Ang Malagim na Kaarawan ni Danica
Saktong alas otso na ng gabi at naghihintay si Diana at David sa pag-uwi ng kanilang anak. Sosorpresahin kasi nila ito para sa ika-18 anyos na kaarawan ng dalaga.
“Happy birthday anak!” sigaw ni Mang David sabay hagis ng ginupit-gupit niyang magazine.
“Wow papa! May handa ako,” saad naman ni Danica.
“Ito na ang cake mo, hipan mo na bago tumulo,” sabi naman ni Aling Diana.
“Sige na anak, hipan mo na. Inihanda namin ng nanay mo ito, sana sumaya ka kahit papano,” wikang muli ng lalaki.
“Salamat po ma, salamat papa,” maiksing sagot ng kanilang anak at saka hinipan ang kandila sa kaniyang cake.
Naupo ang mag-anak at masayang nagkwentuhan ang mag-ama.
“Kapag tapos na kayo ay ilagay niyo na lang sa lababo ang mga hugasin, papasok na muna ako sa kwarto,” wika ni Aling Diana saka mabilis na tumayo at pumasok sa kwarto.
“Hayaan mo na anak, nandito naman si papa. Tayo na lang ang magkwentuhan, pagod lang ang mama mo,” pahayag naman ni Mang David at niyakap niya si Danica.
“Papa, patawarin mo ako,” sabi ng bata.
“Anak tama na, hindi mo kailangan magsorry ngayon. Araw mo ito kaya naman kailangan masaya tayo,” sagot ng kaniyang ama at tinapik tapik niya ang likod ng dalaga.
Nang matapos sila kumain at nakapasok na rin si Danica sa kaniyang kwarto ay saka naman nagpahinga si Mang David. Naabutan niyang nakatulala ang misis sa sahig habang umiiyak.
“Taon-taon ka na lang bang ganun kay Danica?” galit na wika ng lalaki.
“Nakakaya mong ipagdiwang ang kaarawan ng anak mo kahit na ganun ang nangyari sa pamilya natin? Wala kang puso David,” baling naman ni Diana sa kaniya.
“Walang puso? Ako ba ang walang puso dito o ikaw? Nasama na rin ba sa anod ng dagat yung puso mo at kinalimutan mo na kung paano magmahal?” sigaw pa nito.
“Ina ako David, nanay ako! Kaya hindi mo naiintindihan ang sakit na nararamdaman ko, ” pabulyaw na sagot naman ni Diana.
“At tatay din ako Diana, magulang din ako at nawalan din ako pero hindi ko nakalimutan na may isa pa tayong anak. Andyan pa si Danica, buhay at kasama natin!” saad pang muli ng lalaki.
“Pero kasalanan niya ang lahat! Siya ang may kasalanan kaya hindi ko siya mapapatawad,” umiiyak na wika ng babae.
“Aksidente ang lahat Diana at walang kasalanan si Danica. Kung hanggang ngayon ay isisisi mo pa rin sa anak natin ang nangyaring aksidente ay mas mabuti pang mawala na lang din kami. Kasi simula nang araw na iyon hanggang ngayon ay hindi ka na namin naramdaman pa, wala ka na Diana. Buhay pa kami, kami yung nandito pero ikaw yung nalunod,” baling ni Mang David at lumabas ito ng kwarto.
Halos limang taon na ang nakakalipas, ipinagdiriwang nila noon ang kaarawan ni Danica at naisipan nilang mag-outing na pamilya. Masayang-masaya noon ang ale dahil wala na siyang mahihiling pa sa buhay, pagkatapos kasi na mag-intay ng pitong taon ay nasundan din nila si Danica at yun ay si David Jr. na noon ay anim na taong gulang.
Naliligo noon ang magkapatid sa dagat, nakasakay sa salbabida ang kaniyang kapatid na si David Jr at itinutulak naman ito palayo ni Danica para asarin.
