Inday TrendingInday Trending
Isang Libong Eroplanong Papel

Isang Libong Eroplanong Papel

Hindi naging sagabal ang pagiging mahirap ni Patrick para patunayan sa kanyang kasintahan na si Chanel, isang magandang binibini na anak ng isang mayamang negosyante, ang kanyang pagmamahal. Dalawang taon na din ang itinagal ng kanilang relasyon.

Dahil sa kagustuhan ni patrick na maging espesyal ang kanilang anibersaryo, naisipan niyang gumupit at gumawa ng isang libong pirasong eroplanong papel. Ang mga eroplanong papel na ito ay naglalaman ng magagandang memorya ng kanilang relasyon, kalakip ang mga nakakakilig na mensahe na nagpapahayag ng labis na pagmamahal niya para sa dalaga.

Sa isang puting papel ay iginuhit niya ang litrato ng dalaga. Likas na malambing talaga ang binata, isa ito sa katangian na inibig ni Chanel sa kanya.

Dumating ang araw ng anibersaryo, labis na tuwa ang nadama ni Chanel sa simple ngunit pinagpagurang surpresa ng kanyang nobyo. Kahit na kapos sa pera ay nagawa pa rin ng lalaki na mapasaya ng sobra ang iniibig na dalaga.

Sa kabila ng matamis nilang pagsasamahan ay nakakubli ang katotohanang tutol sa kanila ang mga magulang ng dalaga. Iniisip nila na mahirap lamang si Patrick at baka hindi nito mapunan ang mga pangangailangan ng kanilang anak. Inaalala lang ng mga magulang ni Chanel kanyang magiging kinabukasan kung sakaling mapapangasawa niya si Patrick.

“Chanel, anak. Ihanda mo ang ang passport mo at lalabas na tayo ng bansa sa isang linggo,” seryosong saad ng ina ng dalaga.

“Po? Pero mama, para saan? Anong okasyon at lalabas tayo? Paano po yung trabaho ko dito?” naguguluhang tanong naman ng dalaga.

“Gusto kasi ng papa mo na makapag-aral ka sa ibang bansa. Doon ka kukuha ng master’s degree mo at maaaring makatagpo ka pa ng lalaking tatapat sa lebel ng pamumuhay natin,” tugon naman ng ginang.

“Pero mama, paano naman si Patrick? Sandali lamang po, bakit ngayon ninyo lamang ito sinabi? Bakit hindi ninyo man lang ako kinausap agad?” naluluhang tanong ni Chanel.

“Si Patrick na naman? Ano bang magiging kinabukasan mo sa binatang iyon ha? Makinig ka na lang sa’min. Ayos na ang lahat, para sa iyo din ito anak,” sagot ng matapobreng ina ng dalaga.

Hindi na nagdalawang isip pa ang mga magulang ni Chanel na ilayo siya kay Patrick. Para sa kanila, ang mayayaman ay para sa mayayaman lang din. Kaya’t nang makakuha ng tiyempo upang ilabas ang dalaga ng bansa ay kanilang kinuha agad ang oportunidad.

Lumipas ang mga araw, nilubos na ni Chanel ang mga araw na makakasama pa niya ang kasintahan. Hanggang ngayon ay wala pa ring ideya ang lalaki sa plano ng mga magulang ng dalaga.

Isang araw bago lisanan ang Pilipinas, doon lamang nagkalakas ng loob si Chanel na magpaalam sa pinakamamahal niyang nobyo.

“Chanel, bakit kailangan umabot sa ganto? Bakit biglaan? Bakit hindi mo man lamang ipinaalam agad sa akin?” naluluhang wika ni Patrick.

Tumalikod lamang si Chanel at saka sinabing:

“Patrick, kalimutan mo na ako, mag mahal ka na lamang ng iba. Mag hanap ka ng babaeng mas hihigit sa akin. Pakiusap. Kalimutan mo na ang lahat sa atin,” matigas na tugon ng dalaga.

