Akala ng Dalaga ay Mas Mautak Siya Kaysa sa Kakambal, Napaiyak nalang Siya sa Huli Nang Malaman ang Sikreto Nito
Kambal sina Anika at Antonette, kapwa sila nag aaral sa huling taon ng high school. Sa susunod na pasukan ay kolehiyo na sila, tiyak na marami nang gawain kaya naman nang sabihin ng mommy nila na magbakasyon muna sila sa bahay ng kanilamg lola sa probinsya ay masayang masaya ang dalawa.
“Anika, naalala mo pa ba noong maliit pa tayo? Kumukuha tayo ng mangga sa puno ni lola,” masayang wika ni Antonette. Maganda ang ngiti ng dalagita at excited na siyang makitang muli ang mga dati nilang kaibigang naiwan doon. Na-miss niya ang simpleng buhay dahil masyadong maingay sa Maynila.Hindi tulad dito, tahimik at mapayapa.
“Oo, pero don’t tell me na til now gusto mo pa ring gawin yon? I mean, Tonette, dalaga na tayo. Tsaka iba na mundo ngayon, you can’t be friends with people like them na.” kabaligtaran naman ni Antonette si Anika. Lumaki itong mapagmataas at mahilig manlamang sa kapwa. Namimili rin ito ng kakaibiganin.
Hindi na lamang kumibo pa si Antonette dahil ayaw niya nang makipag away sa kapatid. Maya maya pa ay narating na nila ang bahay ng kanilang lola. Bagamat luma iyon ay napakalaki, isa sila sa may kayang pamilya sa probinsya. Ang lola nila ay pinadadalhan ng pera ng mga tita nila mula sa Amerika, malawak ang bakuran nito at tuwang tuwa si Anika.
“Ang ganda! Na-miss ko to grabe. Fresh air,”
Umirap naman si Antonette. “May aircon na naman siguro si lola ano?” sabi ng dalagita at dire-diretso na sa loob ng bahay.
Sinalubong sila sa salas ng kanilang lola Constancia, ang laki ng ngiti nito at niyakap sila pareho.
“Kambal, ang laki nyo na! Parang kailan lang eh maliliit na bata kayong nagtatakbuhan rito,kolehiyo na ba kayo?” sabi nito at ginulo pa ang kanilang buhok.
“Opo, sa pasukan po lola college na kami.” masayang sagot ni Antonette. Tinatamad naman si Anika na makipag usap pero tumaas ang tenga niya nang marinig ang sunod na sinabi ng matanda.
“O sige, dahil ngayon nalang kayo ulit nakapag bakasyon rito lahat ng hiling nyo-anything, ibibigay ko,”
“Talaga po?” nanlalaki ang mata na sabi ni Anika. Tamang tama, para sa pasukan bago ang cellphone niya.
“Oo apo, talagang talaga. Magpahinga na muna kayo, ipaaakyat ko kay Meding ang mga gamit ninyo.” sabi nito at tinawag na ang katulong. Si Antonette ay nauna nang umakyat sa kwarto habang si Anika ay nagpaiwan agad. Aba, wala siyang sasayangin na sandaki at sisimulan na niyang humiling.
“Lola gusto ko po ng cellphone. Bagong labas po yung samsung. 90,000 pesos po,” dire diretsong sabi niya. Tiyak niya namang may pera ang matanda dahil malaking magpadala ang mga tita niya.
“90 00?! Aba’y kamahal naman pala na ng mga cellphone ngayon ano,” napapakamot na sabi ng lola niya.
“Sabi nyo po, diba? Kahit na ano. Yan ang gusto ko po lola,” sabi niya rito bago tumalikod at nagmartsa na paakyat.
Papasok na sya sa kwarto nang masalubong niya si Antonette, di nya ito pinansin dahil medyo badtrip sya. Parang maliit ang chance na pagbigyan sya ng kanyang lola. Mukhang namamahalan ito sa hiling nya.
Nagmumukmok pa siya nang pumasok ang kanyang kapatid sa kwarto, ang laki ng ngiti nito.
“Ano’ng nakakatawa?” sita niya.
“Wala, pumayag lang si lola sa hinihiling ko.” simpleng sagot ng dalagita. Inirapan niya ito, kahit kailan ay ito palagi ang napapaboran.Palibhasa kasi ay bait baitan.Pwe.
Kinabukasan ay tanghali nang nagising si Anika, nagulat pa siya nang pagmulat niya ay isang paper bag ang nasa gilid ng kanyang kama. Nang buksan niya iyon ay tumambad ang mamahaling cellphone na hinihiling niya.
“Wow!” di pa siya makapaniwala nang pumasok ang kanyang kakambal sa kwarto at nakangiting nagtanong.
“Ano yan?”
“Cellphone! Yung latest model, pinagbigyan na ako ni lola. Ikaw ano’ng hiniling mo? Gaga ka kasing pumili, nahihiya hiya kapa. Ayaw mong tumulad sa akin, mautak.”
Simula nung araw na iyon ay sunod sunod na kung humiling ng kung anu ano si Anika, palagi siyang may natatanggap na regalo samantalang ang kapatid niya naman ay masayang nakikitingin lang.
Palagi niya itong iniinggit at pinagsasabihan na tatanga tanga kasi at di ginagamit ang utak. Di nagtagal ay natapos na ang bakasyon, pauwi na ang magkapatid nang makasalubong ng kanilang sinasakyang kotse ang isang rumaragasang truck. Sinubukan ng kanilang driver na iwasan ang sasakyan pero nahagip pa rin sila nito.
Kapwa sila walang malay, si Anika ay nakaligtas samantalang si Antonette naman ay dead on arrival. Iyak nang iyak ang kanilang mga magulang.
Sa unang araw ng burol ni Antonette ay dumalaw rin ang kanilang lola Constancia, malungkot nitong minasdan ang apo sa ataul.
Hanggang sa sandaling iyon ay inggit pa rin ang nangibabaw kay Anika, kung siya kaya ang namatay, ganito rin kaya kalungkot ang mga ito?
“Kumusta ka apo?” tanong ng kanyang lola Constancia, siya naman ang binalingan nito matapos sumilip sa ataul.
“M-medyo okay na po,” sabi niya, nakawheelchair pa rin siya.
“Mahal na mahal ka ng kapatid mo Anika, mahal na mahal ka niya..” lumuluhang sabi nito.
Di siya sumasagot, di niya alam ang sasabihin. Nagpatuloy sa pagsasalita ang matanda, “Alam mo bang bago kayo maisugod sa ospital ay nagawa niya pang tumawag sa telepono ko at paulit ulit siya na iligtas ka raw, wala kang malay. Yun pala pagsugod sa ospital ay siya itong di na aabot. Hanggang sa huli, para pa rin sayo ang hinihiling niya,”
Di makapaniwala si Anika, “A-ano po ang ibig nyong sabihin? Ano ho ba ang hiniling niya?”
“Ang hiling niya ay ibigay ko lahat ng hiling mo, yun lang. Kaya kahit na anong mahal ng mga ipinabibili mo ay pinagbibigyan ko. Hanggang sa kabilang buhay, mahal na mahal ka ng kapatid mo,”
Tulala si Anika habang tumutulo ang luha. Pinag iisipan niya pa ng masama at kinainggitan niya pa ang kapatid habang ito ay walang ibang ginawa kundi mahalin siya.
Napakalaki ng kanyang pagsisisi na hindi niya man lang naiparamdam sa kakambal na mahal niya rin ito.