Tinanggihan ng Babae ang Manliligaw na Lalake Dahil sa Puntong Bisaya Nito, Lubos ang Panghihinayang Niya Nang Malaman ang Pagkatao Nito
Unang nagkatagpo ang landas ni Karen at Mike sa isang coffee shop sa Mandaluyong. Agad na nabighani ang matipunong lalaki sa napakagandang ngiti ng babaeng barista. Napansin naman ito agad ng magandang dilag dahil panay ang tingin nito sa kanya.
“Girl! Tingnan mo yun oh. Sa table number 5, yung lalaki. Sobrang pogi! Tingin ng tingin sa’yo kanina pa!”, sambit ni Lara, kasamahan ni Karen sa coffee shop.
“‘Di ba? Ang cute ‘no! Ano kayang pangalan no’n?”, kinikilig na sabi ni Karen.
Maya-maya ay hindi na nag-atubili ang lalake at nilapitan ang magandang babae. Labis naman ang kilig ni Karen nang makitang papalapit ang lalake, ngunit laki ng dismaya nito nang magsalita na ang binata.
“Hi! Mike nga pala. Ikaw? Ke ganda ng ngete mu!”, panimula ng bisayang lalaki.
Hindi man lang itinago, humagalpak ng tawa si Lara. Binulungan nito si Karen, na narinig naman ng binata. “Bisaya pala! Hahaha!”
“Ah, hehe. Karen.”, sagot ng dalaga na agad na turn-off dahil sa punto ng gwapong lalaki.
“Karin? Kaseng ganda ng mokha mo ang pangalan mo!”, pambobola ni Mike.
“Karen, hindi Karin.”, halatang nawalan na ng interes ang dalaga sa kanyang mga sagot sa binata.
“Ay suri. Sa Cebu kasi ako lomake kaya hende masyado sanay mag Tagalog.”, nakangiting paliwanag ni Mike.
“Ah. Oorder ka ba?”, nagsimula nang magsungit ang dalaga.
“Tanung lang, pwidi ka bang maka-date?”, nagulat si Karen sa biglaang tanong ng binata. Sa gulat nito ay agad siyang napa-oo. Nang mapag-isipan ang sinabi, nahiya na siyang bawiin ang sagot. Kaya nasabi na lamang niya sa sarili na isang beses lang naman iyon at hindi na mauulit.
Tuwang-tuwa naman si Mike na napapayag ang dalaga. Napagkasunduan nilang kumain sa isang restaurant malapit sa pinagtatrabahuhan ni Karen pagkatapos ng shift nito sa trabaho.
“Nye! Bakit ka pa nag-oo? Akala ko ayaw mo sa kanya? Hahaha!”, pang-aasar ni Lara nang umalis na si Mike.
“Nabigla ako e! Grabe! Kada magsasalita siya, parang gusto ko na lang matawa. Baka ‘di ko mapigilan mamaya! Hahaha!”, sagot ng tawang-tawang si Karen.
Bigla namang sumabad ang isa sa kanilang mga katrabahong lalake na si Romar. “Ano ba kayo? Ano naman kung bisaya? May nakakatawa ba dun? Kapag may lalakeng amerikano na hirap na hirap mag Tagalog, gustong gusto niyo. Kapag bisaya, pinagtatawanan ninyo.”
“Korni mo! E nakakatawa e. Hahaha!”, sagot ni Lara.
Natapos na ang shift ni Karen sa trabaho at dumating naman agad si Mike upang sunduin siya, may dala itong bulaklak at tsokolate para sa kanya. Naglakad na lamang sila dahil napakalapit lamang ng restaurant na napagkasunduan nila.
Napaghandaan na ni Karen ang mga sasabihin, kaya’t pagkaupo pa lamang ay agad na niyang sinabi ang mga gusto niyang sabihin.
“Mike, sa totoo lang ayaw na kita paasahin. Nabigla akong um-oo sa’yo kanina, pero sa totoo lang ayoko. Kasi ayoko sa pananalita mo. Una, nakakatawa. Pangalawa, nakakahiya.”, diretsong sabi ni Karen sa binata.
Pahiyang-pahiya si Mike sa mga narinig.
“Ganoon ba? Dahel lang sa pagiging bisaya ko?”, tanong ng malungkot na binata.
“Oo. Sige, aalis na ako.”, pagpaalam ni Karen, sabay tayo at umalis na ng restaurant.
Nang makauwi na si Karen, nagulat siya nang napakaraming tumatawag at nagtetext sa kanya. Tiningnan niya agad ang kanyang cellphone.
“Karen! Ang haba ng hair mo ha!”, text ng isa niyang kaibigan.
“Huy! Paano kayo nagkakilala? Kayo na ba? Taray! Ganda talaga!”, pangangantyaw ng isa pa.
Takang-taka si Karen sa mga nabasa. Nang bigla niyang makita ang isang chat ng isa pang kaibigan.
“Mike Delos Santos? Grabe girl! Ibang level ka na!”
Agad niyang hinanap sa Facebook ang pangalan na nabasa. Laking gulat niya sa nakita. Anak pala ng may-ari ng pinakasikat na hotels and restaurants ang naka-date niyang bisaya kanina. Napaka-yaman nito at kilalang kilala sa Cebu. Napicture-an pala silang magkasama ng ilang paparazzi at kumalat sa Facebook kaya nalaman ng kanyang mga kaibigan ang date nila kanina.
Nanlaki ang mata ni Karen. Hinayang na hinayang siya sa sinabi niya sa binata. Kaya agad niyang tinawagan ang binata upang bawiin ang mga sinabi at upang makipagkitang muli.
“Hello? Karin?”, sagot ni Mike.
“Hi! Sorry nga pala sa mga nasabi ko kanina, ha. Hindi iyon totoo. Kung gusto mo nga magkita ulit tayo bukas. Tara?”, yaya ni Karen na tuwang-tuwa sa nabasang napakayaman pala ng binata. Ngunit laking gulat nito sa sagot ni Mike.
“Baket nagbagu ang esep mo? Pasinsya ka na ha, peru nasaktan kase aku sa mga senabe mo. At isa pa, ayokong makipagrelasyon sa isang mapanghusgang tao. Bye, Karin.”, at binaba ni Mike ang telepono.
Hinayang na hinayang babae. Natutunan niyang hindi dapat manghusga at manlait dahil lamang sa kung paano magsalita ang isang tao. Magmula noo’y hindi na niya ginawang katatawanan ang mga bisaya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.