Inday TrendingInday Trending
Hanggang Saan ang Kayang Gawin Para sa Pag-ibig?

Hanggang Saan ang Kayang Gawin Para sa Pag-ibig?

Magkababata sina Zeke at Charity. Sabay silang lumaki at naging matalik na magkaibigan. Lumaki ang dalaga sa babaeng umampon sa kanya noong siya ay bata pa at mula noon ay ito na ang kinilala niyang ina. Ang binata naman ay mag-isang pinalaki ng lola. Iniwan ito ina noong bata pa at sumama sa ibang lalaki matapos pumanaw ang ama sa malubhang sakit. May kulang man sa pagkatao ng magkaibigan ay nahanap naman nila ang pagmamahal sa isa’t isa. Ngunit lingid sa kaalaman ni Zeke ay mayroon palang lihim na pag-ibig sa kanya ang kababata.

“Alam ko na hanggang pangarap na lang ang pagmamahal ko sa iyo, Zeke pero masaya ako kahit kaibigan lang ang tingin mo sa akin,” wika ni Charity habang titig na titig sa litrato nilang magkaibigan.

Matagal na niyang itinatago ang nararamdaman sa kababata. Bukod sa mabait ang binata ay napakalambing rin nito kaya hindi niya naiwasang mahulog ang loob rito. Ngunit tila malabo na magkagusto rin ito sa kanya dahil hindi naman siya kagandagan. Kilala pa naman niya ang kaibigan at ang mga tipong babae nito ay magaganda at mapuputi ang kutis. Samantalang siya ay sakto lang ang hitsura at medyo maitim ang kulay ng balat.

“Pards, lika gala tayo! Wala akong magawa sa bahay, e. Palagi lang akong sesermunan ni lola,” yaya ni Zeke.

“Sige ba! Saan ang punta natin?” tanong naman sa kababata.

“Ang totoo niyan ay magpapasama sana ako sa iyo, pards,” anito.

“Saan?”

“May gusto kasi akong babae e, at balak kong ligawan. Bibilhan ko siya ng regalo. Tulungan mo naman ako, pards!”

Bigla siyang nalungkot sa sinabi nito. Alam niyang chickboy ang kaibigan ngunit sa tono ng pananalita ni Zeke ay tila seryoso ito sa balak na panliligaw.

“Ganun ba, e sino naman iyang balak mong ligawan?” tanong niya.

“Si Amber!”

Ang tinutukoy nito ay ang maganda at matalino nilang kapitbahay. Anak ito ng may ari ng pinakamalaking grocery sa kanilang lugar, sa madaling salita may kaya sa buhay ang babae. Dahil mahal niya si Zeke ay handa niyang gawin ang lahat para sa ikaliligaya nito. Tinulungan niya ang kaibigan para mapalapit sa babae at maging sa panliligaw ay todo suporta siya rito hanggang dumating ang araw na sinagot ito ni Amber.

“Yehey kami na ni Amber, pards! Salamat sa lahat ng tulong mo, ha?” masayang sabi ng lalaki.

“Ikaw pa ba! Alam mo namang lahat gagawin ko para sa iyo di ba, pards?” aniya.

“Ano bang gusto mong kapalit? Sabihin mo lang. Anong gusto mong kainin? Saan mo gusto pumunta? Treat kita!”

“Wala! Ayos lang, ano ka ba? Ano pa at naging matalik na magkaibigan tayo!”

Lihim mang nasasaktan ay minabuti niyang itago ang kanyang emosyon. Para sa kanya ay mas mahalaga ang kaligayahan ng taong mahal niya.

Isang araw ay hindi niya inasahan na pupuntahan siya ng kaibigan at maglalabas ng sama ng loob.

“Pards, iniwan na ako ni Amber,” umiiyak na sabi ni Zeke. Ngayon lang niya nakitang umiyak ng ganoon ang lalaki.

“Bakit anong nangyari?”

“Bigla na lamang daw niyang naramdaman na hindi na niya ako gusto. Bakit ngayon pa pards na mahal na mahal ko na siya!” hagulgol pa nito.

Hindi na napigilan ni Charity ang mga luhang kumawala sa kanyang mga mata. Hindi niya kayang makita na nasasaktan ang lalaking pinakamamahal niya.

“Huwag kang mag-alala at kakausapin ko siya,” aniya.

Nang sumunod na araw ay pinuntahan niya ang babae at kinausap.

“Alam mong mahal na mahal ka ng kaibigan ko, pero bakit ganoon ang ginawa mo sa kanya?” tanong niya rito.

