Dahil sa Isang Pagkakamali ay Natanggal ang Lisensiya ng Babaeng OFW Bilang Doktor Ngunit Hindi Ito Umuwi ng Pilipinas Dahil sa Takot na Madismaya ang Magulang
Lahat ng paghihirap ng inang si Emma at amang si Romeo ay natanggal nang mapagtapos na ang anak bilang isang doktor. Tuwang tuwa si Emma nang makita ang anak na suot ang unipormeng puti at nakasulat ang pangalan nito sa tag bilang “Mary Jane Magbanua, MD”.
“Ang galing galing ng anak ko! Sabi ko na nga ba’y hindi mo kami bibiguin ng Papa mo.”, sambit ng tuwang-tuwang ina sa kanilang nag-iisang anak.
“Salamat po, mama at papa. Nga pala, may natanggap akong job offer sa America. Kailangan daw po nila ng mga bagong surgeon sa puso.”, nakangiting sambit ni Mary Jane.
Tuwang-tuwa ito dahil alam niyang dati pa gusto ng kanyang mga magulang ang makapunta siya sa Estados Unidos.
“Talaga, anak?! Nako! Talaga namang mahusay ang anak ko. Kaka-graduate pa lamang, may maganda nang offer sa ibang bansa! At sa America pa ha!”, masayang-masayang sabi ng amang si Romeo.
Agad na ngang nakaalis ang dalaga matapos ang ilang buwan na pag-aasikaso ng mga papeles. Nang magsimula siyang magtrabaho at sumweldo, napakalaki ng naipapadala niya para sa kanyang ama at ina, bilang pagtanaw ng utang na loob sa hirap at sakripisyo ng mga ito sa pagpapa-aral sa kanya.
“Anak! Aba’y napakalaki naman ng ipinadadala mo. P150,000 kada buwan? May natitira pa ba sa iyo? Sobra-sobra na ito para sa amin ng Papa mo!”, pangbungad ng ina sa kanyang anak nang makausap ito sa video call.
“Mama, ano ka ba! Ayos lang po iyan. Magbakasyon kayo ni Papa. Gamitin po ninyo iyan para makapagpasarap sa buhay. Deserve niyo po ‘yan.”, sagot ni Mary Jane habang humihikab.
“Ang sweet-sweet ng anak ko! Kanina nga’y nagkita kami ni Pablo. Naalala mo iyon, anak? Yung kaibigan ko. Syempre ipinagmalaki kita ng lubusan!”, galak na galak na kwento ng amang si Romeo.
“O sige na, anak. Magpahinga ka na. Diyos ko, ang itsura mo. Parang hindi ka na natutulog.”, pag-aalala ng ina.
“Ok lang ako, ma. Ganito po talaga ang mga doktor. Ang dami po kasing pasyente ngayon. Madalas ay may biglaan din pong mga nangangailangang operahan sa puso.”, paliwanag ng anak.
“Ganoon ba? Pero sabi nga ng Mama mo, huwag makakalimutang magpahinga. Alam naming magaling ang anak naming doktor, pero tao ka pa rin anak. Magpapahinga ha?”, malambing na paalala ng ama.
“Opo. O sige po, tinatawag na po ako. Kailangan daw po ako nung isa kong pasyente.”, paalam ni Mary Jane na nagmamadaling pinatay ang laptop. Sabi sa kanya ng isang nurse ay may dinala sa emergency room at kailangang matingnan. Kaya kahit pagod na pagod na si Mary Jane ay agad siyang pumunta dito.
Pagpasok ni Mary Jane sa emergency room, nakita niya ang isang Amerikano na nagka-heart attack. Agad niyang ipinag-utos sa mga kasamahan na ihanda na ang mga gamit upang masimulan na ang pag-gamot.
Napagdesisyunan ni Mary Jane na gawin ang Thrombolysis, kung saan hindi na kakailanganin ng operasyon at mag-iinject lamang siya ng likido sa braso ng pasiyente upang matunaw ang mga namuong dugo sa puso ng lalaki.
Matapos ang proseso, agad namang nilapitan ni Mary Jane ang asawa ng amerikanong lalaki na isa ring Pilipina.
“Misis, huwag na po kayong mag-alala dahil nasa maayos nang kalagayan si mister. Maya maya lamang ho ay maaari niyo na siyang dalawin at kausapin.”, pagsisiguro ni Mary Jane sa nag-aalalang asawa ng pasiyente.
