Inday TrendingInday Trending
Ang Babaeng Ipinagpalit sa 100,000

Ang Babaeng Ipinagpalit sa 100,000

Isang taon na ang nakalipas nang maging nobyo ni Jean si Pierre. Nag-aaral siya noon sa kolehiyo para sa mayayaman, habang ang binata naman ay doon din pumapasok. Hindi nga lang ito mayaman, isa itong iskolar. Kapag may bakanteng oras ay tumutulong ito sa admin sa eskwelahan nila, kadalasan ay assistant ng librarian.

Doon nga sila nagkakilala dahil mahilig magbasa ng libro si Jean.

“Ano ang iniisip ng mahal ko?” pagkasabi noon ay hinaplos ni Pierre ang kanyang kamay. Kasalukuyan silang nasa harap ng simbahan at kumakain ng fishball.

“Wala, ang sarap lang balikan kung paano tayo nagkakilala. Ang dami na ring memories, its been a year,” kinikilig niyang sagot rito.

“At maraming marami pang years together, Jean. Promise ko na magsisikap ako para sayo, para sa atin. Sabay nating aabutin ang mga pangarap natin, pag okay na lahat ay magpapakasal na tayo at bubuo ng pamilya.”

Masayang tumango ang dalaga. Hindi niya na maisip ang kinabukasan kung hindi ito kasama. Mahirap man ang kanyang nobyo ay may pangarap ito, magalang, may prinsipyo at ma-tyaga sa buhay. At oo, sobrang gwapo. Marami ngang nagkakagusto pero kapag nalaman na dukha ay umaayaw na, iba naman si Jean. Hindi iyon issue sa kanya.

Maayos sana ang lahat, ang dami nilang plano. Kaya lang ay nalaman ng daddy niya ang tungkol sa kanila. Well, dati pa namang may idea ito pero akala ng matanda ay naglalaro lang siya. Nang matuklasan nitong nag-anniversary na sila ay naalarma na ang matanda.

“Daddy bakit po ba natin kailangang gawin ito?” nagmamaktol na sabi ni Jean habang nakasakay sila sa kotse ng ama.

“May ipapakita lang ako sayo. You are too young anak, masyado kang nasisilaw sa inakala mong pag-ibig. Gagamitin ka lang niya and I am going to show you na nagsasabi ako ng totoo,” sagot ng kanyang ama na ni hindi man lang siya nilingon.

Kinakabahan pa ang dalaga nang makarating sila sa bahay nina Pierre. Iskwater iyon, kitang-kita niya ang nanunuyang tingin ng kanyang ama habang humahakbang sila sa maputik na kalsada.

Tila ba nagsasabing, “Ito? Ito ang lalaking ipinagmamalaki mo?”

Naabutan nilang nag-iigib ang nobyo sa labas, “J-Jean..Sir!” gulat na sabi nito nang mamukhaan ang kanyang ama.

“Saan ang inyo?” tanong ng daddy niya.

“Dito po! Teka lang ho, ibibigay ko lang itong timba. Nagpaigib po kasi ang kapitbahay namin,” nagmamadaling sabi nito.

Kung natuwa si Jean dahil masipag ang nobyo, lalo namang napaismid ang kanyang ama.

“Magkano ang kinikita mo kakaigib?” tanong ng matandang lalaki nang makaupo na sila sa salas ng nobyo.

“Limang piso po isang timba Sir,” matapat nitong sabi.

“Ipagpalagay na nating maka-sampung timba ka, sikwenta pesos? Doon mo kukunin ang ipapakain mo sa anak ko?” diretsang tanong nito.

“D-Daddy..” mahinang saway ni Jean.

“Sa ngayon ho ay ganoon palang. Pero kapag po nakapagtapos na ako at nakahanap ng trabaho ay-”

“Cut the drama, sasabihin ko na kung bakit kami narito.” sabi ng kanyang ama. Binuksan nito ang dalang pouch at inilabas ang isang checkbook. Nagsulat ito sa tseke. “100,000. Layuan mo ang anak ko.”

Inilapag nito iyon sa harapan ng binata. Pigil ang hininga ni Jean.