“Pasensya na pero napag-isip-isip ko na hindi pala si Zeke ang lalaking nakikikita kong makakasama ko habang buhay. Mataas ang pangarap ko at napagtanto ko na mas mainam kung ang lalaking makakatuluyan ko ay isang lalaking mayaman at maibibigay ang lahat ng gusto ko. Hindi ko iyon nakikita kay Zeke,” wika ng babae.

Napaiyak na lamang si Charity sa sinabi ni Amber. Hindi niya namalayan na napaluhod na siya sa harap ng babae at nagmamakaawa na huwag iwan ang kaibigan.

“Please, Amber. Huwag mong iwan si Zeke. Mahal na mahal ka niya at nagbago siya para sa iyo. Hindi niya kakayanin na mawala ka sa buhay niya,” pagsusumamo niya sa kausap.

Nagulat si Amber sa ginawa niyang pagmamakaawa para sa kaibigan. Nakaramdam ng awa ang babae at inalalayan siya nitong tumayo sa kinaluluhuran.

“Bakit ba ganyan na lang kung ipakiusap mo ang kaibigan mo? Umamin ka nga sa akin, may nararamdaman ka ba sa kanya?” tanong sa kanya ng babae.

Agad na pinahid ni Charity ang luha sa pingsi bago nagsalita.

“Oo, Amber mahal ko si Zeke! Mahal na mahal, kaya lahat ay gagawin ko para sa kanya.”

Mas lalong naawa ang babae sa ibinunyag niya. Hindi nito inakala na may pagtingin siya sa lalaki.

“Kaya pala ganyan na lamang ang pagsusumamo mo sa akin. Iyon pala ay may pagmamahal ka sa kanya. Napahanga mo ako sa pagmamahal mo kay Zeke, kaya mong magpakababa para lang sa kanya. Hangad ko na kayo na lang sanang dalawa ang magkatuluyan. Nakapagpasya na ako, wala na akong balak na balikan pa siya. Sana ay maintindihan mo ako.”

Hindi na nakumbinse pa ni Charity ang babae na makipagbalikan. Tuluyan nitong hiniwalayan ang kaibigan. Isang araw ay nabalitaan na lamang niya na naaksidente si Zeke sa sinasakyan nitong motorsiklo at nagkaroon iyon ng malubhang epekto sa mga mata ng lalaki na ikinabulag ito.

“Ayoko nang mabuhay pa! Kung ganito lang din naman na inutil na ako ay mas gugustuhin ko pang mawala na lang sa mundo,” iyak ng lalaki habang nakaratay sa ospital.

“Huwag kang magsalita ng ganyan, Zeke. May awa ang Diyos!” wika niya sa kaibigan.

Nalaman ni Charity na mayroon pang pag-asang makakita ang lalaki sa pamamagitan ng eye transplant ngunit kailangan pang makakita ng posibleng donor nito. Hindi naman nagtagal at may suwerteng dumating kay Zeke dahil may dumating na eye donor na magbibigay ng mga mata nito sa kanya kaya nabuhayan ng pag-asa ang lalaki.

Apat na linggo ang mabilis na lumipas. Dumating ang araw ng pagtanggal ng benda sa mga mata ni Zeke.

“Congratulations, hijo dahil matagumpay ang iyong operasyon!” masayang sabi ng doktor na nag-opera sa kanya

“Ano, apo nakakakita ka na ba?” tanong ng kanyang lola.

“N-nakakakita na po ako, lola. Nakikita ko na kayo! Maraming salamat po, dok!”

“Huwag ka sa akin magpasalamat kundi sa taong nagbigay ng mga mata niya sa iyo.”

“S-sino po ang nagbigay dok?” nagtataka niyang tanong.

“Pasensya ka na, hijo pero ayaw niyang magpakilala. Minabuti niyang itago ang pagkakakilanlan niya.”

“Kung sino man siya ay lubos akong nagpapasalamat sa kanya at tinatanaw kong malaking utang na loob ang pagbibigay niya sa akin ng panibagong pag-asa.”

Bumalik sa normal ang buhay ni Zeke ngunit laking pagtataka niya kung bakit hindi na nagpapakita sa kanya ang kaibigang si Charity mula nang ma-operahan at makalabas siya sa ospital. Hindi niya naiwasang magtanong sa kanyang lola.

“Lola, alam niyo po ba kung nasaan si Charity? Pinuntahan ko po siya sa bahay nila pero sabi ng kapitbahay nila ay lumipat na raw sila ng tirahan. Hindi man lang niya ako dinalaw sa ospital mula nang na-operahan ako at wala man lang siyang sinabi na lilipat sila ng bahay, “ aniya.