“Nako! Maraming salamat. Buti na lamang at Pinay rin ang doktor ng mister ko. Malaki ang tiwala ko sa iyo, kababayan.”, ‘ika ni Angie.
Pauwi na sana si Mary Jane at pasakay ng kanyang sasakyan nang bigla siyang natigilan dahil sa isa sa mga nurse ang sumisigaw ng kanyang pangalan. “Doc! Doc! The patient you’ve treated earlier. He is not responding anymore. His heart rate keeps on getting low!”, sambit ng amerikanong nurse sa kanya.
Nagising ang antok na antok na si Mary Jane at agad na tumakbo pabalik ng ospital. Bago pa siya pumasok sa emergency room ay nakita ang mukha ng asawa ng pasiyente na iyak nang iyak dahil sa mga nangyayari.
Pagpasok niya ng emergency room, tumambad sa kanya ang halos walang buhay na amerikanong nakahiga sa kama. Nanlambot ng lubusan ang dalaga. Biglang pumasok sa isip niya na hindi sapat ang dami ng itinurok niyang gamot sa pasiyente. Hinimatay si Mary Jane sa dami ng nangyayari.
Nang magising ang doktora, nagulat siya nang makita ang head ng ospital na pinapasukan. Isa rin itong Pilipino.
“Mary Jane, mabuti naman at gising ka na. Ipaliwanag mo sa akin ang nangyari. Lahat-lahat.”, mahinahong sabi ni Doc Mario.
At ipinaliwanag ni Mary Jane ang lahat ng kanyang mga pagkukulang.
“Mabuti at hindi nawalan ng buhay ang pasiyente. Naagapan ito nang maoperahan siya ng isa pa nating doktor.”, sambit ni Doc Mario.
“Alam mo na siguro ang kapalit nito? Dahil sa kapabayaang nagawa mo, kinakailangang tanggalin na ang lisensiya mo.”, pagpapatuloy nito.
Hindi na sumagot ang dalaga. Alam niyang ganoon na nga ang mangyayari sa kanya. Ang inisip niya ay ano na lamang ang sasabihin ng kanyang mga magulang at kamag-anak sa kanyang sinapit.
Kinagabihan, nag-ring ang cellphone ni Mary Jane. Tumatawag sa kanya ang kanyang mga magulang.
“O anak, kamusta?”, tanong ng mag-asawa.
Nagpanggap na maayos ang babae. Hindi niya ibinanggit ang mga nangyari sa kanya. Nagsabi lamang siya na baka hindi muna siya makapagpadala dahil may mga pinag-iipunan siya.
“Walang problema, anak. Unahin mo ang iyong sarili. At tutal marami naman kaming naitabi ng Mama mo mula sa mga padala mo.”, tugon ng ama sa kanya.
At dahil wala na ngang lisensiya, walang nagawa si Mary Jane kung hindi pumasok bilang caregiver. Dahil doon, nagawang makaraos ng babae sa kanyang pang-araw araw na pangangailangan. Maayos ang lahat at nagagawa niyang ilihim ang mag sinapit sa lahat ng mga kakilala, nang biglang isang araw ay tumawag sa kanya ang ina.
“Anak? Ano iyong sinsabi sakin ng Tita Liza mo?”, tanong ng ina ni Mary Jane.
“Ano po ‘yon, Ma?”, kinabahan ang dalaga. Nakalimutan niyang sa ospital na pinagtatrabahuhan niya noon ay doon madalas magpatingin ang pinsan ng kanyang ina na si Liza.
“Tinatanong ako kung kailan ka raw uuwi dito. Dahil ang balita raw sa ospital natanggal ka raw sa trabaho dahil sa kapabayaan?”, patuloy ni Emma.
“Ha? Hindi po, ma. Hindi po yun totoo. Nako, madami talagang chismis kahit dito sa Amerika. Naka-leave lang po ako sa ospital. Nagpapahinga lamang po.”, pagsisinungaling ni Mary Jane.
“Ganoon ba? Kinabahan naman ako! Akala ko’y kung ano nang nangyari sa iyo. O sige anak. Ako’y maglilinis pa ng bahay”, paalam ng ina.
Nagpatuloy ang ganoong klaseng pamumuhay ng dalaga. Nasanay na siyang mabuhay sa kasinungalingan dahil sa takot na madismaya at bumaba ang tingin sa kanya ng kanyang mga magulang.
