Inday TrendingInday Trending
Ang Aklat at ang Magarang Sasakyan

Ang Aklat at ang Magarang Sasakyan

Ilang araw bagong ang ika-dalawampu’t isang kaarawan ni Mark ay kinausap niya ang kanyang ama para sa plano sa kanyang kaarawan.

“Pa, magdedebut na ako. Baka pwede mo ako bilan ng kotse para hindi na ako makisakay sa mga kaklase ko. Nahihiya kasi ako sa kanila pag inaasar nila ako,” banggit nito sa ama.

“Susubukan natin ‘yan anak. Alam mo naman na gipit tayo ngayon dahil tatlo kayong magkakapatid ang pinag-aaral ko. Kahit na maayos ang trabaho ko, hindi naman natin masisisi na marami tayong mga kailangan sa buhay. Kaya ayun na muna yung kailangan natin unahin,” sagot naman ng ama nito.

“Papa naman, birthday ko naman yun. Baka pwedeng ako naman unahin niyo. Simple lang naman yung gusto ko. Kotse lang. Bakit hindi niyo pa mabigay?” galit na tanong ng binata.

“Kasi nga anak, mas gugustuhin ko na maginhawa ang pamilya natin. May kotse ka nga, may pangkain ba tayo? May pang gas ka ba? Sigurado ako pati pang gas mo, hihingin mo sa akin,” mahinaho na paliwanag ng ama. Pagkatapos nito ay umalis ng padabog ang kanyang anak. Agad naman na lumapit ang panganay na anak nito para pakalmahin ang ama.

“Pa, hayaan mo na muna si Mark. Bata pa rin kasi kaya hindi naiintindihan yung daloy ng pera,” paliwanag nito sa ama na nahihirapan sa pag hinga dahil sa sakit na highblood.

“Kaya nga Stacey. Buti ka pa, kayang kaya mo pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. Paki-abot nga sa akin ng gamot ko,” pakiusap ng ama habang dahan dahan na umuupo sa sala. Agad naman itong kinuha ni Stacey para normal na dumaloy muli ang dugo. Pagkatapos nito ay umalis na ito para pumasok sa kanyang trabaho bilang call center agent.

Kaarawan na ni Mark kaya nagkaroon ng malaking kainan sa kanilang tahanan. Inimbitahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kamag-anak.

“Wow pre, ang daming pagkain ah. Happy Birthday!” masayang bati ng mga kaibigan nito habang hinahanap sila ng upuan ni Mark.

“Thank you mga pre. Upo kayo dito, maya maya ay kakain na rin tayo,” naka-ngiting sagot naman nito sa mga kaibigan.

Pagkatapos ng ilang oras ay natapos na ang selebrasyon ng kaarawan ni Mark kung kaya’t nagpaalam na ang mga kaibigan at bisita. Habang nasa sala ito at nagbubukas ng mga regalo ay nilapitan siya ng kanyang mga kapatid para iabot ang kanilang mga regalo.

“Mark, happy birthday! Ito regalo ko. Simple lang yan pero sana matuwa ka,” sabi ni Stacey habang iniabot ang regalo sa kapatid.

“Thank you ate. Buksan ko na ah,” sagot nito habang binubuksan ang regalo.

“Wow! Thank you. Gustong gusto ko pa naman bumili ng relo kaso wala akong pera. Ang ganda naman ng timing mo. Salamat ulit ate!” masayang sabi muli ni Mark sa kapatid.

“Welcome Mark. Ito si Ana, may gusto rin sabihin sa’yo,” sagot naman nito habang unti unting nilalapit ang bunsong kapatid.

“Kuya, happy birthday! May regalo rin ako sa’yo,” sabi ng bunso nitong kapatid habang inaabot ang maliit na regalo.

“Thank you bunso! Alam ko na ito, chocolate ‘to no?” natatawang tanong ni Mark habang ginugulo ang buhok ng bunso.

“Kuya naman eh! Welcome! Si papa rin may ibibigay sa’yo,” masayang sabi ni Ana sabay takbo papalayo sa kapatid. Bigla namang sumulpot mula sa dilim ang ama nito habang may hawak hawak na regalo.

“Anak, tanggapin mo ang regalo ko. Sana kahit papaano ay matuwa ka rito,” sabi ng ama sabay abot ng regalo. Agad naman itong binuksan ni Mark pero bakas sa mukha ang pagkadismaya ng makita ang regalo ng ama.

“Libro? Aanhin ko yung libro? Pagkatapos ko basahin ito, wala ng saysay ‘to. Ano ba naman yan pa, sana naman inisip mo yung ibibigay mo sa akin para hindi ako madismaya,” galit na sabi ni Mark, kasabay nito ang galit niya na pag-alis sa kanilang tahanan. Bigla namang sumikip ang dibdib ng ama nito kaya bigla itong natumba mula sa kinatatayuan. Agad naman nagtawag ng ambulansya si Stacey ngunit dahil sa mga sakit ng ama, hindi na siya umabot ng buhay sa ospital.

Huling araw ng burol ay umuwi si Mark sa kanilang bahay. Sinalubong ito ng kanyang panganay na kapatid. Sinalubong rin siya ng sampal at sigaw mula rito.

“Bakit umuwi ka pa?! Alam mo ba yung nangyari dahil sa mga kilos at pag-uugali mo?” galit na sigaw ni Stacey habang ginugulpi ang kapatid.

“Sorry ate, hindi ko naman sinasadya. Hayaan mo ako na makabawi sa inyo,” naiiyak na sabi ni Mark habang pinipigilan ang mga sampal at suntok ni Stacey. Agad rin siyang nilapitan ni Ana para iabot ang regalo ng ama.

“Kuya, tanggapin mo na yung regalo ni papa,” pakiusap ng kapatid habang ini-aabot ang libro. Binuksan ito ni Mark at laking gulat niya na may butas sa gitna nito at may papel na nakalagay at isang maliit na bagay. Binasa niya ito sa harap ng kanyang mga kapatid.

“Anak, maligayang kaarawan. Sana ay matuwa ka sa regalo ko. Matagal kong pinagiipunan ito dahil simula pa lang ay alam ko na gusto mo talaga ng kotse. Kaya naman nagsumikap ako para magkaroon ng pambili ng kotse.”

Sa likod ng papel ay isang resibo mula sa isang car company at nakalagay na fully paid na ang sasakyan. Pagbuklat ng ibang pahina ay may malalim na ukit, isang susi ng sasakyan ang tumambad sa kanya.

Napaluhod na lamang si Mark sa harapan ng kabaong ng kanyang ama habang hawak ang aklat. Alam niyang kahit anong hagulgol niya pa’y hindi na maibabalik ang buhay ng kanyang ama. Nangako na lamang siya na magiging responsable at hindi na magiging immature mag-isip upang magampanan ang pagiging haligi ng kanilang tahanan ngayon wala na ang kanilang ama.

Advertisement