Inday TrendingInday Trending
Ang Ninakaw na Kalayaan ni Ella

Ang Ninakaw na Kalayaan ni Ella

Halos anim na buwan ring nakatenga sa bahay ng kaniyang tiyahin ang dalagang si Ella dahil hindi pa rin siya natatangap sa trabaho. Kahit na may mga trabaho nang tumangap sa kaniya sa pribadong ahensya ay hindi niya ito tinatangap, pangrap kasi ng dalaga na sa ahensya ng gobyerno unang magtrabaho.

Mas big time at mas taas ang tingin niya sa mga empleyado ng gobyerno kaya naman kahit na nagiging pabigat na siya sa kaniyang tiyahin ay pinapalampas na lang niya ang mga sinasabi nito.

“Tita, nag grocery nga pala ako. Nilagay ko na lang po sa kusina,” saad ni Ella.

“San ka naman kumuha ng pinang grocery mo?” tanong ni Aling Anna, ang tiyahin ng dalaga.

“Nagswipe muna ako sa credit card ko kasi kailangan natin magcelebrate, may trabaho na ako tita!” pahayag ng dalaga sabay taas ng kaniyang dalawang kamay.

“Wow! Praise the Father, sa wakas naman magkakasilbi ka na sa bahay at makakatulong ka na sa mga gastusin, makakapagbigay ka na rin sa mama mo sa probinsya. Teka teka, magkano ang sahod mo?” tanong ng ale habang masayang-masaya ito.

“Naku, 18,000 agad. yahooo!” sagot ni Ella sa tiyahin. Nag-usap sila ng kauti at nakita niyang sumaya ang tiyahin. Naiintindihan naman niya ang mahal ng gastusin ngayon at kahit na wala pang pera ay agad na siyang bumili ng kung ano-ano.

Inilabas niya sa kaniyang bag ang tinagong bagong sapatos, pantalon. damit at ilang mga make-up. “Mababayaran ko rin naman lahat ito kapag sumahod na ako, tapos itatawag ko na lang para ipa-installement. Okay lang yan Ella, deserve mo ito,” isip-isip ng dalaga habang sinusukat ang bago niyang bistida.

Kinaumagahan ay pumasok siya ng maaga sa trabaho, kasama ng mga bago ring empleyado ay nilibre niya ang mga ito ng tanghalian.

“Ayan, dahil unang araw natin ngayon kaya libre ko na ito. Sana magtagal at maging regular na tayo kaagad!” pahayag ni Ella sa mga kasama.

“Naku iba talaga kapag mayaman, unang araw pa lang e nag-aambon na ng biyaya hindi katulad ko na ngayon pa lang ay iniisip na kung kelan ang sahod,” wika ni Jeya, katrabaho ng dalaga.

“Alam mo sasahod din naman tayo kaya mababawi ko rin naman lahat ng ito. Saka ngayon lang ‘to no! Kaya kain na tayo,” sagot ni Ella at binuksan na nila ang isang bucket ng manok saka sabay-sabay na pinagsaluhan.

Habang ngumunguya ang dalaga ay napagtanto niyang matagal pa ang kaniyang sahod pero mukhang wala nang matitira sa kaniya dahil sa dami nang kanyang babayaran.

Hanggang sa dumaang pa ang ilang araw at tumagal ito ng buwan ngunit hindi pa rin nakakatanggap ng sahod ang babae.

“Oh sa mga bago, ganito talaga tayong mga nagtratrabaho para sa gobyerno, madalas na nadedelay ang sahod kaya tiis muna talaga. Hayaan niyo at matitikman niyo rin ang ligayan,” pahayag ng isang empleyado na hindi pa niya lubos na kilala.

Sa unang pagkakataon ay napabuntong hininga ang dalaga, hindi na kasi niya magagamit ang kaniyang credit card dahil nasagad na niya ang limit nito. Puro na rin siya utang sa mga kapitbahay at kaibigan na hindi alam ng kaniyang tiyahin.

“Nga pala, may outing sa susunod na linggo. Sa bulacan lang naman tayo, pagkain at entrance lang ang iaambag niyo dahil libre na ang sasakyan,” wika ni Dina, ang visor ni Ella.

“Bonding na rin natin ito para mas lalo pa nating makilala ang isa’t-isa lalo na yung mga bago,” dagdag pa ng babae.

