Inday TrendingInday Trending
Ang Kabutihang Itinanim, Balang Araw ay Iyong Aanihin

Ang Kabutihang Itinanim, Balang Araw ay Iyong Aanihin

Nakaupo sa kanyang lamesa si Teacher Terry habang nagsusulat ng lesson plan para sa ituturo kinabukasan. Habang binabasa ang aralin na ituturo ay hindi niya naiwasan na mapaluha at mapangiti, dahil ang istoryang naroroon ay kaparehong-kapareho halos ng kwento ng kanyang buhay.

Nagbalik sa kanyang alaala ang mga pangyayari noong kabataan niya. Fourth year high school siya noon nang nagsimula siyang mangarap ng mataas para sa kanyang sarili.

Dati siyang katuwang ng kanyang ina sa paglalako ng punda ng kama at unan. Kapag maagang nakakauwi ay gumagawa din sila ng kandila na kanilang ring ibenebenta sa labas ng simbahan.

Sa murang edad ay naranasan niya ang matinding kahirapan. Kailangan nilang maglakad mag-ina ng kilo-kilometrong layo sa paglalako ng mga punda. Sa ibang araw naman ay tumutulong siya sa pagkokopra at pagtatanim ng palay kasama ang kanyang ama. Ang lahat ng iyon ay tiniis ni Terry para sa isang pangarap, ang makapagtapos ng kanyang pag-aaral.

“Nay, tay, gusto ko po talagang makatungtong ng kolehiyo. Pangako, sisipagan ko pa po lalo ng husto ang pagtitinda para may panggastos po tayo sa eskwela,” madalas na sabihin ni Terry sa kanyang mga magulang.

Kahit na abala sa pagtulong at pagtratrabaho ay hindi napabayaan ni Terry ang kanyang pag-aaral. Kakaiba ang kanyang husay sa matematika, ingles at siyensiya. Kaya madalas ay siya ang ipinanglalaban ng paaralan sa tuwing mayroong mga quiz bee.

Hindi na alintana kay Terry ang pagod at paltos sa paa na kanyang inaabot sa tuwing maglalakad ng malayo, ang mahalaga para sa kanya ay maabot ang mataas niyang pangarap.

Nakapagtapos siya ng hayskul bilang valedictorian, subalit dahil hindi sapat ang pera na kinikita ng mga magulang, napilitan siyang mamasukan bilang katulong sa karatig bayan.

“Terry, eto si Nanay Isang. Siya ang aalagaan mo ha? Ikaw ang tutulong sa kanya sa pagligo at sa pagkain. Tapos pag wala kang ginagawa ay maaari mo rin kaming tulungan sa ibang gawaing bahay,” saad ng babae habang ipinapakilala ang matandang aalagaan ni Terry.

“Ikinagagalak ko pong makilala kayo,” nakangiting pagbati naman ng dalaga.

Napakabait ng matanda at palagi itong may mga malalaking ngiti sa kanyang mga labi. Di naman nahirapan ang dalaga sa pag-aalaga dahil mabilis silang nagkasundo ni Nanay Isang.

Madalas silang magkwentuhan noon sa tuwing walang ginagawa si Terry. Labis kasi niyang napabilip ang matanda sa taglay niyang talino.

“Ano ba ang pangarap mo sa buhay, Terry?” tanong sa kanya ni Nanay Isang.

“Pangarap ko po na maging isang guro. Gusto kong humaplos din ng buhay ng mga estudyante at ibahagi sa kanila ang aking mga nalalaman,” nakangiting sagot ng dalaga.

“Alam mo bang teacher din ako noon? At tulad mo, parehong-pareho din tayo ng naisin. Isang malaking karangalan sa akin ang humulma ng libo-libong estudyante at ibahagi sa kanila ang kalahati ng aking buhay,” saad naman ng matanda.

“Talaga po? Wow! Nakakatuwa naman pong malaman na isa kayong guro noon. Nakaka-proud po kayo Nanay Isang,” galak na galak na sambit naman ni Terry.

“Matalino ka, Terry. Masipag at matiyaga. Nakikita kong malayo ang mararating mo at maraming estudyante kang huhubugin upang maging kapaki-pakinabang sa bansa nating ito. Ipagpatuloy mo lamang iyan at huwag kang susuko. Huwag kang mag-alala, pangako ko sa’yo na matutupad mong lahat ang iyong pangarap,” nakangiting sabi ni Nanay Isang.

Sa paglipas ng mga araw at buwan ay mas lalong naging malapit si Terry sa matanda. Parang lola at apo ang naging turingan nila sa isa’t isa. Sa tuwing walang ginagawa si Terry ay madalas siyang tinuruan ng matanda ng matematika at ingles upang mahasa pa siya ng husto.

Isang araw habang nanonood ng telebisyon ay nakaramdam si Nanay Isang ng paninikip ng dibdib. Bigla na lamang itong namutla at saka nawalan ng malay.

Nang dalhin sa ospital ay nalaman nilang pumapalya na pala ang puso ng matanda. Malubha na ang kalagayan nito kasama pa ng komplikasyon sa sakit sa ibang parte ng katawan.

Habang nagpapahinga sa ospital ay bumangon at umupo si Nanay Isang upang kausapin si Terry.

“Terry, kapag ako ay nawala na, ipangako mo sa akin na babalik ka sa eskwelahan upang tapusin ang iyong pag-aaral. Ituloy mo ang iyong mga pangarap kahit gaano pa ito kataas o kalayo.

“Tandaan mo palaging hindi hadlang ang kahirapan upang sumuko ka. Matalino ka at gamitin mo iyan para makaahon mula sa kahirapan. Maaasahan ko ba iyan mula sa’yo?” tanong ng matanda.