Isang araw, naglalaba sa bakuran ang inang si Emma nang may galit na galit na babae ang lumapit sa kanya upang makipag-usap.
“Anak niyo ho ba si Mary Jane Magbanua?!”, tanong nito.
“Oho. Bakit, sino ho sila?”, pagtataka ni Emma. Narinig din ito ng amang si Romeo kaya agad agad itong lumabas.
“Nasaan na ho iyong pabaya ninyong anak?!”, galit pa ring sabi ng babae.
“Anong pabaya? Sino ka ba? At ang kapal ng mukha mong bastusin ang anak ko!”, nagalit na si Romeo dahil sa talas ng bibig ng babae.
“Ako ho si Angie! Muntik lang naman hong mamatay ang asawa ko dahil sa kapabayaan ng walang kwenta ninyong anak!”, pagpapatuloy nito.
Halos himatayin ang mag-asawa sa narinig. Hindi sila makapaniwala sa nangyari, at hindi lubos maisip ni Emma kung paano kinakaya ng kanyang anak na pasanin mag-isa ang mga nangyari sa kanya.
“Wala ho siya rito. Patawad ho sa nangyari sa inyo. Wala hong may gusto ng nangyari. Makakaalis na ho kayo.”, nakayukong sabi ni Romeo. Agad namang pumasok ang mag-asawa sa kanilang bahay upang tawagan ang anak.
Nang sagutin ng kanilang anak ang tawag, agad nilang ikinwento ang mga nangyari. Tila nanigas si Mary Jane dahil hindi ito makasalita dahil sa kahihiyan.
“Anak! Ano? Magpaliwanag ka! Bakit hindi mo sinasabi sa amin?!”, tanong ni Emma.
Sa wakas ay sumagot na ang dalaga.
“Kasi po, takot na takot akong makita ang pagkadismaya sa inyo! Alam ko pong ilang taon kayong naghirap upang mapag-aral ako, ngunit ganito lang naman pala ang mangyayari sa akin. Wala akong kwenta!”, hagulgol na paghahayag ni Mary Jane.
“Ganoon? Ganoon ba ang tingin mo sa amin?!”, tumaas na ang boses ng ina.
“Sa tingin mo’y hindi ka na namin matatanggap kasi hindi ka na doktor? Kasi hindi ka na pwedeng ipagmalaki? Ganoon ba kami kasamang mga magulang?!”, dagdag pa ng ama.
Nanghingi ng tawad ang dalaga at ikinuwento ang lahat ng nangyari. Pati na rin kung saan na siya ngayon namamasukan. Sagad ang awa ng kanyang ama’t ina.
“Umuwi ka na bukas na bukas.”, utos ng amang si Romeo.
Nang makarating si Mary Jane sa Pilipinas, sinalubong siya ng kanyang humahagulgol na ama’t ina. Nanghingi ng tawad si Mary Jane sa paglilihim at sa mga nagawa sa America.
“Bakit ka humihingi ng tawad? Alam kong hindi mo iyon sinasadya.”, ‘ika ng umiiyak na si Emma nang makita ang naging itsura ng kanyang anak matapos mamasukan ng ilang buwan bilang caregiver.
“Anak, babangon tayo. Alam kong kaya mo ‘yan. Nakausap ko na ang kaibigan kong abogado.”, ‘ika ng ama habang yakap yakap ang namayat na anak.
Labis na nagsisi si Mary Jane sa nagawang kapabayaan. Ngunit dahil dito ay natutunan niyang bigyan ng pahinga ang sarili upang palaging malinaw ang kanyang pag-iisip. Isa pa’y dinalaw niya ng personal si Angie at ang asawa nito upang personal na humingi ng tawad.
Matapos ang tatlong taon, dahil sa pagsisikap ni Mary Jane at sa tulong na rin ng kaibigan ng kaniyang ama, nagawang makuha muli ang lisensiya ng babae. Isa na muli siyang doktor, ngunit hindi kagaya ng dati, mas maingat at mas matalino na siya sa mga desisyon sa loob at labas ng ospital. Natutunan din niyang hindi niya kailangang magtago sa kanyang mga magulang dahil tanggap ng sinumang magulang ang kahit ano mang kahinatnan ng kanilang mga anak.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!