Inday TrendingInday Trending
Ate Kong Walang Pangarap

Ate Kong Walang Pangarap

Maaga pa lamang ay nakaayos na si Roberto, alas otso kasi ang kanyang klase. Nasa huling taon na siya ng kolehiyo, kaunti nalang ay makakaraos na rin.

Napalingon pa siya nang mapansing gising na rin ang kanyang ate Beth, nagmamadaling nagtimpla ng kape ang babae.

“Nag-almusal kana ba? Tena at sabayan mo ako,” yaya nito sa kanya.

“Hindi na ate. Maaga ang klase ko eh,” tanggi niya naman. Ipinagbalot na lamang siya ng babae ng tatlong pandesal na ang palaman ay matamis na bao.

Bago siya umalis ay hinimas pa nito ang kanyang pisngi, “Pagbubutihin mo sa eskwela ha Bert?” bilin nito.

Nakangiti naman siyang tumango. Minsan nga ay nagtataka siya, puro ito ganoon. Puro bilin sa kanya, ito ba, walang sariling ambisyon?

Maaga silang naulila sa ama, ang kanilang ina ay nagko-kopra at para makatulong rito ay namasukan silang magkapatid bilang kasambahay. Kaga-graduate niya pa lamang ng high school noon.

Mabait ang kanilang mga amo, sina Mr. at Mrs. Soriano na inalok siyang mag-aral. Syempre, tinanggap niya rin agad. Hinikayat niya pa nga ang kapatid na makiusap rin ito sa mag-asawa pero umayaw ang ate niya. Okay na raw itong ganoon.

Hindi nalang siya umimik pero ang totoo ay nadismaya siya. Talaga ba? Kuntento na ang dalaga sa ganitong klaseng buhay? Ni minsan ba hindi nito pinangarap na magkaroon ng diploma?

Mula noon ay nabawasan ang respeto niya sa kapatid, hindi kasi nito naiintindihan ang kahalagahan ng edukasyon.

“Bert, dalhin mo nga itong bugong ng ate mo kina Mrs. Soriano, nalimutan eh.” utos ng kanyang ina isang araw ng Sabado. Walang pasok sa kolehiyo ang binata.

Nag-bike nalang siya bitbit ang baon ng ate niya at napailing nang maabutan itong naglalaba.

“Ate pinaaabot ng nanay,”

“Uy! grabe, binitbit mo pa. Salamat ha,” masayang sabi nito. Ipinunas sa damit ang kamay na puno ng sabon.

Minamasdan niya ang labada nang muling magsalita ang kapatid, “Huy umuwi kana ulit. Mabuti pang mag-aral ka na lang sa bahay. Tatamarin kalang rito,” natatawang sabi nito, bumalik na sa paglalaba.

“Talaga ba ate?” hindi maiwasang tanong niya.

“Talagang kailangan mo nang bumalik dahil mas importanteng makapagbasa ka ng leksyon ninyo kaysa masdan mo akong nagkukusot ng-“

“Talaga bang hanggang dyan kana lang?”

Pagkasabi niya noon ay gulat na napalingon sa kanya ang kapatid.

“B-Bert..” mahinang tawag nito.

“Ate kita kaya hindi ako sumasagot sayo. Pero tingin ko naman, dahil nga kapatid mo ako, tingin ko naman kahit na paano ay may karapatan akong magsalita diba? I mean Ate look at you. Idol pa naman kita noon, pero tingnan mo ang ginagawa mo sa buhay mo.

Labandera ka! Ako, ito magtatapos na ng kolehiyo. Kasi malakas ang loob ko, sumugal ako. Eh ikaw? Tatanda ka nang mahirap ate.Bakit mo yan ginagawa?” hindi makapaniwalang tanong niya.

Tumayo ang kanyang kapatid, puno ng sakit ang mukha nito. Halatang pinipigil ang luha, tapos ay patakbong lumayo sa kanya.

Napabuntong hininga naman si Roberto, sumobra yata siya. Gusto lang naman niyang katukin ang ulo ng kapatid na mangarap ito, mag-aral ba.

Sumakay na siya sa bike at akmang aalis na nang tawagin siya ni Mrs. Soriano.

“Kayo po pala! Lumabas lang po sandali si Ate.”

“Nabalitaan kong magtatapos kana raw,” masayang wika ng ale.

“Oho, dahil po sa kabaitan ninyong mag-asawa.” magiliw niyang sabi.

Nagulat naman ito, “D-Dahil sa amin? Naku, ang pinaka-pasalamatan mo ay ang ate mo.. mahal na mahal ka niya Bert,”

Kumunot naman ang kanyang noo, ano naman ang kinalaman ng kapatid niya rito?

“Ay hindi mo alam? Naku talaga iyang si Beth ay napakalihim. Nakiusap iyan sa amin noon, pag-aralin ka raw namin. Pagtatrabahuan niya raw, maglalabada siya at all around basta kapalit ay bibigyan ka namin ng tuition at pangbaon. Bilib ako sa pagmamahal niya sa iyo.

Sabi ko nga ay bakit hindi nalang siya ang mag-aral? Mas mahalaga ka raw eh, kaya ikaw na muna ang pinatapos niya.”

Parang bombang sumabog iyon sa mukha ng binata. Isang malakas na sampal.

Minaliit niya ang kapatid, ito naman pala ang dahilan kung bakit siya nakatungtong sa kinaroroonan niya ngayon. Mabilis siyang nagpaalam kay Mrs. Soriano at hinanap ang kapatid.

Nang makita niya ito ay patakbo niyang niyakap ang babae habang humihingi ng tawad.

“Patawarin mo ako ate, Diyos ko po. Ang sama sama ko-“

“Ssssh. Ang baby ko naman, lahat ay gagawin ko para sayo,” wika nito na inaalo siya.

Nang makatapos si Roberto ay di siya nakalimot, siya naman ang nagpaaral sa kanyang ate. Lalong tumibay ang samahan ng magkapatid.

Advertisement