Inday TrendingInday Trending
Sa Tapsilugan ni Tatay Cardo

Sa Tapsilugan ni Tatay Cardo

Habang nagtatrabaho si Mang Cardo sa kanilang tapsilogan ay nakarinig ito ng iyak ng isang bata at sigaw ng isang babae. Agad naman itong lumabas dahil sa pagtataka at nakita niya na lumalapit na ang mga tao sa eksena. Pagkalapit niya sa babae ay agad niya itong kinausap.

“Teka lang Nena, anong nangyayari rito? Bakit mo sinasaktan ang batang iyan?” pagtatakang tanong ni Cardo.

“Bakit hindi ko sasaktan ‘tong batang ‘to? Ninakawan ba ako ng mga gamot na tinda ko!” galit na sagot ng babae.

“Paano ka ba nanakawan niyan? Nilooban ka ba?” sumunod na tanong ng lalake.

“Sabi niya ay titingnan daw muna niya ang gamot kung tama yung bibilin niya tapos biglang kumaripas ng takbo,” sagot naman nito.

“Magkano ba ‘yang mga gamot Nena? Halika’t pumunta tayo sa tindahan ko para mabayaran ko na yan,” nakangiting pagaaya ng ginoo sa dalawa. Agad naman na sumunod ang dalawa rito upang matapos na ang maliit na alitan ng bata at ni Nena. Pagkarating nila ng tindahan ay muling nagtanong ang babae kay Cardo.

“Mang Cardo, bakit niyo ho ba babayaran ang ninakaw ng batang ito?” sabi nito habang tinuturo ang bata.

“Baka kasi kailangan niya talaga ng gamot kaso wala siyang pambili. Kahit sino naman, basta may kailangan ng tulong, tutulungan natin,” masayang sagot naman ng ginoo.

“O sige na Mang Cardo, 380 na lang ang iabot mo sa akin. Tatanggalin ko na ang kita ko dahil mukhang mabuti naman talaga ang puso mo,” wika ni Nena. Pagkatapos makuha ang bayad ay binitawan na ng babae ang kamay ng bata.

“Ate, pasensya na po kasi nagnakaw at nakaistorbo pa ako sa inyo. Hindi na po mauulit,” maluha-luhang sabi ng bata kay Nena.

“Hayaan mo na yun, basta wag mo nang uulitin yun kasi kung wala si Mang Cardo ay dinala na sana kita sa DSWD,” sagot naman nito.

“Opo, ate. Pasensiya na po ulit,” wika ng bata. Pagkaalis ni Nena ay kinausap pa ni Cardo ang bata.

“Bata, anong pangalan mo? Ilang taon ka na? Bakit ka nagnakaw ng gamot?” tanong nito sa bata.

“Ako po si Angelo at nine years old na po ako. Kailangan po kasi ni mama ng gamot kasi nilalagnat po siya,” sagot naman nito.

“Kumain ka na ba? Halika’t samahan mo akong kumain ng luto kong tapsilog,” pag-aya ni Cardo. Agad namang umupo sa upuan ang bata kasama si Cardo at ang kanyang anak na babae. Habang kumakain sila ay hindi iniimik ng anak ni Cardo si Angelo dahil sa sobrang dami ng nakakain ng kanilang bisita.

“Hayaan mo na. Nangangailangan yung bata,” bulong ng ama sa anak.

“Oh pagkatapos mo niyan ay uwian mo rin ang iyong ina para makakain rin siya ng masarap kong luto ha,” pagmamalaki ni Cardo sa sarili.

“Opo naman. At pag magaling na si mama, kakain po kami dito. Ano po palang pangalan niyo?” nakangiting tanong ni Angelo.

“Ako nga pala si Cardo Rodrigo at ito naman ang anak ko, si Lucy. Sige na at mukhang gagabihin ka pa. Mag-iingat ka sa daan Angelo,” sagot nito sa bata. Umalis naman agad si Angelo para maibigay ang gamot sa ina.

Pagkatapos ng mahabang panahon ay nakapagtapos sa pag-aaral si Angelo sa tulong ng kanyang tiyahin at naging isang ganap na doctor. Habang siya ay nagtatrabaho ay may isinugod na matandang lalake dahil ito raw ay nabagok habang naghuhugas ng mga pinggan. Nakita niya agad ang babae at namukhaan niya na ito pala si Lucy at ang matandang lalake na naaksidente ay si Tatay Cardo. Hindi man ito nagpakilala sa dalaga pero kinakausap niya ito tungkol sa operasyon na kailangang gawin sa ama nito.

“Miss, kailangan na pong operahan ang papa niyo para tumigil ang pagdurugo nito,” pagpapaliwanag ng nurse na kasama ni Angelo.

“Magkano po ang aabutin ng operasyon ng ama ko?” naiiyak na tanong nito dahil namomroblema kung saan kukuha ng pambayad sa ospital.

“Mas magandang unahin na natin ang operasyon kaysa sa paghahanap ng pambayad dahil kritikal ang lagay ng inyo ama,” sagot ni Angelo. Pagkatapos nito ay agad itong umalis papuntang operation room para masimulan ang pag opera sa ulo ni Cardo. Naiwan naman ang nurse at si Lucy kaya tinanong na ng dalaga kung magkano ang aabutin ng operasyon.

“Nurse, may alam po ba kayo kung nasa magkano ang aabutin ng operasyon ng papa ko?” malungkot na tanong ni Lucy.

“Ma’am, siguro po nasa kalahating milyon po yan. Hindi pa po kasama yung doctor’s fee,” sagot naman nito. Naiwang tulala si Lucy. Naupo ito sa labas ng operation room para abangan ang resulta ng panggagamot sa kanyang ama.

Pagkalipas ng halos pitong oras ay lumabas na si Angelo mula sa kwarto kaya agad siyang sinalubong ni Lucy.

“Doc, kamusta po ang ama ko?” nagaalalang tanong nito.

“Okay na ang papa mo. Intayin nalang natin siyang magising at hayaan mo na muna siyang magpahinga ng isang linggo,” sagot naman ni Angelo. Nagpasalamat naman ang dalaga dahil sa ginawa ng binata.

“Nurse, sumunod ka sa room ko para maasikaso yung bill nila,” pagkasabi ni Angelo nito ay agad na itong umalis. Pagkalipat naman kay Cardo sa isang kwarto ay sumunod na si Lucy dito. Makalipas ang kalahating oras ay pumasok na ang nurse na kausap ni Angelo kanina.

“Ma’am, ito na po yung bill niyo. Thank you po,” sabi ng nurse sabay abot sa dalaga. Agad itong umalis pagkaabot nito kaya hindi na nakapagtanong si Lucy. Pagkabuklat niya ng papel ay nagulat ito sa bumungad sa kanya. Nakalagay na 0 ang balanse nila sa nagawang operasyon hanggang sa isang linggong pahinga ni tatay Cardo sa ospital. Pero mas nagulat ito dahil sa sulat na nakalagay sa ilalim ng resibo.

“Paid 25 years ago by 380 pesos of medicines and tapsilog ni Tatay Cardo”

Kung kabutihan ang ibinigay mo, kabutihan ang babalik ng kusa sa iyo. Kaya naman huwag na huwag tayong mag-aalinlangang tumulong sa ibang tao.

Advertisement