“Sis! Ang boring talaga ni Paolo, grabe! Walang ka-thrill thrill kapag siya ang kasama ko. ‘Pag magkasama kami, walang magawa o mapag-usapan!” tinadtad ng reklamo ni Cindy ang kaibigang si Leslie.
“Ha? E ba’t mo pinakasalan? G*ga ka talaga. Ang bait bait nung tao sa’yo. Hindi gaya ng mga ex mo, kay Paolo sigurado kang hindi ka lolokohin, hindi ka iiwan, at lagi kang mamahalin. Ba’t ba kasi ang hilig mo sa mga bad boys?” asar na sagot ni Leslie sa kaibigan sabay higop ng kape.
Isang taon pa lang ang nakakalipas nang ikasal si Cindy at Paolo. Magandang buhay ang ibinibigay ng lalaki sa kanyang misis. Bukod kasi sa yamang namana niya mula sa mga magulang, may sarili pang negosyo itong si Paolo. Kaya naman pasasa talaga sa magaganda at masasarap na bagay itong si Cindy. Gayunpaman, para sa babae ay mayroon pa ring kulang sa kanyang buhay.
Sa tuwing umaalis si Paolo upang asikasuhin ang mga negosyo, madalas ay naiiwan si Cindy sa bahay at maghapong nakababad sa kanyang cellphone. Nag-download pala ito ng isang dating site kung saan nakikipag-usap siya sa kung sino-sinong mga lalaki upang makipaglandian. Madalas pa ay makipagpalitan siya ng mga hubad na larawan para lang busugin ang tawag ng kanyang laman.
Ngunit isang araw, tila ba hindi na nakuntento itong si Cindy sa pasend-send lamang ng mga larawan. Dahil nagpaalam si Paolo na gagabihin ng uwi sa araw na iyon, naisipan ni Cindy na anyayahan ang kasalukuyang kinakalantaring lalaking nakilala niya sa isang dating site na si Jeffrey. Hindi pa sila nagkikita nito sa personal, kaya labis namang nasabik ang babae sa ideya ng kanilang pagkikita.
Nang makaalis ang mister na si Paolo, agad siyang nag-chat kay Jeffrey.
“Hey, gusto mong pumunta dito sa bahay? Sawa na kasi ako sa pictures mo e. Gusto kong matikman ka na sa personal,” paanyaya ng babae sa estranghero.
“Talaga? E ang mister mo? ‘Di ba maaga ring umuuwi ‘yon?” mabilis na reply ng lalaki sa chat.
“Don’t worry! ‘Wag kang mag-alala dahil late siyang uuwi ngayon. Walang mang-iistorbo sa’tin,” sagot ni Cindy.
Alas dos ng hapon nang matapos si Cindy sa paghahanda. Naligo siya, naghilod, at sinigurong mabangong-mabango siya upang magustuhan ni Jeffrey. Maya-maya pa ay tumunog na ang doorbell.
Nang buksan niya ang pinto, agad namang pumasok itong si Jeffrey. Balbas sarado, matipuno, may tattoo pa sa braso! At isa pa, naninigarilyo! Saktong-sakto sa mga gusto ni Cindy. Hindi niya maipaliwanag ngunit lalong nanginig ang laman niya sa panggigigil nang makita ang hitsura ni Jeffrey sa personal.
“Tara na sa kwarto, dito oh,” pagyaya ni Cindy sa lalaki.
“Diyan ba? Sige, mauna ka na. Mag-CR lang ako sandali,” sagot ng lalaki.
Matapos ituro ng babae kung saan ang banyo, agad itong nahiga sa kwarto at hinintay ang lalaki. Kung ano-ano ang tumatakbo sa isip niya ng mga bagay na gagawin nila. Ngunit lahat ng pagkasabik ay umurong nang makita si Jeffrey na papasok na ng kwarto. May dala itong malaking kutsilyo na galing pa mismo sa sarili nilang kusina.
“Jeffrey? Ano ‘yan?! Bakit ka may hawak na ganyan?” takot na takot na sigaw ni Cindy.
“Inutil ka ba? ‘Wag kang papatol kaagad sa mga nakikilala mo sa dating sites! Heto ang mapapala mo!” sigaw ng lalaki habang papalapit nang papalapit sa babae. Planado pala na pagnanakawan lang siya ni Jeffrey dahil alam nitong mapera ang asawa ni Cindy.