Wag mong tanggapin please, hindi ka ganyan.. sa isip isip niya.

Pero di kumibo si Pierre.

“I’ll take your silence as ‘yes’, huh?” tanong ng kanyang ama. Hindi pa rin kumibo ang binata.

Umiiyak na si Jean, puno ng panunumbat ang kanyang paningin. Napahiya siya sa ama at sa kanyang sarili, mali siya ng pagkakakilala kay Pierre.

Naramdaman niya nalang na inaakay siya ng matanda palabas sa barung-barong. Nagtama pa ang paningin nila ni Pierre pero umiwas rin ng tingin ang lalaki.

“Ma’am? Hinihintay na po kayo ni Sir sa loob,” napapitlag si Jean nang magsalita ang nurse.

Ilang taon na ba ang nakalipas? 10? Matagal na rin.

Kauuwi niya lamang galing Amerika, mula nang mawasak ang puso niya kay Pierre ay doon na siya tumira. Umuuwi siya minsan pero hindi rin nagtatagal, hindi na naman siya galit sa kanyang daddy.

Hiniling niyang ito nalang ang dumalaw sa Amerika dahil ayaw niya nang nagtatagal sa Pilipinas, tila naiintindihan naman ng matanda na bukas pa rin ang sugat sa kanyang puso. Kaya lang ay iba ngayon, binigyan na ng doktor ng taning ang buhay ng kanyang daddy. Kaya nga napauwi siya.

“Dad..” haplos niya sa kamay ng matanda. Hirap itong dumilat tapos ay ngumiti.

“Anak, I just w-want to say sorry for everything. I b-broke your heart,” bungad nito.

“No daddy. Ipinakita mo sa akin ang tama at mali. I was young, inlove and blinded that time.” sabi niya. Totoo naman diba? Masakit man ay iyon talaga si Pierre. Pinagpalit siya sa pera. Ano na kaya ang nangyari sa lalaki? Sana ay naging masaya ito sa 100,000 na kapalit ng pag ibig niya.

Nagulat siya ng umiling ang matanda,”Ako ang mali. P-Pierre is a nice man. He took it as a challenge, noong gabing iyon ay ibinalik niya ang kalahati ng p-pera sa akin. Tinawanan ko pa siya dahil d-dukha pero di niya pala ginalaw. Ginamit niya na puhunan sa negosyo.

Napalago niya.. at nang ang business naman natin ang nangailangan, siya ang lumapit sa akin! Ibinalik niya ang 50000, tinulungan pang makabangon ang kumpanya. Mali ako ng inapi..”

“D-Daddy bakit hindi mo iyan sinabi sakin?” naiiyak na sabi ni Jean . All this time, akala niya ay mukhang pera ang binata.

“Sa kahilingan na rin ni Pierre. Ayaw niyang humarap sa iyo na wala pa siyang maibibigay na magandang buhay. Puno siya ng prinsipyo p-pero mahal na mahal ka niya anak. Matatahimik lang ako kung..kung alam kong maitutuloy ninyo ang pag ibig na hinadlangan ko noon. Alam kong hindi niya pababayaan ang unica h-hija ko..”

“Where is he daddy? Nasaan siya-“

“I’m here Jean..I am always here.” sabi ng baritonong boses sa kanyang likuran.

Nang lingunin niya ay naroon ang dating nobyo na lalong gumwapo, mas sigurado ito sa sarili pero kita pa rin sa mga mata ang simpleng Pierre na minahal niya.

Wala nang salitang namagitan sa kanila, patakbo nilang niyakap ang isa’t isa. Parang hindi lumipas ang panahon, mas tumindi lang ang pag ibig na kanilang nararamdaman.

Nakangiti ang kanyang ama, nakawheelchair ito nang ihatid siya sa altar sa kanilang kasal ni Pierre.

Parang himala na biglang lumakas ang matanda, lalo pa nang magkaapo ito at giliw na giliw sa munting bata.

“Mahal kita Pierre,”

“Mas mahal kita Jean.”

Ang tunay na pag-ibig ay marunong maghintay.

Advertisement