Inday TrendingInday Trending
Ang Mahiwagang Tawag sa Hatinggabi

Ang Mahiwagang Tawag sa Hatinggabi

Dalawang taon pa lamang sa serbisyo bilang pulis si Arman, wala pa siyang sariling pamilya. Ang kanyang mga magulang ay nasa probinsya habang siya naman ay dito naka-destino sa Maynila. Bihira niya nang madalaw ang mga ito dahil abala nga siya sa trabaho.

“Pare, kape muna? Pwede naman bukas iyan eh,” sabi ng kaibigan niyang si David.

“Uy thank you. Nasobrahan ka naman sa kape pare? Pangatlong baso mo na yata yan?” natatawang wika niya. Itinigil niya muna ang pagtatype sa computer at hinigop ang kapeng ibinigay nito.

“Inaantok ako eh. Ganito ang hirap pag night shift. Wala ngang masyadong krimen at tawag, antok naman ang kalaban mo.” pilit pang nilalabanat ang pagpikit na sabi nito.

Palibhasa ay bagong panganak lang rin ang misis ni David at tumutulong ang lalaki sa pag aalaga kaya di ito masyadong nakakatulog sa umaga. Sinulyapan ni Arman ang orasan, alas onse na ng gabi.

Ilang minuto lang ang nakalipas ay nagulat sila pareho nang tumunog ang telepono.

“Ako na.” sabi ni Arman at tumayo, sinagot ang tawag. “Police station, how can we help?”

“H-Hello?” boses iyon ng isang bata, tingin niya ay nasa lima hanggang anim na taong gulang.

Kumunot ang noo ng lalaki, “Ano ang maitutulong ko?”

“Ang mama ko po kasi. Sumasakit ang dibdib, pwede po bang tulungan ninyo siya?” sabi ng bata sa kabilang linya.

Gusto niya sanang isiping nagbibiro lang ito, pero mukha namang seryoso ang boses ng bata.

“Saan ka nakatira?”

Sinabi nito ang address at malayo iyon sa kanila. May ibang pulis na nakaassign doon, sinenyasan niya ang kasama na contact=in ang malapit na istasyon pero wala raw sumasagot.

“Please po. Help my mama, please? Wala po kaming kasama rito, wala na po ang papa ko matagal na. Kaming dalawa nalang, kasi ang mga kapatid ko ay nasa US.” nagmamakaawang sabi ng bata.

Hindi naman makatiis si Arman, kung maghihintay pa sila ay baka kung mapaano na ang nanay ng bata.

“Okay hija, ano ang pangalan mo?”

“Theresa po,”

“Sige Theresa, ako mismo ang pupunta dyan. Siguraduhin mo lang na hindi biro ito ha? Mahalaga ang oras ng mga pulis neng, wag kang mag-alala magiging okay rin ang mama mo. Sa ngayon ay wag kang umalis sa tabi niya habang hinihintay ninyo ako. Ano ang number ninyo dyan?”

Ibinigay ng bata ang numero ng bahay, tinawagan iyon ni Arman gamit ang kanyang cellphone dahil nais niyang nakukumusta ang bata habang bumibyahe siya.

“Malapit na po ba kayo Sir? Kawawa naman ang mama ko,” wika nito sa kabilang linya.

“Oo, kumusta siya?” tanong niya habang nagmamaneho.

“Humihinga naman po pero nahihirapan siya. Nasa sahig lang po at walang malay. Hindi ko po mabuhat,”

Nakaramdam ng pag aalala ang binata, “S-Sige. Basta hawakan mo ang kamay at kausapin mo siya. Bantayan mo lang. In 5 minutes ay nariyan na ako.”

Binilisan niya na ang pagmamaneho. Nang nasa tapat na siya ng bahay ay muli siyang nagsalita sa cellphone.

“Theresa? Nandito na ako sa tapat ng bahay ninyo-“

“Salamat Sir! Nandito po sa salas tumumba si mama. Pumasok nalang po kayo. S-Sir? Salamat po talaga. Pakisabi po sa mama ko na wag na siyang malulungkot, at mahal na mahal ko siya.”

