Inday TrendingInday Trending
Luho o Mister?

Luho o Mister?

Tatlong taon nang nagsasama sina Janina at Michael pero wala pa silang anak. Medical representative ang lalaki, kung saan-saang ospital siya dumarayo upang makabenta lang ng gamot. Magaling siyang mag-sales talk dahil araw-araw ay puro doktor ang nakakausap niya.

Samantalang si Janina naman ay sa bahay lang, sinabihan siya ng mister na huwag na siyang magtrabaho at ito na lamang ang kakayod para sa kanilang dalawa.

“Basta mahal, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para magbuhay reyna ka,”

Napaismid naman siya nang maalala ang sinabing iyon ni Michael. Sus, akala niya ba ay buhay reyna? Bakit hindi nito maibili ang gusto niya ngayon?

“Honey, 2 gives naman daw iyon sabi ni Jessica,” sabi niya sa asawa isang gabi. Ang tinutukoy niya ay ang pinsan na nagtitinda ng mga imported na bag.

“Kahit na ba, 15 000 para sa bag? Honey naman.. pangkain na natin iyon.” sabi ng lalaki na hinihimas ang dalawang sentido.

“Ano na lang ang sasabihin ng pinsan ko, na tinitipid mo ako? Grabe nakakahiya kasi pumunta siya kanina tapos sabi ko hihingi lang ako ng pera sayo at balik siya bukas. Pagbalik niya ano, wala akong ibibigay?” nagmamaktol na sabi niya.

“Hindi naman nakakahiyang aminin na praktikal tayo sa ngayon.” paliwanag ng lalaki.

Ngumuso si Janina, “Akala ko ba, gagawin raw akong reyna. Kung ganito nalang edi maga-apply na akong trabaho. Atleast mabibili ko ang gusto ko,”

Saglit na nag isip ang lalaki tapos ay bumuntong hininga, “Sige na nga. Wag nang magtampo ang baby na yan.”

Lumiwanag ang mukha ni Janina, “Talaga?!”

“Opo,”

Sa sobrang tuwa ay nayakap niya ang mister.

Nasundan pa ang pagpapabili niyang iyon. Ang dami niya nang hinuhulugan na luho. Maganda naman sana ang buhay nila dahil kumikita ng maayos si Michael, kaya lang ay grabe talaga ang kapritso niya. Gumagastos siya ng 20000 pataas para lang sa sapatos at kaartehan.

Katwiran niya, magbebenta lang naman ng gamot ang mister at kikita na ito. Ano ang mahirap roon? Tsaka, pangako nito iyon diba? Ang gawin siyang reyna.

Isang araw ay pasimple niyang itinext ang kaibigan ni Michael upang malaman kung saang ospital ito naka-destino ngayon. Sosorpresahin niya ang asawa, kailangan niyang maglambing ng todo dahil may gusto siyang bilhing alahas.

Nagkakahalaga iyon ng 50,000 pesos. Nang malaman niya ang kinaroroonan ng mister ay dali dali siyang nagluto ng paborito nitong ulam, tapos ay nagtungo na roon.

Kumekendeng pa siya, nakabalandra ang lahat ng mamahaling gamit sa hallway ng ospital.

“Hi, I’m looking for Michael Jacobo, the medical representative,” maarte niyang sabi sa nurse sa helpdesk.

Di maiwasang mapatitig sa mamahaling bag niya ang nurse, palihim namang napangiti si Janina. Aba, dapat lang na mainggit ito ano.

“Kausap po ni Dr. Capistrano Ma’am,” sagot nito.

“Saan sila?”

“2nd floor po ang office ni Doc, sa may left side po.”

Matamis siyang ngumiti at sumakay na sa elevator. Bubuksan niya na sana ang pinto ng opisina nang marinig ang pag-uusap sa loob.

“Bobo ka pala eh, simpleng gamot hindi mo maipaliwanag sa akin. Ayusin mo kasi, paano ako bibili niyan? Pilitin mo ako,” hindi si Michael, sigurado niyang iyon ang doktor.

“Maganda ito doc, kasi inhaled ito. Hindi oral po, pareho ng therapeutic effect kaya lang ang corticosteroid po ay nagre-rely sa topical action kaysa sa systemic activity.” boses iyon ni Michael.

“Blah blah blah, kung anu-anong sinasabi mo. Ayoko, ayokong bilhin yan. Ang bobo mong kausap.”

“Sige na naman Doc, wala pa po kasi akong sales today. If ever po ay wala akong komisyong maiuuwi, I really need money. Plus hindi na naman po kayo lugi sa gamot na ito-“

“No you’re wasting my time. Sige na, I’m not buying those.”

Lulugo-lugong tumayo si Michael, si Janina naman ay na-estatwa sa kinatatayuan. Di niya alam na ganoon pala ang ginagawang sakripisyo ng kanyang mister makabenta lang.

Tapos ay ano ang gagawin niya sa pera? Wawaldasin niya sa luho!

Aalis na sana siya nang biglang bumukas ang pinto, gulat na gulat si Michael nang makita ang misis na naiiyak na nakatulala.

“Honey! Ano ang ginagawa mo rito?” takang tanong nito, inakbayan pa ang babae.

Doon na napaiyak ang misis, tuloy tuloy ang daloy ng luha dahil sa sobrang pagsisisi.

“I’m sorry honey! I’m so sorry..” paulit ulit niyang sabi. Nagtataka man ang lalaki ay hindi na muna ito kumibo at inakay nalang siya pauwi.

Lalong nawindang si Michael dahil nang makarating sila sa bahay ay inipon ni Janina ang lahat ng mamahaling bag at sapatos.

“Ibebenta natin lahat ito para makabayad tayo sa utang.” desididong sabi ng babae.

“Huh? Bakit naman? Sayo yan eh. Tsaka nangako akong gagawin kitang reyna diba? Wag mong gawin yan, alam kong mahal mo ang mga gamit mo-”

“Mas mahal kita.” hinalikan ni Janina ang mister, totoo iyon. Lalo niyang inibig ito.

Napakaswerte niya dahil hindi siya iniwan ng lalaki kahit pa humingi siya ng sobra-sobra mula rito. Bagkus ay nagkandakuba ito kakatrabaho para lang maibigay iyon. Ngayon ay siya naman ang babawi, siya naman ang magpapakita kung gaano niya kamahal ang asawa- higit pa sa kahit na anong materyal na bagay.

Advertisement