Inday TrendingInday Trending
Nasa Huli ang Pagsisisi

Nasa Huli ang Pagsisisi

Masaya si Aling Rowena dahil isang tulog na lang at magtatapos na ang kanyang anak na si Lily. Malapit na nitong tanggapin ang diploma bilang katunayang natapos na ang apat na taong inilagi nito sa kolehiyo. Matagal niya itong pinangarap dahil ang panganay niyang anak ang nakatakdang mag-ahon sa kanila sa hirap sa sandaling makatapos ito at makahanap ng magandang trabaho.

“Excited na ako, bukas. Makikita ko na ang anak ko na nagmamartsa na nakasuot ng toga at tatanggap ng diploma. Sa wakas at dumating din ang araw na ito,” wika ni Aling Rowena sa isip.

Bitbit ang bayong ay malumanay na naglakad ang babae patungo sa pamilihan. Habang nasa daan ay iniisip niya ang kanyang mga bibilhin. Hindi pangkaraniwang araw ang mangyayari sa susunod na araw kaya napagdesisyunan niyang bumili ng isang buong manok, isang kilong baboy, gulay na panahog at mga prutas.

“Tiyak na magugustuhan ng aking mag-aama ang ihahanda ko bukas para sa espesyal na araw ni Lily,” bulong pa niya sa sarili.

Pagdating niya sa pamilihan ay narinig na niya agad ang di magkamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob. Nang mapadaan siya sa gitnang pasilyo at akmang hahakbang na papasok ay siyang paglabas ng isang batang lalaki na humangahos at pawis na pawis. Di naman sinasadyang mabangga siya nito na muntik na niyang ikabuwal.

“Ano ka bang bata ka, tumingin ka naman sa dinaraanan mo. Alam mo naman na masikip itong daan at patakbo ka pang lumabas!” inis na bulyaw ni Aling Rowena.

“Pasensya na po, hindi ko po sinasadya. Nagmamadali po kasi ako, e,” sabi ng bata.

“Pasensya? Kung lahat ng kawalang-ingat ay pagpapasensiyahan nang pagpapasensiyahan ay makakap*t*y ka ng tao!” singhal niya rito.

Matapos sabunin ang bata ay nagmamadali siyang tumalikod papasok ng pamilihan. Una muna niyang binili ay ang mga gulay na panlahok sa lulutuin niyang sinabawan. Nang magbabayad na siya sa tindera at dumukot sa kanyang bulsa ay laking gulat niya dahil wala roon ang kanyang pitaka.

“Teka, narito lang iyon kanina, a!” taka niyang sabi.

“Bakit po?” tanong ng tindera ng gulay.

“A, e nawawala kasi ang pitaka ko,” nag-aalalang sagot ni Aling Rowena.

“Naku, e magkano naman po ang laman?” anito.

“Mayroon akong dalang isanlibong piso sa aking pitaka,” aniya.

“Diyos ko, ale. Baka nadukutan kayo? Madalas pa namang nagkalat dito ang mga mandurukot,” sabi pa ng tindera.

Saglit siyang nag-isip at inalala ang mga nangyari kanina. Agad na pumasok sa kanyang isip ang gusgusing bata na nakabangga niya. Natatandaan niyang tumama pa ang braso nito sa kanyang dibdib sa pagmamadali nito kanina. Sa isip niya ay baka hindi pa ito nakakalayo sa lugar. Hindi niya makakalimutan ang hitsura ng batang iyon na nanlilimahid at tila hindi naliligo. Lumabas siya sa pamilihan at hinanap sa paligid ang bata. Nagpalinga-linga siya ng tingin hanggang sa makita niya ang kanyang hinahanap. May hawak itong plastic bag na may lamang daing. Nakita niya na nakatayo ito sa tapat na bilihan ng mga prutas. Mabilis niya itong nilapitan at marahas itong hinila sa braso.

“Nakita rin kita! Ikaw ang dumukot ng pitaka ko ‘no? Huwag kang magkakaila,” wika niya sa bata.

Ano pong pitaka?” Wala po akong kinukuhang pitaka sa inyo,” tanggi nito.

