Inday TrendingInday Trending
Ang Naiibang Regalo ni Kuya

Ang Naiibang Regalo ni Kuya

Hindi maiwasan ni Ken na isipin ang nalalapit niyang pagtatapos sa kolehiyo. Ilang taon din siyang nagsunong ng kilay sa kursong medisina at hindi iyon biro kaya ngayon na nagbibilang na lamang siya ng mga araw ay parang sasabog na ang kanyang dibdib sa sobrang kaba.

Mabuti na lang at isang buwan pa ang hihintayin bago sumapit ang kanyang pinakahihintay na pagtatapos dahil nasa ospital siya ngayon kasama ang kanyang Kuya Francis. Tatlong taon nang namayapa ang kanilang ama t ina kaya silang dalawa na lang ng kanyang nakatatandang kapatid ang magkasama. Ito rin ang nagpa-aral sa kanya nang mawala ang kanilang mga magulang kaya napakalaki ng utang na loob niya sa kanyang kapatid.

Habang naghihintay sa pribadong kuwarto ay biglang pumasok ang kanyang kuya, agad niyang napansin na namumugto ang mga mata nito at mukhang galing sa pag-iyak.

“Kuya, a-anong problema?” tanong niya rito.

“W-wala, kapatid, napuwing lang ang mata ko. Alam mo naman ang maganda mong Kuya, kapag napupuwing ay madaling maiyak. Masyado kasing madrama,” anito.

Alam ni Ken na may pusong babae ang ang kapatid ngunit kahit ganoon ay tanggap niya ito at mahal na mahal niya.

“Ikaw, talaga mahilig ka sa drama. Ano nga ang sabi ng doktor?”

“A, e huwag kang mag-alala kapatid. Napagod ka lang ng husto kaya payo ng doktor ay huwag kang masyadong magpapagod at masama sa kalusugan mo,” wika nito.

“Sabi sa iyo e, dahil lang ito sa pagod. Kaya huwag ka na mag-alala sa akin. Kaya ko ang sarili ko, Kuya.”

“Kaya nga magpagaling ka at sundin mo ang doktor dahil may malaki akong sorpresa sa graduation mo,” hayag nito.

Medyo nagtaka si Ken, sorpresa ang sinabi ng kapatid pero tila malungkot ang boses nito.

“Talaga, Kuya? Ano naman iyon?”

“Basta, malalaman mo rin, kapatid,” anito.

Hindi na nag-usisa pa si Ken, noon pa naman kasi ay alam na niyang mahilig sa mga sorpresa ang kanyang kapatid.

Ilang linggo bago sumapit ang espesyal na araw para kay Ken ay biglang sumumpong ang kanyang sakit. Muling nanikip ang kanyang dibdib at sobra siyang nahihirapang huminga. Mabuti na lamang at malaking tulong ang mga gamot na inireseta sa kanya ng doktor. Sinabi ni Francis sa kapatid na huwag muna itong mag-isip tungkol sa graduation nito ngunit kahit anong gawing iwas ni Ken ay talagang traydor ang kanyang sakit kaya walang nagawa si Francis kundi muli itong dalhin sa ospital sa matinding sakit nito sa dibdib. Hindi naiwasang magtanong ng binata kung ano ba ang kondisyon niya?

“Kuya tapatin mo nga ako. Ano ba talaga ang sakit ko? Sabi mo ay kailangan ko lang ng pahinga dahil sobra akong napagod, pero bakit parang hindi iyon ang nararamdaman ko?”

“Kailangan mo na sigurong malaman, kapatid. Kinausap ako ng doktor, ang sabi niya ay may problema ang puso mo, Ken. Mahina ang puso mo at kailangan na sumailalim ka sa operasyon kundi ay baka…” hindi maituloy ni Francis ang sasabihin dahil nag-umpisa na itong maiyak.

“M-maaari akong mawala?” aniya habang naluluha na rin.

Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang binata sa ibinunyag ng kapatid. Hindi niya akalain na may maluba pala siyang sakit na maaaring ikaguho ng kanyang pangarap na maging ganap na doktor.

“P-pero huwag kang mag-alala, kapatid dahil may donor ka na, mayroong magbibigay ng puso para sa iyo kaya wala ka ng dapat na ipag-alala,” wika ni Francis.

Kahit nag-aalala pa rin ay nakaramdam ng pag-asa si Ken sa tinuran nito.

Mabilis na naisagawa ang operasyon para kay Ken at naging matagumpay naman ito kahit naging kritikal ang pagsasagawa noon dahil nga puso niya ang pinalitan. Tatlong araw ang lumipas bago nagkamalay si Ken. Nahihirapan pa itong makapagsalita at medyo nag-aalala dahil ilang araw na lang ay graduation na niya.