“M-may aaminin ako sa iyo, apo. Ayaw niya sanang ipaalam ito sa iyo pero hindi na kaya ng konsensiya ko na itago sa iyo ang lahat,” wika ng matanda.

“Ano po iyon, lola?”

“S-si Charity ang nagbigay sa iyo ng mga mata niya anak,” pagtatapat ng kanyang lola habang nagsimula na itong mapahagulgol.

“Ano po?”

“Nagulat na lamang ako nang sabihin ng doktor na ang kaibigan mo ang nag-donate ng mga mata niya para makakita kang muli. Sa una ay ayaw pumayag ng nanay niya sa gusto niyang gawin pero hindi siya nagpapigil at wala rin itong nagawa. Huli na rin nang malaman ko, anak. Patawarin mo ako kung hindi ko agad sinabi sa iyo,” bunyag pa nito.

Hindi nakakilos si Zeke. Napaupo na lamang siya sa sofa at napaiyak nang matuklasan ang ginawang sakripisyo ng kaibigan para sa kanya. Napag-alaman din niya kung saan ito naroon. Sinadya rin pala nitong hindi magpakita sa kanya matapos ang operasyon. Bukod dun ay may nalaman parin siya tungkol rito na labis na nagpaluha sa kanya.

Nang matunton ang bagong tinitirhan ng kaibigan ay agad siyang kumatok sa pinto. Bumungad sa kanya ang ina-inahan ni Charity na gulat na gulat nang makita siya.

“Z-Zeke?”

“T-Tita, nariyan po ba si Charity?” nahihiya niyang tanong.

“N-nasa loob siya, anak! Sige puntahan mo na siya,” anito.

Pagpasok niya sa bahay ay nakita niya ang kaibigan na nakaupo sa sala. Nakaramdam ito na may dumating.

“Ma, may bisita ka ba?” tanong nito at biglang tumayo sa kinauupuan habang kinakapa-kapa ang paligid.

Hindi na napigilan ni Zeke na mapahagulgol nang makita ang kalagayan ni Charity.

“Pards? Ako ito si Zeke!”

Natigilan ang dalaga at hindi na rin napigilan na maluha nang marinig ang boses ng lalaking mahal niya.

“Zeke, ano pang ginagawa mo rito?” tanong nito.

“Bakit hindi mo sinabi sa akin ang totoo? Na may nararamdaman ka sa akin, na mahal mo ako! Bakit pati sarili mo ay ibinaba mo nang makiusap ka kay Amber na balikan ako? Bakit inilihim mo rin sa akin ang ginawa mo, alam mo na ang tinutukoy ko,” wika ng binata.

“Da-dahil iyon ang gusto ko. Bata pa lang tayo ay minahal na kita. Pinilit kong labanan ang nararamdaman ko pero hindi ko kaya. Mas minabuti kong itago sa iyo ang totoo dahil ayaw kong masira ang pagkakaibigan natin. Masaya na akong makita kang masaya, Zeke. Wala akong pinagsisisihan sa lahat ng ginawa ko. Kaya kong isakrispisyo ang lahat para sa iyo, dahil ganoon kita kamahal.”

“Tama iyon, Zeke. Sobra kang mahal ng anak ko kaya nagawa niyang ibigay sa iyo ang paningin niya. Alam mo ba na sumama ang loob ko sa ginawa niya para sa iyo? Kahit hindi ko siya tunay na anak ay mahal na mahal ko siya na parang kong sariling anak kaya napakasakit sa akin ng kanyang naging desisyon, pero hindi ko naman hahayaang makita siya na nalulungkot at umiiyak na nakikita ka sa ganoong kalagayan kaya hinayaan ko ang kahibangan niya,” sabad ng ina-inahan ng dalaga.

Nilapitan ng lalaki ang kaibigan at mahigpit itong niyakap.

“Sana sinabi mo sa akin ang nararamdaman mo. Hindi ka naman mahirap mahalin dahil napakabuti mong tao,” aniya.

“Patawarin mo ako, Zeke. Iyon lang ang alam kong paraan para maipadama ang pagmamahal ko sa iyo.”

“Hayaan mong ako naman ang bumawi sa iyo. Hayaan mong ako naman ang magpakita ng pagmamahal ko sa iyo,” sabi ng lalaki sabay halik sa pisngi ng dalaga.

Naramdaman ni Zeke kung gaano siya kamahal ni Charity. Hindi na rin niya napigilan ang sarili na mahulog ang loob sa kaibigan. Natutunan na rin niya itong mahalin. Naging magkasintahan sila at di nagtagal ay ikinasal. Nangako si Zeke na habang buhay niyang mamahalin si Charity at siya ang magiging mata ng kanyang maybahay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement