Ang Paninira ni Nanay sa Kaniyang Panganay
Parehas na nagtitinda ng fishball, yema at palamig ang mga magulang ni Cassandra. Bata pa lang din siya ay pinapatulong na siya ng kaniyang nanay upang kumita at may maipangbaon sa eskwela.
“Ito anak ang yema, dalawang piso ang isa. Bale 50 piraso ito kaya dapat 100 piso ang ibibigay mo sa akin mamaya,” saad ni Aling Beth sa kaniyang anak.
“Panganay ka kasi anak kaya gusto kong matutunan mo na ang kumita dahil darating ang araw ay magiging katulong ka na talaga namin sa pagpapaaral sa mga kapatid mo,” dagdag pa ng ale.
“Opo ma, naiintindihan ko naman. Hayaan niyo’t ipapaubos ko po itong mga yema,” sagot sa kaniya ng anak.
Simula elementarya hanggang sa makatapos ng kolehiyo si Cassandra ay naging kinukuha na niya mula sa mga itinitindang yema ang pangbaon.
“Anak, huwag ka munang mag-aasawa ha,” wika ni Aling Beth.
“Si mama naman, alam ko pong marami pa tayong gagawin at ngayon pa lang ako babawi sa hirap niyo sa akin. Kaya hindi niyo po kailangan mag-alala, hindi po ako mag-aasawa,” sagot ni Cassandra sa kaniyang ina.
“Pangako mo sa akin iyan anak ha. Magpapagawa muna tayo ng bahay at pagtatapusin muna natin ang kapatid mong si JR, alam mo naman na mahina na kami at hirap na rin sa pagtitinda,” pahayag naman muli ng ale.
Niyakap lamang ni Cassandra ito at ngumiti. Hindi pa man nakakapagmartsa noon ang dalaga para sa kaniyang pagtatapos sa kolehiyo ay nakapaghanap na kaagad siya ng trabaho. Kaya agad din siyang nakapagsimula sa malaking hotel bilang receptionist, panimulang hakbang niya ito para makapag-abroad sa hinaharap.
Ume-ekstra din siya sa mga tv shows, advertisement at ilang pelikula. Maganda kasi ang rehistro ng mukha niya at magaling pang magsalita kaya palaging nakukuha.
“Ayan na, ayan na yung anak ko! Siya yung dumaan sa likod ni Bea Alonzo, ayan siya,” maligayang saad ni Aling Beth sa mga kapitbahay habang pinapanood ang pelikula ni Bea at John Lloyd.
“Sus naman Mareng Beth, sideview lang nakita kay Cassandra e. Sayang ang ganda ng inaanak ko!” sigaw ni Aling Linda, ninang sa binyag ng dalaga.
“Hayaan mo, sa susunod ay makikita na ang buong mukha ni Cassandra diyan at magiging artista tapos yayaman na kami,” sagot ni Aling Beth dito.
“Ma, huwag naman po kayo masyadong maingay kapag nakikita niyo ako sa tv. Extra lang naman po ako dun kaya huwag na lang tayo masyadong mayabang,” wika ni Cassandra sa kaniyang ina nang makalabas ito sa banyo.
“Anak proud lang ako sayo na artista ka na. Kaya kung magno-nobyo ka ay dapat yung nasa showbiz. Mang-akit ka anak, magpaseksi at laging mag-ayos para naman may magkagusto sayo na mayaman at gwapo,” sabi pa sa kaniyang ng ina.
“Ma, alam niyo naman na dalawang taon na rin akong nagtatrabaho, hindi naman ako naging pasaway diba. Kaya naman hindi ko na rin napigilan pang tumikbok ang puso ko. Ma, may nobyo na po ako,” pahayag ng dalaga.
“Artista ba iyan anak? Direktor o Producer? Kahit alin diyan ayos lang sa akin,” tanong sa kaniya ni Aling Beth.
“Si James po ma, siya yung nobyo ko. Yung anak nung teacher ko po nung elementary dito. Matagal na po palang may gusto sa akin iyon, akalain ninyo. Pero huwag kayong mag-alala mama, hindi ako mabubuntis at hindi kami magsasama o magpapakasal hanggatng hindi tapos si JR at hindi tapos itong bahay,” wika sa kaniya ni Cassandra.
“Naku anak, sakit lang sa ulo ang aabutin mo sa lalaking iyon. Anak ng teacher? E puro utang nga ang mga guro dito sa atin tapos magno-nobyo ka pa ng anak nila, baka ikaw pa magbayad ng mga utang nila kapag nagkataon,” baling ni Aling Beth.
Hindi sumagot ang anak at ikinasanhi ito ng kanilang madalas na pagtatalo. Hindi na niya mapapasunod pa si Cassandra katulad ng dati dahil malaki na ito at may sarili nang desisyon sa buhay.