Pagkasabi noon ay naputol na ang tawag. Sinubukan niyang tawagan muli pero rinig niya lang na nagri-ring ang telepono ng bahay mula sa loob. Pinihit niya ang seradura at bukas nga ang pinto, mabilis na nilibot niya ang paningin sa bahay at nakita ang isang pigurang nakahandusay sa madilim na salas.

Dali-dali niya itong nilapitan. Pero siya ang nagulat nang makitang matanda na ang ginang. Siguro ay nasa 80 years old na.

Wala itong malay at hirap ngang huminga. Mabilis niya itong binuhat at hinanap ng paningin niya si Theresa pero wala ang bata.

“T-Theresa! Dadalhin ko na sa ospital ang mama mo ha!” sigaw niya na lamang dahil kailangan nang mabigyan ng lunas ang matanda.

Makalipas ang isang Linggo

Sunud-sunod na papuri ang inani ni Arman dahil sa kanyang katapangan at dedikasyon sa paglilingkod. Kasalukuyan siyang papunta sa ospital kung saan naroon ang matanda dahil nais raw siyang makita ng mga anak nitong umuwi pa mula Amerika para personal siyang pasalamatan.

Higit na nagpasaya sa kanya ay ang kaalamang ligtas na ang mama ni Theresa, napaisip siya bigla. Baka lola ito ng bata pero nakasanayan na ‘mama’ ang tawag, may mga ganoon naman eh.

Nang makarating siya sa ospital ay nayakap siya ng mga anak ng matanda.

“Salamat talaga Sir, utang namin sa iyo ang buhay ng mama namin.”

“Wala ho iyon, trabaho ko iyon.” Nilapitan niya ang nakangiting lola. Hinawakan nito ang kanyang mga kamay.

“Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan. Kung nahuli-huli ka lamang ng kaunti ay baka pinaglalamayan na ako ngayon ng mga anak ko. P-Pero paano mo pala nalaman na kailangan ko ng tulong? Hindi ba at galing ka pa sa ibang bayan?”

Tumango siya, “Hindi lang po ako. Dapat po kayong magpasalamat sa inyong apo na matapang na tumawag sa akin na kailangan ninyo raw ng tulong. Sa edad niyang anim ay matatas ang bata, matalino at matibay ang loob. Di niya kayo iniwan.. hawak hawak niya ang kamay ninyo habang hinihintay ako,” kwento niya.

“Apo?” sabay-sabay na tanong ng mga naroon.

“Oho! Si Theresa.”

Napatakip sa kanyang bibig ang lola habang hindi nakapagsalita ang mga anak nito.

Itinuloy niya ang kwento, “Tinawagan niya ako na kailangan raw ng tulong ng mama niya. Tsaka, sabi niya po pala bago matapos ang tawag namin.. mahal na mahal niya raw po kayo at wag na kayong malulungkot. B-Bakit po?” nag aalangang tanong niya dahil iyak nang iyak ang matanda sa kanyang harapan.

Hindi ito makapagsalita kaya ang panganay na nitong anak ang sumagot sa kanyang tanong.

“Hindi niya apo si Theresa, kundi..anak niya. Siya ang aming ate, ang pinaka-panganay sa amin pero nasawi sa edad na anim dahil sa isang car accident. Mula noon ay malungkot na ang mama at palaging sinisisi ang sarili sa pagkawala ni Theresa. Pero mama.. hindi siya galit sa iyo.At hindi ka niya iniwan!” lumuluhang sabi nito sa ina.

Tumango naman ang matanda, may ngiti ito sa labi.

“Salamat Theresa, salamat anak.. mahal na mahal ka rin ng mama..” bulong nito sa kawalan.

Napako naman sa kinatatayuan si Arman. Di siya makapaniwala na multo pala ang kanyang nakausap.

Isinama na ng mga anak sa Amerika ang kanilang ina, parang pinaalalahanan sila ng kanilang ate na huwag kalimutan ang responsibilidad nila bilang anak. Habang si Arman naman ay nag-leave sa trabaho ng isang Linggo at umuwi sa probinsya, sinulit niya ang oras kasama ang mga magulang.

Isa itong aral sa kanya, na maiksi ang buhay at hindi tayo sigurado kung kailan tayo kukunin ng Diyos.

Advertisement