Ang hindi alam ng binata ay pumapatak ang mga luha ng dalaga habang binabanggit ang mga mapapait na salitang kanyang binitawan. Alam ni Chanel na kahit pagbali-baliktarin ang mundo, hindi papayag ang kanyang magulang na makatuluyan niya ang binata.

Nais lamang niya ang kaligayahan ng kasintahan, kaya’t minabuti na niyang pakawalan na lamang ang binata. Baka sakaling makahanap pa ito ng higit na babae kaysa sa kanya.

Mabigat man sa loob ng dalawa, pinili na lamang nila palayain ang isa’t isa. Tuluyan na ngang nilisan ni Chanel ang bansa upang mag-aral sa Amerika at doon manirahan pansamantala.

Dahil naman sa labis na sakit at pangungulila ay nagpursige sa buhay si Patrick. Pinilit niyang igapang ang pag-aaral upang makakuha ng mas maganda trabaho.

Ilang taon din ang lumipas, sa tulong ng ilang malalapit na kaibigan at kakilala ay nakabuo ng sariling kompanya si Patrick. Ang dating talunan na binata ay may ari na ng isang kompanya.

Lahat ng oras ay ibinuhos niya para sa trabaho. Nais niyang yumaman ng sa ganoon ay mayroon siyang maipagmalaki balang araw. Hindi naman siya nabigo dahil nagkaroon siya ng sariling bahay, magarang sasakyan at maunlad na mga negosyo.

Lahat ng sakripisyo niya at pagpapagod ay inaalay niya para kay Chanel. Umaasa siyang isang araw ay muli silang magkikita. Maaring sa pagkakataong ito ay makuha na niya ang kamay ng dalaga mula sa mga magulang nito.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, habang nagmamaneho ay napukaw ang kanyang atensyon sa dalawang matanda na nag hahati sa isang payong sa kalagitnaan ng ulan.

Habang papalapit ay unti-unti niyang namumukhaan ang dalawang matanda. Hindi siya maaaring magkamali, mga magulang ito ni Chanel.

Biglang napuno ng galit ang puso ng binata. Sa pagkakataong ito, gusto niyang ipamukha sa dalawang matanda na ang lalakeng kinutya nila dahil sa kahirapan noon, isa nang mayamang businessman ngayon.

Bumaba siya ng sasakyan at agad na binuksan ang payong. Nagmadali siyang sundan ang dalawang matanda kung saan ito magtutungo. Lalong napuno ng kasabikan ang puso niya sa pag-aakalang kasama ng mga ito si Chanel, ang babaeng nilalaman ng kanyang puso magpahanggang ngayon.

Bago pa siya maka buwelo ay napanasin niyang papasok ang dalawang matanda sa lugar na hindi niya inaasahan.

“Sino naman ang pupuntahan nila dito?” tanong ni Patrick sa kanyang sarili.

Habang sinusundan ang mag asawa ay tila ba pabigat ng pabigat ang kanyang mga paa na parang nagsasabing huwag na siyang tumuloy.

Nang akmang aalis na siya ay huli na pala ang lahat. Labis na pagkagulat ang naramdaman ni Patrick nang makita niya ang isang malaking tolda na may larawan ni Chanel, ang babaeng pinakamamahal niya ay nakalibing pala doon. Sa tabi ng puntod ay nakalagay ang isang libong eroplanong papel at ang litratong iginuhit niya noong anibersaryo nila.

“Cha-Chanel? Papaano? Anong nangyari?” lumuluhang tanong ni Patrick.

Bigla namang napatingin ang dalawang matanda sa kanya. Laking gulat din ng mag-asawa na makita sa kanilang harapan ang lalaking minamahal noon ng kanilang anak.

“Patrick, ikaw na ba iyan, hijo?” gulat na tanong ng ginang.

“A-ako na po ito. Anong nangyari? Bakit umabot po sa ganito ang nangyari kay Chanel?” naguguluhang tanong ng binata.