Nang biglang bumungad sa kanya ang kanyang Lola Agnes na ina ng kanilang yumaong ama.

“Kumusta ka na apo?” tanong nito. Napansin niyang namamaga ang mga mata nito na halatang galing sa pag-iyak. Bigla niya tuloy naalala ang kanyang Kuya Francis at nasabi na lang niya sa isip na may pinagmanahan pala ang kanyang kapatid.

Kahit nahihirapan ay pinilit na magsalita ni Ken. “Nasaan po si Kuya, Lola?” tanong niya rito.

“A, e pinauwi ko muna kasi wala pang tulog ang Kuya mo simula pa kagabi, k-kaya pinagpahinga ko muna,” sagot ng matanda.

Sa paglabas ng ospital ay ipinagtaka niya na hindi man lang siya sinundo nito samantalang ito palagi ang sobrang asikaso kapag na-o-ospital siya. Ang sumundo sa kanya ay ang kanyang Lola Agnes at dinala siya sa bahay nito. Nagtanong siya kung bakit hindi sila tumuloy sa condo unit nilang magkapatid? Sinabi naman ng kanyang Lola na nag-aayos pa roon ang kanyang kapatid para sa kanyang pagbabalik kaya doon muna siya titira sa bahay nito pansamantala. SInabi rin nito na may nakahandang malaking sorpresa ang kanyang Kuya Francis kaya ayaw muna nitong magpakita sa kanya.

Sumapit na ang araw na pinakahihintay ni Ken, ang araw ng kanyang pagtatapos subalit hindi pa rin nagpapakita o nagpaparamdam man lang sa kanya ang nakatatandang kapatid. Nangako pa naman ang kanyang Kuya na magpapa-piktyur sila ng magkasama habang nakasuot siya ng toga kaya muli siyang nagtanong sa kanyang Lola Agnes.

“Lola, nasaan po ba talaga si Kuya? Ilang araw na siyang di nagpapakita sa akin, may problema po ba?” nag-aalala niyang sabi.

Nubusan na nang dahilan ang matanda kaya wala na itong magagawa kundi sabihin ang totoo.

“Hindi ko na kayang itago sa iyo, apo. Kailangan mong malaman ang totoo. Wala na siya apo, wala na ang Kuya Francis mo,” mangiyak-ngiyak na sabi ng matanda.

“A-ano pong ibig niyong sabihin?”

“Natatandaan mo na may sinabi siya sa iyong malaking sorpresa sa graduation mo? Nagawa na niya iyon, apo. Naibigay na niya ang sorpresa niya sa iyo. Siya ang nag-donate ng puso para sa iyo. Hindi niya nanaisin na may masamang mangyari sa iyo at lalong hindi niya matatanggap na hindi mo matupad ang iyong pangarap na maging doktor, kaya siya ang gumawa ng paraan para madugtungan ang iyong buhay. Pinasasabi niya na wala siyang pinagsisisihan sa ginawa niyang desisyon dahil alam niyang mabubuhay ka. Gusto niyang malaman mo na mahal na mahal ka niya, apo at siguradong masayang-masaya siya sa espesyal na araw mo ngayon,” bunyag ng kanyang Lola.

Hindi na napigilan ni Ken ang pagdaloy ng kanyang luha sa ipinagtapat ng kanyang Lola Agnes. Hindi niya alam kung paano pa ipagdiriwang ang kanyang pagtatapos ngayong wala na ang kanyang pinakamamahal na kapatid na isinakripisyo ang sariling buhay para sa kanya.

Matagal bago niya natanggap na wala na ang kanyang Kuya Francis ngunit sa kabila ng lahat ay nagpapasalamat siya rito dahil sa espesyal na sorpresa nito sa kanya na kailanman ay hindi matatawaran ng anumang halaga. May mga kumukutya naman sa kanya dahil sa binabae ang kanyang kapatid ay hindi malayong maging binabae din siya dahil nasa kanya na ang puso nito ngunit balewala iyon sa kanya. Para kay Ken ay mas gugustuhin na niyang maging binabae basta maging mabuting tao siya gaya ng kanyang Kuya Francis. Ipinagpatuloy ni Ken ang buhay, ipinasa niya ang board exam at tuluyang naging ganap na doktor. Masayang-masaya siya habang nakaharap sa puntod ng kanyang kapatid hawak ang kanyang lisensiya.

“Kuya, natupad na ang pangarap ko. Hindi ko ito maaabot kundi dahil sa iyo. Para sa iyo ang aking tagumpay, Kuya. Mahal na mahal kita!”

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement