Inday TrendingInday Trending
Tunay na Kayamanan, Wagas na Pag-ibig

Tunay na Kayamanan, Wagas na Pag-ibig

Ilang taon na rin nagsasama ang mag-asawang Miriam at Roger. Naging maganda naman ang mga unang taon ng kanilang pagsasama, subalit sa paglipas ng panahon ay tila ba nawawalang unti-unti ang pananabik nila sa isa’t isa.

Hatinggabi na nguni’t gising pa rin si Miriam. Pinagmamasdan niya ang kanyang asawang mahimbing na natutulog. Ilang buwan na ring dinaramdam ng babae ang bagay na hindi niya masabi-sabi sa asawa. Parang hindi na siya masaya at tila ba nagsasawa na sa ilang taong away-bati na relasyon nila.

Pagkagising kinabukasan ay di na mapigilan ni Miriam ang kanyang nararamdaman. Habang sila’y payapang nag uumagahan ay bigla na lamang lumabas sa bibig ng babae ang mga di inaasahang salita.

“Roger, gusto ko na makipaghiwalay,” seryosong wika ni Miriam

Biglang napuno ng katahimikan ang paligid. Napatingin lamang ang lalaki sa kanya tsaka humigop ng mainit na kape.

“Bakit, Miriam? Bakit gusto mong makipag hiwalay? Maaari ko bang malaman man lang ang rason kung bakit nais mong wakasan ang ating pagsasama?” malumanay na tanong ni Roger.

“Hindi ko alam. Hindi ko na alam. Pagod na pagod na ako sa kaiisip. Pagod na pagod na ang puso ko sa pag hahanap kung ano ang kulang.

“Parang bang hindi na tayo yung dati. Parang hindi na ikaw yung dating Roger na kilala ko. Yung pag lalambing mo, yung halik mo sa tuwing umaga tila ba unti-unti nang nagbabago. Parang nagtitiyaga nalang tayo na mairaos ang araw sa pag sasama nating dalawa,” madamdaming paliwanag ng babae.

Napatingin lamang ang lalaki at saka hinigop ang natitirang mainit na kape sa baso. Huminga lamang ng malalim ang lalaki saka umalis mula sa kinauupuan.

Makaraan ang ilang oras ay lumapit ang lalaki sa kanyang asawa at saka seryosong nagtanong:

“Ano bang pwede kong gawin para magbago ‘yang isip mo? Sabihin mo at gagawin ko,” seryosong sambit ni Roger habang hawak ang kamay ng asawa.

“Sagutin mo ng buong puso ang tanong ko. Pag nakumbinsi mo ako ay maaring magbago pa ang isip ko,” tugon naman ng babae habang seryosong nakatingin sa mga mata ng lalaki.

“Ano iyon? Sige itanong mo lamang at sasagutin ko ng buong puso,” mahinahong tugon naman ni Roger.

“Makinig kang mabuti sa akin. Kung sakaling may bagay akong gustong makuha at nasa pinakailaliman ito ng karagatan, kukunin mo ba ito para sa akin kahit na maaring kaging kapalit nito ay ang iyong buhay?” seryosong tanong ni Miriam.

Nag-isip ng matagal ang lalaki. Ilang minuto din itong hindi kumibo. Pero ilang sandali lamang ay tumayo ito at kinuha ang kamay ng kanyang asawa.

“Magpahinga muna tayo ngayon. Bukas ko ibibigay ang kasagutan sa iyong tanong. Ayos lamang ba?” tanong naman ni Roger sa asawa.

Tumango lamang ang babae at saka umalis mula sa kinauupuan. Kinabukasan pagkagising ni Miriam ay wala na ang kanyang asawa sa tabi. Napaisip si Miriam kung saan ito pumunta dahil madalas ay mas nauuna pa siyang bumangon dito.

“Baka siguro nauna na siyang mag-almusal,” bulong ng babae sa kanyang sarili.

Pag dating niya sa lamesa ay laking gulat niya na nakahanda na ang mga pagkain. Ilang buwan din itong hindi nagawa ng kanyang asawa. Napangiti siya sa ginawang ito ni Roger.

Maya-maya ay pumasok si Roger, dala-dala ang mga bagong pitas na rosas. Inilapag niya ito sa tabi ng asawa at saka ngumiti.