Nang makalapit siya sa puntod ay nagsalita ang ama ni Chanel:

“Matagal naming inintay ang pag dating mo… Matagal ka na ring inintay ni Chanel. Patawarin mo kami kung tumutol kami sa pag mamahalan niyo. Ang totoo niyan ay bago umalis si Chanel nalaman namin may matindi pala siyang karamdaman.

“Desisyon niya ang iwan ka. Nagpanggap siya na kaya niya ang mawalay sayo at malalampasan ang kirot sa pusong dulot ng pag hihiwalay ninyo. Sobrang nangangamba si Chanel na baka malaman mo at mag-alala ka, kaya hindi niya ito pinaalam sayo.

“Mahal na mahal ka ni Chanel, pero mas pinili na lamang niya ang lumayo kaysa unti-unti mo siyang makitang nanghihina. Ang mga liham na ginawa mo sa loob ng mga eroplanong papel ay paulit-ulit niyang binabasa hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, Patrick,” kwento ng matandang lalaki.

Hindi malaman ni Patrick ang kanyang gagawin, durog na durog ang puso niya, ni kahit isang salita ay hindi ata niyang kayang usalin. Ang tanging nagawa na lamang ni patrick ay lumuhod at umiyak sa puntod ng kanyang minamahal.

Ilang minuto rin ang tinagal ng pag hihinagpis ng binata. Nang medyo kumalma na ay lumapit ang ginang at ibinigay ang litratong iginuhit ng binata para kay Chanel noon. Habang pinag mamasdan niya ang litrato ay may nakita siyang sulat. Sa pag kakatanda ng niya ay wala siyang sinulat doon nang iginuhit niya ito.

Sulat kamay ito ni Chanel. May mga luha sa matang binasa na binata ang sulat na ginawa ng dalaga para sa kanya.

“Patawarin mo ako kung nagawang kong magsinungaling sa’yo noon. Patawad kung hindi ko nagawang magpaalam ng maayos. Ayoko lamang makita mo akong nahihirapan. Mahirap na sa akin ang mawalay sa’yo, pero mas mahihirapan ako kapag makikita kitang nasasaktan dahil sa aking karamdaman.

Isa lang ang tanging hiling ko sa akong paglisan, sana’y ipagpatuloy mo ang buhay. Piliin mong maging masaya kahit na ako’y wala na. Mula sa taas, akin kang babantayan.

Pakatandaan mo na hanggang sa huli, ikaw pa rin ang laman ng aking isipan at damdamin. Hindi man ako nabigyan ng Himala ni Bathala, pero binigyan niya ako ng anghel sa lupa, at ikaw iyon. Maghihintay ako sa muli nating pagkikita.

Hanggang sa muli aking mahal, Nagmamahal,

Chanel.”

Halos madurog ng tuluyan ang puso ng lalaki habang binabasa ang sulat. Lumapit naman ang dalawang matanda at binigyan siya ng isang mahigpit na yakap.

Magalit man siya, ngunit huli na. Hindi na maibabalik ang buhay ng kanyang pinakamamahal. Halos nawalan na rin siya ng ganang mabuhay pa, pero sa tulong ng mga mahal sa buhay ay unti-unti rin namang nakabangon si Patrick.

Upang maging kapakipakinabang ang pamamalagi sa mundong ibabaw, ginamit ng binata ang kanyang yaman upang magtayo ng kawanggawa na tumutulong sa mga tao may sakit na katulad ng sa kay Chanel. Sa pamamagitan nito, naibabahagi niya ang labis na pagmamahal para sa dalaga.

“Intayin mo lamang ako, aking mahal. Muli tayong magtatagpo sa kabilang buhay, balang-araw. Pangako kong ikaw na ang una’t huling babaeng aking mamahalin magpakailanman,” bulong ni Patrick habang nakangiti at nakatingin sa malawak na kalangitan.

Advertisement