Pinuntahan niya si James at kinausap ito.
“James, gaano na kayo katagal ng anak ko? Mahal mo ba talaga si Cassandra?” tanong ng ale sa lalaki.
“Kayo po pala Aling Beth, alam ko pong ayaw niyo sa akin para sa anak niyo pero mahal po namin ang isat-isa. Saka alam ko naman po ang mga responsibilidad nya kaya hindi ko po iyon hahadlangan,” sagot sa kaniya ng binata.
“Hindi ako nandito para sirain kayo. Nagpunta ako para ipaalam sayo na ka-relasyon na niya yung handler niya bago pa man din maging kayo at nabuntis na rin siya dati pero nagpalaglag dahil mas mahal nya ang pangarap niya. Alam kong kasiraan ito ng anak ko pero kailangan mong malaman ang totoong pagkatao ni Cassandra,” pahayag ng ale saka ito tumalikod.
“Tingnan lang natin kung hindi pa kayo maghiwalay. Kung sayo lang din naman mapupunta ang anak ko ay mas gugustuhin ko pang maging matandang dalaga siya para buhayin kami,” isip-isip ng ale sabay higop sa kaniyang inumin at umuwi ito.
Nang makarating sa bahay ay nakita niyang nag-eempake si Cassandra at inaasahan na niya ito kaya may nakahanda na rin siyang sasabihin.
“Anak, alam kong galit ka sa akin pero ginawa ko lang yun para sa ikakabuti mo. Panganay ka kasi kaya ayaw kong mapariwara ang buhay mo,” wika ni Aling Beth.
“Panganay kasi ako. Ilang taon ko bang narinig sa inyo yan ma? Grabe kayo, sarili niyong anak siniraan niyo sa ibang tao, para ano?” baling ni Cassandra sa kaniyang nanay.
“Para isalba ka sa hirap ng buhay na naghihintay sayo pag doon ka sumama!” sagot ng ale at tumaas na ang boses niya.
“Alam mo ma, mahal na mahal kita. Ginagalang at nirerespeto kita bilang nanay ko. Pero hindi sa hirap ng buhay mo ako sinasalba kung hindi diyan sa takot mo na baka pabayaan kita. Kahit na nahihirapan ako at wala akong ipon ay wala kayong naririnig sa akin.
Simula nang magtrabaho ako sa inyo ko binibigay ang lahat ng sahod ko, pero kulang pa ba iyon para pati ang puso ko pakialamanan mo? Kapag ba direktor kaya ang nobyo ko ay- ganyan ka pa rin kasama sa akin? Pera na lang ba ang mahalaga sayo,?” galit na galit na saad ng kaniyang anak habang umiiyak at nagtakip ito ng mukha.
Natulala si Aling Beth sa kaniyang narinig dahil tinamaan siya, sagad hanggang buto.
“Aalis na ako, magsasama na kami ni James. Hindi ko po kaya na dito tumira lalo na kung araw-araw kong maaalala kung paano niyo sinira ang puri ko sa ibang tao, nanay pa naman kita. Siya nga pala, hindi naniwala sa inyo si James kasi magkaibigan sila ng handler ko saka kilala niya ako,” dagdag pa ng babae.
Hindi nakagalaw ang ale sa kaniyang kinatatayuan. Pakiramdam niya’y sinampal siya ng sarili niyang anak.
“Huwag kayong mag-alala, pag-aaralin ko pa rin si JR at magbibigay pa rin ako dito sa bahay,” pahayag ni Cassandra saka ito umalis.
Doon na bumuhos ang luha niya, “Mali ka Beth, maling-mali ka,” bulong niya sa sarili.
Nabulag siya sa katotohanan na tao din ang kanyang anak at hindi ito robot na mako-kontrol nya sa lahat ng kanyang gusto. Mali na ipinapasan niya ang lahat ng obligasyon sa anak at mas lalong mali na siniraan niya ito na akala niya’y magsasalba sa kanya ngunit ngayon naging sanhi pa ng pagkawala ni Cassandra.
Bumalik siya sa pagtatrabaho at tinulungan ang anak sa pagpapagawa ng kanilang bahay habang pinapaaral nito ang kapatid. Halos tatlong buwan ding hindi kinibo ni Cassandra ang kanyang ina at nagpapadala na lang ito parati ng pera.
“Alam kong masama akong ina, mali ako sa lahat ng ginawa ko lalo na sa inyo ni James. Pero sana anak, mapatawad mo pa ako. Hayaan mo akong makabawi sayo,” pahayag ng ale sa kaniyang anak nang minsang pumunta ito sa kanilang bahay.
“I love you mama,” maiksing sagot ni Cassandra.