“Para sa’yo aking reyna. Tara at mag umagahan na tayo,” nakangiting sabi ng lalaki.

Namula ng bahagya ang pisngi ng babae. Naalala niya noong mga panahong nanliligaw pa lamang ang kanyang mister, lagi itong may dalang bagong pitas na mga pulang rosas. Isang dahilan kung bakit labis niya itong minahal noon.

Nang matapos kumain ay agad naman nang ibinigay ni Roger ang kanyang sagot.

“Tungkol tanong mo kahapon, ang sagot ko ay hindi. Hindi ko lalanguyin ang pinakailaliman ng dagat para sa bagay na gustong-gusto mo, kahit na maging kapalit pa nito ay ang buhay ko,” saad ng lalaki.

“A-ano? Bakit? Hindi ba pag mahal mo ang tao ay gagawin mo ang lahat ng makapagpapaligaya sa kanya?” naguguluhang tanong ng babae.

“Mahal, makinig kang mabuti sa mga sasabihin ko. Hindi ko ibunuwis ang buhay ko sa pagkuha ng kayamanan sa karagatan dahil gusto ko kasama mo ako sa pag lusong at sabay natin makuha ang kayamanang hinahanap mo.

“Pero mas lalong hindi ko ibubuwis ang aking buhay ng ganoon na lamang dahil gusto kong ako ang pupuntahan mo sa oras na napagod ka sa araw-araw na gawaing bahay. Gusto ko na pag tumanda tayo, ako ang mag gugupit sayo ng kuko at magtatanggal o magkukulay ng mga puting buhok mo.

“At dahil nga madalas mong malimutan ang susi ng bahay, gusto kong ako ang tatakbo para kuhain at ibigay ‘yon sayo. Gusto ko rin na ikaw ang magbubukas ng pinto at sasalubong sa akin pagkatapos ng mahabang araw sa trabaho.

“Kung ako’y mawawala sa paglusong sa karagatan para sa kayamanang iyon, paano ka na lamang? Nais kong tumanda na ikaw ang kasama. Kaya’t pinapahalagahan ko ang buhay kong ito, dahil ikaw ang buhay ko, Miriam.

“Walang pagmamahal ang pwedeng pumantay sa pag mamahal ko sayo. Kaya hangga’t ako’y malakas pa at malinaw pa ang aking mata ay gagawin ko ang lahat wag lamang maglaho ang pag mamahal mo sa akin. Hindi man ako perpektong asawa pero ang pag mamahal ko ay buo at para lamang sa iyo. Hindi nagbago at hindi mag babago.”

Unti-unting nanlabo ang mata ng babae dahil sa mga namumuong luha. Hindi niya inaasahang ganoon kalalim ang pagmamahal para sa kanya ng kanyang mister.

“Patawarin mo ako kung naging bulag ako sa pagiging mapaghanap. Patawarin mo ako dahil tinignan ko ang pagkukulang mo kaysa sa bagay na ginagawa mo. Wala nang mas hihigit pa sa pagmamahal na ibinigay mo sa akin. Patawarin mo ako, mahal ko,” wika ni Miriam habang humahagulgol.

Tumayo si Roger at saka yumakap ng mahigpit sa asawa kasunod ng isang matamis sa halik sa noo, dahilan para lalong maiyak ang babae.

“Patawarin mo ako kung may mga pagkukulang ako minsan, pero pangako, araw-araw kitang papasayahin at liligawan hanggang sa tumanda tayo. Sayo lamang ang puso ko magpakailanman, mahal ko,” matatamis na salitang namutawi sa labi ng lalaki.

Magmula noon ay buong pusong iningatan ni Miriam ang relasyon nilang mag-asawa. Sabay nilang sinuong ang mga problemang dumating at sabay din na pinagsaluhan ang masasayang pangyayari sa kanilang buhay.

Isang malaking biyaya din nang malaman nilang tatlong buwan na palang nagdadalantao si Miriam. Isang patunay na pinakinggan ng Diyos ang kanilang mga dalangin.

Pakatandaan lamang natin na ang tunay na kayamanan ay hindi hinahanap sa karagatan o sa kabundukan, ngunit ang tunay na kayamanan ay ang mga taong nagmamahal sa atin ng lubos at tumanggap sa atin ng buo kahit alam nilang hindi tayo perpekto.

Advertisement