Kahit na wala na talagang pera ay nagawa niyang umutang sa dating kaklase na si Empoy.

“Uy, pahiramin mo naman ako ng 20,000 diyan. Ibabalik ko rin sa sahod, promise ko yan,” wika ng dalaga.

“Naku yung 5,000 mong utang nung college tayo ay nilibing mo na nga lang sa limot. Tapos umaasa ka nga na papautangin pa kita?” baling sa kaniyang ng lalaki habang abala ito sa kaniyang computer.

“Sa government ako nagtratrabaho kaya hindi na kita pwede takbuhan ngayon kasi pwede mo ako ireklamo agad. Kaya sige na, pautangin mo na ako. Sobrang kailangan ko lang,” saad niya sa lalaki.

“Sige na nga, pero papatungan ko ha, negosyo ko na rin kasi ito,” sagot sa kaniya ni Empoy sabay bigay ng pera.

Agad na nagpunta sa mall si Ella para bumili ng kaniyang magiging OOTD sa darating na outing, ayaw kasi niyang nagpapahuli lalo na pagdating sa pananamit.

Natapos naman ang araw at naging masaya ang kinalabasan ng kanilang outing. Marami siyang naging bagong kaibigan at napuri pa nga ang mga gamit niya doon. Nakasahod na rin si Ella kaya nga lang ang daming naging kaltas at sobrang dami din niyang binayaran na ibang utang. Yung utang na dati-dati pa na biglang naniningil ngayon sa kanya.

“Empoy, sa susunod na buwan na ako magbabayad ha. Tubuan mo na lang,” chat ni Ella sa kaibigan.

“Ok,” sagot nito.

Hanggang sa lumipas ang ilang mga buwan at hindi pa rin nakakapagbayad si Ella sa mga utang, mas lalo pa itong dumarami dahil panay ang labas niya at kain sa mga mamahaling restawran. Panay din ang post niya sa facebook.

Isang araw, naisipan niyang magcheck-in sa isang hotel, may discount kasi kapag ginamit niya ang kaniyang credit card kaya pinatos na rin ito ng dalaga. Reward na din daw niya ito sa sarili.

Agad siyang nagpost nang kaniyang litrato habang nasa swimming pool at sinabi pa niya sa caption na “A reward for myself,” umani agad ito ng isang daang likes. Kaya nga lang maya-maya ay nabasa niya ang mga comment doon.

“Mabuti ka pa may ganyan, samantalang yung utang mo sa akin ay limang buwan nang tumutubo at walang bayad,” comment ng isang lalaki.

Hanggang sa sumunod na ang ibang mga tao na kaniyang pinagkakautangan. Kaya agad niyang binura ang post at nag-status nang “MAGBABAYAD PO AKO.”

Akala ng dalaga ay doon na matatapos ang kaniyang kahihiyan, kaya nga lang pagdating niya sa bahay ng kaniyang tiyahin ay nandun ang ibang kaibigan na kaniyang pinagkaka-utangan.

“Ang dami mong utang!” sigaw ni Aling Anna.

“Wala naman nakukulong sa utang, babayaran ko rin iyang mga iyan tita. Easy ka lang,” sagot ni Ella dito.

“Walang nakukulong pero ipapabarangay ka namin ngayon Ella para matapos na ito at mabayaran mo na kami. Puro ka pangako,” sigaw ni Empoy.

Napayuko na lang ang dalaga at kusang sumama sa sa barangay. Doon ay gumawa sila ng kasulatan at nangako ang dalaga na babayaran niya buwan buwan ang mga ito, may nakatakda na ring halaga kung magkano para kapag hindi siya tumupad ay maari nang gamitin sa kaniya ang pinirmahan kasunduan.

Ngayon ay nagbabayad na si Ella at wala halos natitira sa kanyang sweldo. Halos pagtawanan din siya ng ibang ka opisina na inakala niyang kaibigan na niya noon.

Ang pinakamasakit pa sa lahat ay sa tuwing kakain siya ng masarap para sa sarili ay kailangan na muna niyang siguraduhin na walang nakakakilala sa kaniya dahil baka makarating ito sa mga pinagkakautangan niya at makarinig na naman ng masasakit na salita.

Advertisement