang raid noong sinubukan ng pulisya na hulihin ang mga kalalakihang ilegal na nagbebenta ng mga kabataan at kababaihan. Sa kasamaang palad, nakatakas pa rin ang karamihan sa mga ito kasama ng kanilang pinuno.
Ilang araw lamang matapos maka-gradweyt, agad na nag-apply ang binata sa kanilang lokal na presinto upang magsimulang manungkulan. Mabilis din naman siyang tinanggap dahil sa ganda ng record at grado niya sa eskwela.
“Oh, hijo. Bukas na bukas ay magsisimula ka na rito. Ikaw muna ang mamamahala sa pagsagot ng tawag sa kung anumang emergency ang maaaring kaharapin ng mga karatig lugar natin,” wika sa kanya ng hepe ng pulis na si Mario.
“Yes sir!” matigas na sagot ng binata. Ganadong-ganado at pursigido siyang simulan ng maganda ang kaniyang trabaho bilang isang pulis.
Kinabukasan, alas nuwebe pa pinapapunta si Nathaniel sa presinto ngunit alas siyete pa lamang ay naroon na siya.
“Ang aga mo naman, Nathaniel!” bati sa kanya ng isa sa mga kapulisan doon.
“Yes, sir! Ayaw ko lang pong ma-late sa unang araw ng paglilingkod ko,” magalang na sagot ng binata na siya namang nagpa-ngiti sa mga kapulisan doon.
“Nakakatuwa ka naman. Pursigido kang sundan ang yapak ng ama mo, ano? Napakabuti at napakagaling na lider ng tatay mo. Hinawakan niya rin kasi kami noon dito. O siya, sige. Diyan ka muna sa lobby at maghintay ng mga tatawag sa ating presinto,” nakangiting bilhin ni SPO2 Reyes.
“Yes, sir!” sagot muli ni Nathaniel.
Kinakabahan ngunit alam niyang handa siya sa kung anumang maaaring matanggap na tawag sa araw na iyon. Ngunit lumipas ang pitong oras at wala ni isang tumawag na mamamayan.
“Kumusta, Nathaniel? Walang report na natanggap ngayong araw, ano? Mabuti naman, at tahimik sa lugar natin ngayon,” wika ni SPO4 Trinidad.
Nang bigla na lamang mag-ring ang telepono. Agad na sinagot ni Nathaniel ang tawag.
“Ito po si Officer Nathaniel, ano pong maipaglilingkod ng kapulisan?”
“Tulong! Tulungan niyo kami! Kuya, tulo–,” sigaw ng pamilyar na boses sa kabilang linya. Naputol na ang linya at wala na siyang narinig pa.
Nanigas si Nathaniel habang pinakikinggan at pilit iniisip kung bakit tila kilala niya ang boses ng tumatawag. Nakatingin sa kanya si SPO4 Trinidad at iba pang kapulisan dahil laking pagtataka nila sa naging hitsura nito.
“Bakit, Officer Nathaniel? Sino iyon? Ano raw ang nangyayari?” sunod-sunod na tanong ng mga kasamahan niya.
Hindi nakapagsalita si Nathaniel nang bigla niyang makita ang numerong tumawag. Ang numero sa kanilang bahay.
Apat na taong nag-training ang binata na maging alisto at huwag padadala sa takot. Agad niyang kinalma ang sarili niya at saka nagsabi sa mga kasamahan.
“Sir, sa tingin ko ay may nangyayaring hindi maganda sa loob mismo ng tahanan namin. Numero ito sa bahay namin, at kapatid ko ang tumawag. Nanghihingi siya ng tulong at may narinig akong iyak ng babae sa likod ng telepono. May iilan ding kalalakihan ang sumisigaw at humihiyaw doon. Heto po ang address,” dire-diretso, mabilis, ngunit tumpak at detalyadong sabi ni Nathaniel.
Nagmadaling pumunta ang kapulisan, kabilang na si Nathaniel, sa kanilang bahay. Dahil sa mabilis nilang pagresponde ay naabutan nila ang mga kalalakihan na pumasok sa bahay ng binata.
Napag-alaman na sinubukang gantihan ng mga kalalakihang hinuli noon ng kanyang ama sa isang raid ang kanilang pamilya. Balak pala sanang kidnapin ng mga ito ang kanyang ina at kapatid upang ipagbili sa mga foreigner kagaya ng ginagawa nila sa iba pang mga kababaihan at kabataan.
Agad na hinuli ng kapulisan ang mga kalalakihan. Mabuti na lamang at wala pa silang masamang nagagawa sa mag-ina dahil sinubukan din ng dalawa na maglaban. Isa pa, mabuti at matalino ang batang si Ashley at tumawag agad sa pulisya bago pa mahuli ang lahat.
Nang dahil sa nangyari, nahuli na rin ang pinuno ng mga kalalakihan at tuluyan nang naihinto ang ilegal na pang-kikidnap at pagbebenta ng mga kabataan at kababaihan. Si Nathaniel pa mismo ang naglagay ng posas sa lalaking noon ay nakatama ng bala sa kanyang ama.
Matapos gawin ang tungkulin bilang pulis, agad na umuwi si Nathaniel upang kumustahin ang ina at kapatid. Mahigpit na nagyakap ang tatlo, at sabay na nanalangin sa kaluluwa ng kanilang namayapang haligi ng tahanan.
“Papa, natupad ko na ang pangako ko. Ngayong nabigyang hustisya ko na ang pagkawala mo, pangako at itutuloy ko pa ang pagiging isang mabuting pulis. At pangako ko ring hinding hindi ko pababayaan si Mama at si bunso,” wika ni Nathaniel habang yakap-yakap ang litrato ng ama.
Hindi man nakikita ni Nathaniel, ngunit ang ama niya ngayon ay nasa langit at malaki ang ngiti sa kanyang mga mukha dahil napakasaya niya at nabiyayaan siya ng napakabuti at responsableng binata.