Isang buwan pa lamang nobyo ni Alena si Mark, pero wala na siyang balak na pakawalan pa ang lalaki. Paano ay jackpot na siya rito, bukod sa gwapo ay ubod pa ng yaman! Iyon nga lang, biyudo na ito at may isang anak na babae. Ayon sa lalaki ay hindi kinaya ng misis nito ang pagluluwal ng anak kaya binawian ito ng buhay.
Well, buti nalang na-tegi siya, sa isip isip ni Alena.
“Baby? Are you sure you wanna do this? Baka mahirapan ka kasi hindi pa kayo nagmi-meet ni Alex,” tanong ni Mark sa kanya. Nasa airport sila ngayon, inihatid niya ang lalaki dahil isang linggo itong may aasikasuhing trabaho.
Nagprisinta siyang siya na ang magbabantay sa anak nitong si Alex na pitong taong gulang. Labag iyon sa loob niya pero syempre kailangan niyang magpasikat sa nobyo. Pag nakita nitong magkasundo sila ng anak nito ay pakakasalan agad siya, o edi instant yaman!
“Ano ka ba okay lang talaga. Actually ready na ang gamit ko, magmu-move na rin ako sa bahay mo tutal dun rin naman ako titira soon,” nakangiti niyang sabi.
Bilang sagot naman ay hinalikan siya ng lalaki sa noo.
“Sige, ihahatid nalang nina mama si Alex sa bahay ko. Doon na kayo magkita, I hope magkasundo kayo.” sabi nito. Ilang sandali pa ay kinailangan na nitong pumasok sa loob dahil oras na ng flight.
Samantalang masayang-masaya namang nag-ikot sa malaking bahay si Alena.
“Sa wakas! Akin ka na!” humahalakhak niya pang sabi. Kumuha siya ng isang bote ng wine at nagsalin sa isang baso. Tapos ay dumiretso siya sa bath tub at nagpatugtog habang nakalublob roon.
Taray, buhay donya.
“Hello.”
Napapitlag siya nang marinig ang boses na iyon, pagtingin niya sa kanan ay naroon ang isang batang lalaking tingin niya ay pitong taong gulang. This must be Alex.
“Yes?” taas ang kilay na sabi niya.
“Ikaw ang girlfriend ni daddy?” inosenteng tanong nito.
Malditang umiling si Alena, “No. I will be your daddy’s wife. Mapapalitan na ang trono ng Mommy mo at soon pati ikaw ay mapapatalsik ko rin sa bahay na ito. Kapag nagkababy na kami, ah, poor kid.” pang aasar niya.
Bakit, ang pangako niya lang naman kay Mark ay bantayan ang anak nito diba? Wala naman siyang sinabing hindi niya aapihin ang bata.
Tinitigan lang siya ng bata, tinaasan niya naman ito ng kilay.
“Subukan mong magsumbong, wala namang maniniwala dahil mahal na mahal ako ng daddy Mark mo. Mas mahal niya pa ako kaysa sayo,” muli niyang pang-aasar.
Tumakbo lang palayo ang batang lalaki at naiwan si Alena na tumatawa. Mukhang mag-eenjoy siya.
Pinagtatanggal niya ang lahat ng picture ng misis ni Mark na nakasabit sa dingding. Kung anong bait niya kapag ka-videocall niya ang nobyo ay siyang demonyo niya sa bata kapag di na nakaharap ang lalaki.
Sa loob ng isang Linggo ay wala siyang ginawa kundi saktan si Alex, kung anu anong masasakit na salita ang tinamo nito sa kanya. Paano naman kasi, magigising siya sa hatinggabi na nakamasid sa kanya ang letseng bata. Nasasampal niya tuloy.
Mabilis lumipas ang araw at umuwi na si Mark. Excited na binuksan ni Alena ang pinto nang marinig na kumatok ang nobyo.
Pero ganoon nalang ang pagkagulat niya nang makitang may kasama itong batang babae.
“H-Hi babe! Who is she?”
“Oh, pasensya kana. Didn’t you read my chat? This is my daughter, Alex. Hindi na siya inihatid nina Mama para hindi kana maabala. Dinaanan ko nalang siya doon kanina bago ako umuwi rito,” paliwanag ng lalaki.
Kinilabutan si Alena. No, joke lang ito.
“H-Hindi lalaki si Alex?” tanong niya pa.
Sukat sumeryoso ang mukha ng kanyang nobyo nang tanungin niya iyon, inakay siya ng lalaki sa loob at inilabas ang isang photo album.
“Ngayon ko lang ikukwento dahil.. masakit pa rin talaga para sa akin. Sa katunayan, kaya nahirapan ang wife ko na manganak ay dahil kambal ang inilabas niya. Ang panganay ay si Alexandra- ang palayaw niya ay Alex, habang ang bunso ay si Alexander-ang palayaw ay Xander.
My life was shattered nang mawala ang misis ko pero binuo iyon ng kambal. Kaya lang, hindi pa pala tapos sa akin ang tadhana dahil 2 years ago natuklasan naming may sakit si Xander. Hindi kinaya ng katawan ng anak ko ang operasyon kaya bumigay siya. I lost my boy..” malungkot na sabi nito.
Nang matitigan ni Alena ang litrato ay halos mapatalon siya sa pagsindak, iyon ang batang lalaki na isang Linggo niyang kasama!
Hindi pa rin siya makapaniwala, nang may biglang magsalita mula sa kanyang likuran.
“Ikaw ba ang girlfriend ng daddy ko?”
Walang sali-salitang nagtatakbo ang babae palayo. Hinabol siya ni Mark pero sinabi niyang ayaw niya na kahit na anong gawin nito.
Walang ideya ang lalaki kung ano ang nangyari pero ipinagpatuloy niya na lamang ang buhay, may isa pa siyang anak na sa kanya ay nagmamahal.
Tinesting lang ng batang multo kung ano ang tunay na kulay ng babaeng iniibig ng kanyang ama. Pinagsisihan ni Alena ang pinlano niyang panghuhuthot ng pera.