Sinubukang manlaban ng babae. Nagtatakbo siya patungong sala at sinubukang lumabas ng bahay. Laking gulat niya nang bigla na lamang dumating ang asawang si Paolo.
“Hon, Paolo! Tulong! May nakapasok na magnanakaw!” umiiyak na pagsisinungaling ni Cindy habang nagtatatakbo palayo kay Jeffrey at papalapit sa kanyang asawa.
Dahil isang matagumpay na businessman si Paolo, palagi itong may baong lisensyadong baril. Ito ay para gamitin sa pang-depensa niya sa sarili dahil marami ngang tao ang nais manamantala sa mga kagaya niya. Agad niyang inilabas ang baril at itinutok sa lalaki.
“BANG! BANG! BANG!”
Tatlong kalabit sa gatilyo ng baril, at humandusay sa sahig si Jeffrey. Agad na nagpatawag ng pulis ang mag-asawa at hiningan ng pahayag si Cindy.
Kwento niya, nag-doorbell ang lalaki alas tres ng hapon. Hindi raw niya ito kilala at nagpakilala raw na isang tubero na gagawa ng kanilang baradong lababo. Nang sinubukan daw paalisin ni Cindy ang lalaki, nagsimula na raw itong magalit at habulin siya ng saksak.
At dahil wala ni isang kakilala o kamag-anak ni Jeffrey ang pumunta sa pulis, hindi na rin napahaba pa ang imbestigasyon. Isinara na ito at pinaniwalaan ng buong pulisya ang alibi ni Cindy bilang isang “biktima”.
Dahil sa takot na naramdaman, napadasal si Cindy matapos ang lahat ng pangyayari.
“O, Diyos ko po. Maraming salamat at sinagip niyo ako. Dahil dito, pangako kong hinding-hindi na ako uulit pa. Makukuntento na ako kay Paolo at hinding-hindi ko na siya lolokohin habambuhay. Patawarin niyo ho ako,” mataimtim na panalangin ni Cindy.
Sa kabilang banda naman, kakwentuhan ni Paolo ang isa sa mga pinakamalapit na kaibigan niya.
“P’re, kumusta ka? Ang lala ng nangyari ah! Talagang hindi mo kokomprontahin pa ang asawa mo?” tanong ni Caloy kay Paolo.
“Para saan pa? Pakiramdam ko’y hindi na siya uulit pa nang dahil sa nangyari sa kanya. At kung umulit man, oo na, ipapangako ko nang iiwan ko na siya,” sagot nito.
Simula’t sapul ay alam pala ni Paolo ang lahat. Mula sa pakikipagchat niya kung kani-kanino hanggang sa pagsesend niya ng hubo’t hubad na larawan. Dahil sa matinding pagmamahal kay Cindy at sinikap niyang tiisin ang lahat ng pagtataksil nito sa pag-asang isang araw ay kusa itong matatauhan at magbabago. Walang palyang gabi-gabi siyang humihiling sa Panginoon na magbago na ang asawa. Hindi niya akalain na sa ganoong eksena pa aabot ang kanilang pagsasama.
Buong akala ni Cindy ay walang kaalam-alam ang asawa niya, kaya’t pinanindigan niya na lamang ang pagsisinungaling niya. Nangako na lamang siya sa sarili na hindi na nga uulit pa.
Isang araw, nagising na lamang si Paolo na may nakahandang almusal sa tabi ng kanilang kama. Gulat na gulat siya dahil ito ata ang unang beses na ipinagluto siya ng kanyang misis. Matapos kumain, bigla na lamang lumuhod sa harapan niya si Cindy.
“Hon? Alam kong hindi ako naging perpektong asawa sa iyo magmula nang ikasal tayo. Kaya hayaan mong bumawi ako. Paolo, will you marry me, again?” wika ng babae habang may luha sa mga mata.
Agad namang pumayag si Paolo. Isang linggo lamang ang lumipas at ikinasal muli ang dalawa. Ito na rin ang naging simbolo ng bagong simula sa buhay ng mag-asawang ito, dahil mula nang araw na iyon ay naging napakasaya na ng pagsasama nila. Natuto nang makuntento si Cindy sa asawa at ibinigay niya ang lahat ng kanyang makakaya upang makabawi rito.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng iang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!