Kaya nga lang ay napasobra ng tulak ang dalaga dahil hindi na niya abot ang sahig at siya ang nalunod.
“Bunso, bunso tulungan mo ako!” wika ni Danica habang pilit inaangat ang sarili sa tubig.
“Ate, ate hindi kita abot ate. Ito ang salbabida! Saluhin mo,” saad ng batang lalaki at inihagis ang salbabida sa kapatid. Walang magawa si Danica kundi abutin ang salbabida kahit nakikita niyang nalulunod na rin si David Jr. at hindi na niya alam ang mga sumunod na nangyari dahil naramdaman na niyang pumapasok ang tubig sa kaniyang bibig at hindi na siya makahinga pa.
Pagdilat ng kaniyang mata ay nasilayan niyang yakap-yakap ng kaniyang ina ang bunsong kapatid. Nawalan ito ng buhay at hindi nakaligtas dahil sa kaniyang kagagawan.
Simula noon ay naging masalimoot na ang kanilang pamilya. Hindi na kinausap pa ni Aling Diana ang kaniyang anak na si Danica, palaging galit ang ale sa kaniya at sinisisi pa rin ito sa pagkawala ni David Jr.
Habang malakas ang iyak ng ale ay nagulat siya nang makita si Danica na nakaupo sa sahig at nakatitig sa kanya.
“Bakit ka nandito? Lumabas ka!” sigaw ni Aling Diana sa anak.
“Ma, kapag ba nawala ako magiging masaya ka na ulit? Paano mo ba ako mapapatawad? Paano ba babalik yung mama ko na inalagaan ako dati?” umiiyak na tanong ni Danica sa ale.
“Miss na miss na kita mama at kung ang pagkawala ko ang magiging solusyon para gumaling, maghilom at makapagpatawad ay gagawin ko. Aalis na lang ako mama,” dagdag pa ni Danica.
“Sana po sa pag-alis ko bukas ay bumalik na yung dati. huwag po kayong mag-alala dahil araw-araw at habang buhay kong dadalhin ang kasalanan ko sa pagkawala ni David Jr.,” saad ni Danica saka siya tumayo.
Umiyak lang ng umiyak si Aling Diana at nakatulog na siya sa sahig.
Kinaumagahan ay maaga siyang nagising upang magluto ng agahan, kaya lamang wala na siyang nadatnan sa bahay. Wala na ang kaniyang mister, pumasok na ito sa trabaho.
Pinuntahan niya ang kwarto ng anak at doon niya naalala na unang araw pala ngayon sa kolehiyo ni Danica, nakita din niyang wala na ang ibang mga damit nito. Saka lamang din niya naisip na ikinuha pala ng dorm ni David si Danica upang mailayo sa kaniya at buong puso siyang pumayag noon.
Inikot ni Aling Diana ang bahay, napaluha na lang siya dahil napabayaan na niya ito. Magulo ang kusina, mga tambak na gamit at maging ang kaniyang sarili. Umiyak siya saglit at nagbihis saka umalis.
“Anak, patawarin mo ako kung pinabayaan ko si papa mo at si ate. Hayaan mo ngayon babalik na ako ulit sa dati, mahal na mahal kita anak,” wika ng ale sa puntod ni David Jr.
Umupo siya sa tabi sabay umihip ang malamig na hangin, para sa kaniya ay si David Jr. iyon.
Inayos niya ang sarili, nagligpit siya sa bahay at nagtapon ng ilang mga gamit. Tama ang kaniyang asawa, isa lang ang nawala sa kanila ngunit kinalimutan niya ang lahat.
Ngayon ay handa na ulit si Aling Diana na maging nanay at asawa sa kaniyang pamilya. Idinalangin na niya ang lahat ng galit sa puso at inisip ang kapakapan ng pamilya. Hindi pa tapos ang laban niya at maaari pa niya itong kulayan.