“Huwag naman po kayong magsalita ng ganyan Nanay Isang. Para namang naghahabilin na kayo eh. Pero pangako ko po sa inyo, gagawin ko ang lahat parang matupad ko po ang aking mga pangarap,” nakangiting tugon naman ni Terry.

Isang linggo lamang ang lumipas, tuluyan ngang binawian ng buhay si Nanay Isang. Labis na kalungkutan ang nadama ni Terry noon, dahil para na rin siyang nawalan ng isa pang tunay na lola.

Umuwi ang dalaga sa kanila ng may mabigat na puso. Hindi niya maipaliwanag ang labis na sakit na nadarama sa kanyang puso. Ilang araw din siyang hindi makakain at makatulog ng maayos. Halos gabi-gabi ay lumuluha siya sa labis na kalungkutan.

Isang araw ay may isang lalaking kumatok naman mula sa kanilang pintuan. Pormal na pormal ang suot nito at tila ba may malaking pakay sa pagpunta.

“Magandang umaga po!” masiglang pagbati ng lalaki, “ako nga pala si Attorney Dizon. Naparito ako upang kausapin sana si Terry, kung maaari lang po?” magalang na tanong ng lalaki.

“A-ako po si Terry, ano po ang maipaglilingkod ko?” kinakabahang tanong naman ng dalaga.

Pinaupo nila ang lalaki at pinanood ito habang binubuklat ang hawak-hawak na itim na lalagyan.

“Gusto ko lang sanang sabihin sa’yo na pinamanahan ka ni Lola Isang ng malaking halaga na makatutulong sa’yo para sa pag-aaral mo.

“Sagot na niya ang lahat ng gastusin mo sa tuition fee simula first year hanggang sa makatapos ka ng pag-aaral. Bukod dito, lahat ng kailangan mo sa pag-aaral o gamit ay ibibigay ng buong-buo sa’yo.

“Ito ang nakasaad sa kanyang last will and testament. Ang tanging kondisyon lamang dito ay ang kasiguraduhan na matatapos mo ang iyong pag-aaral,” saad ng abogado.

Napatakip naman ng bibig si Terry at saka napaluha sa narinig. Hindi niya inaasahan na magbibigay ng ganoon kalaking suporta sa kanya ang matandang inalagaan para lamang matupad ang kanyang mga pangarap.

“At saka eto nga pala, pinabibigay ni Nanay Isang pag daw siya ay nawala na,” inabot ng abogado ang isang sobre.

Naglalaman ng maikling sulat ang sobre na nakapangalan para kay Terry. Lalo pang napaluha ang dalaga nang makitang sulat kamay ito ni Nanay Isang.

“Dear Terry,

Lubos kong ipinagpapasalamat ang kabutihang loob mong ipinakita sa akin. Bawat segundo ng pag-aalaga mo sa akin ay nakatanim sa aking puso at alaala.

Sa pagdating ng araw na lisanin ko na ang mundo, nais kong tanggapin mo ang munti kong tulong para sa’yo.

Napakalaki ng iyong pangarap at naniniwala akong makakamtan mong lahat ng ito. Kung tutuusin ay kulang pa nga ito upang tumbasan ang pagmamahal na inalay mo para sa akin.

Babaunin ko palagi sa aking puso ang mga alaala ng kabutihan na iyong ipinamalas. Sa iyong pagtatapos ay alam kong marami ka ring buhay na mahahaplos at mababago.

Magtiwala ka sa iyong sarili at lumaban ka hanggang sa huli. Kung hindi ko man masaksihan ang araw na aakyat ka sa entablado upang kunin ang iyong diploma, pakatandaan mo na papanoorin kita mula sa taas. Gusto kong malaman mo na proud na proud ako sa’yo, Terry.

Hanggang sa muli nating pagkikita,

Nagmamahal,

Nanay Isang”

Bumuhos ang mga luha ng dalaga habang binabasa ang sulat mula sa inalagaang matanda noon. Hindi niya aakalaing ang simpleng kabutihang loob niya ay babalik ng doble-doble pa.

Dahil sa tulong na ito ni Nanay Isang, nakapagtapos si Terry ng kolehiyo. Matapos noon ay kumuha agad siya ng board exam at sa kabutihang palad ay naipasa niya ito.

Habang binubuklat ang libro upang gumawa ng lesson plan ay hindi pala namalayan ni Teacher Terry na tumutulo na ang kanyang luha sa pahina ng libro na binabasa.

Naghahalong saya at lungkot ang kanyang nadama nang sariwaing muli ang kanyang naging buhay sa nakaraan. Malaking parte ng kanyang pagkatao ang malaking tulong sa kanya ni Nanay Isang noon. Kung sino siya ngayon at kung anu siya ngayon, dahil iyon sa kabutihang ipinamalas sa kanya ng matanda na minsang inaruga.

“Alam kong proud na proud ka sa narating ko Nanay Isang,” nakangiting bulong ni Terry habang inaalala ang masayahing mukha ni Nanay Isang.

Ngayon at labing dalawang taon nang nagtratrabaho si Terry bilang guro sa isang pampublikong paaralan. Patuloy niyang hinuhubog ang mga batang magiging pag-asa ng ating bayan sa susunod pang henerasyon.

Sa simpleng kabutihan na ginagawa natin sa buhay ay naghihintay para sa atin ang isang malaking gantimpala na hindi natin inaasahan. Kaya’t habang nabubuhay ay pilitin natin na magdala at magbahagi ng pagmamahal para sa ibang tao. Dahil ang maliit na binhi ng kabutihan ay tumutubo at lumalaki sa puso ng ating tinaniman nito.

Advertisement