“Anong wala? Ikaw ang kumuha sa pitaka ko at wala ng iba. Kunwari ay binangga mo ako tapos ay dinukutan mo na ako. Napakahusay ng sistema mong iyan, kikita ka talaga rito sa palengke!” bulyaw ng babae.

Dahil sa lakas ng boses ni Aling Rowena ay pinagtitinginan na sila ng mga tao sa paligid. Mayamaya ay nilapitan siya ng isang tindero.

“Ale, ano pong problema?” tanong nito.

“Ito kasing batang ‘to, dinukutan ako. Kinuha ang pitaka ko sa bulsa. Kunwari pang nabangga ako kanina iyon naman pala ay dudukutan lang ako!” sagot niya sa galit na tono.

“Ang mabuti pa ay ipapulis niyo. Talagang dito sa palengke ay maraming naglipanang bata na gaya niyan,” payo ng tindero.

“Mabuti pa nga! Halika, sumama ka sa akin,” ani Aling Rowena.

“Bakit po, saan niyo ako dadalhin?”

“Ibibigay kita sa pulis. Ipapakulong kita kapag hindi mo ibinalik sa akin ang pitaka ko!”

Pilit na nagpumiglas ang bata sa mahigpit niyang pagkakahawak rito.

“Maawa po kayo, wala po akong dinukot na maski ano sa inyo. Kahit kapkapan niyo pa po ako ay wala kayong makukuha sa akin. Hindi po ako mandurukot,” pakiusap nito.

“Kapkapan? Ano pang kakapkapin ko sa iyo kung naipasa mo na sa iba ang pitaka ko? Naku, alam ko na ang galawan niyong mga magnanakaw,” aniya sa bata.

Kahit anong pigil ni Aling Rowena ay nagtagumpay ang bata na makawala sa kanya. Tumakbo ito ng matulin bitbit pa rin ang dalang plastic bag na may lamang daig. Dali-dali niyang hinabol ang bata nang biglang narinig na lang niya na mayroong malakas na busina ng sasakyan. Hindi siya nakakilos sa kinatatayuan nang makitang nasagasaan ng truck ang gusgusing bata. Kitang-kita rin niya na humandusay ang duguang katawan nito sa kalsada. Mayamaya ay pinagkaguluhan na ito ng mga taong nagdaraan. Wala siyang imik habang pinagmamasdan ang wala ng buhay na bata na tinakluban na ng lumang diyaryo. Sa isip niya ay ginawa lamang niya ang dapat na gawin sa mga katulad nito at ang nangyaring iyon sa bata ay kabayaran lamang sa nagawa nitong kasalanan.

Pagbalik niya sa bahay ay sinalubong agad siya ng kanyang anak na si Lily. Nakauwi na ito galing sa eskwelahan.

“Inay, saan po kayo nagpunta? Kanina ko pa kayo hinahanap,” anito.

“Bakit anak?”

“Naiwan niyo po itong pitaka niyo sa ibabaw ng mesa. Kaya nga po nag-aalala ako na kung pumunta kayo sa palengke ay wala kayong maibabayad,” sabi ng anak.

“Ano? Diyos ko, iyong bata!”

Kinilabutan si Aling Rowena sa sinabing iyon ni Lily. Nakaramdam siya ng matinding awa sa batang pinagbintangan niyang mandurukot. Labis ang pagsisisi niya dahil kundi niya ito pinagbintangan at hinabol ay hindi sana magwawakas ng maaga ang buhay nito. Agad niyang pinuntahan kung saan nakalagak ang labi ng bata at siya na ang nag-asikaso sa pagpapalibing rito. Napag-alaman din niya na ulila na ito at binubuhay na lamang ang sarili sa pamamagitan ng pangangalakal ng basura. Sa puntod ng bata ay humingi siya ng tawad sa nagawa niya rito at nangakong hindi na muling magbibintang sa kanyang kapwa kung walang matibay na ebidensiya. Hindi na niya hahayaang maulit ang pagkawala ng isang inosenteng buhay dahil lang sa maling akala.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement