Inday TrendingInday Trending
Patagong Tawag Tuwing Gabi

Patagong Tawag Tuwing Gabi

Isang buwan na ang nakalipas mula nang isilang ni Irah ang panganay nilang anak ng mister niyang si Miguel. Tatlong taon rin silang naghintay bago ipinagkaloob ng Diyos ang si baby Ismael kaya nang dumating ito ay talagang ingat na ingat sila.

Lalo na si Irah, kulang nalang ay wag siyang matulog magdamag matitigan lamang ang anak at masiguradong hindi ito mapapaano.

“Love, happy anniversary,” malambing na sabi ni Miguel. Niyakap pa siya nito mula sa likuran at itinapat sa kanyang mukha ang isang pulang kahon.

“H-Ha?” nabiglang sabi ni Irah. Sa totoo lang, hindi siya nagulat sa regalo nito kundi sa isipin na anniversary pala nila ngayon. Nakalimutan niya!

“You forgot..” mahinang bulong ng lalaki. Nang lingunin niya ito ay may mapait na ngiting nakapaskil sa mukha.

“Ikaw naman, alam mo namang busy ako sa baby eh. Iba na ngayon, syempre hindi na tayong dalawa lang ang iniisip ko. Tatlo na tayo.. pasensya kana. Wait ano ba ito,” sabi niya at binuksan ang kahon.

Isang napakagandang gintong kwintas ang naroon. Nagningning pa sa mga mata niya ang dyamante ng pendant.

“Wow, thank you love. Wag kanang magtampo, babawi ako sayo okay? Ang ganda nito,” nakangiting sabi niya sa mister. Pinisil-pisil niya ang pisngi nito kaya napangiti na rin ang lalaki.

“Pwede bang ngayon kana bumawi hmm?” sabi nito, hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya.

“What do you mean? Hindi tayo makakapag-date ngayon kasi walang magbabantay kay baby Ismael. Tsaka gabi na kung magluluto pa ako-” naputol ang sasabihin niya nang papakin ni Miguel ang kanyang leeg.

“Hindi na naman kailangan iyon. Alam mo na, tulog si baby. Baka naman pwedeng daddy and mommy time muna.Hmm?” lambing nito.

Naalarma si Irah, naintindihan niya na ang sinasabi ng lalaki! Mabilis siyang kumalas rito tatawa-tawang inilayo ito sa kanya.

“Naku naku, pagod ka sa trabaho. Ako rin pagod rito sa bahay, pass muna love.”

“Sige na please? Miss na kita, it’s been three months love.”

Well totoo naman iyon, bago siya manganak ay dyeta na sila sa pagtatabi sa kama. Naintindihan naman iyon ng kanyang mister at ma-tiyaga pa nga siyang inalagaan. Pero ewan niya ba, maski nakapanganak na siya ay wala pa rin siyang gana.

“Migs, wag kanang makulit. Come on, I’m not in the mood.” sabi niya.

Bumuntong hininga ang lalaki at tumango.

“Good. Salamat.” sabi niya. Patalikod siyang humiga sa kama, bago siya hilahin ng antok ay narinig niya pang ilang beses bumuntong hininga ang kanyang mister.

Mula noon, napansin ni Irah na hindi na masyadong nangangalabit si Miguel. Siguro ay napahiya ito nang matanggihan niya, busy rin kasi ang lalaki. Kadalasan ay gabi na nakakauwi at palagi pang may kausap sa trabaho.

Noong una ay natuwa siya Irah pero nang magtagal ay nakaramdam na siya ng kaba. Paano pala kung..kung may babae na si Miguel?

Kasalanan mo rin gaga, nakalimutan mong misis ka pa rin niya! bulong ng kanyang isip. Sa kabilang banda, tama ba naman na dahil sa maliit na problema ay humanap na ng iba ang lalaki? Anak rin naman nito ang inaalagaan niya hindi ba?!

“She’s here. I can’t talk right now, mamaya nalang okay?” sabi ng lalaki, akmang ibababa na ang tawag nang may maalala. “Hey Sunshine! Ah, gusto ko lang magthank you. Sobrang thank you talaga, without you ay hindi ko na alam ang gagawin ko. I was really impressed, ang galing mo. Sanay na sanay ka,” nakangiti pang sabi ni Miguel.

“Oh my God!” bulong ni Irah. Diyos ko po, mahabaging Hesus. Nambababae nga si Miguel! Hindi niya na napigilan ang pagdaloy ng luha. Para kasing paulit-ulit sa utak niya ang sinabi ng asawa. Nagagalingan raw doon sa Sunshine na iyon, kesyo salamat daw. Ang sakit sakit naman. Bakit naman kailangang ganito pa sila maghiwalay?

Sa tatlong taong pagsasama nila ay matapat naman ito. Bakit kung kailang may anak na sila ay saka pa ito magloloko?

Nahirapan man si Irah ay itinago niya ang katotohanan. Hindi pa sapat ang narinig niya para bukingin ang lalaki, baka kapag kinompronta niya ito ay tumanggi lang. Tatlong araw ang matiyaga niyang hinintay, ginalingan niya talagang umarte. Bagamat nahahalata yata iyon ng mister dahil ilang ulit siya nitong tinatanong kung ayos lang ba siya.

Hanggang isang gabi, muli ay narinig niyang may kausap si Miguel, tama nga ang kutob niya dahil nabanggit na naman nito ang pangalang ‘Sunshine’.

“Bukas ng umaga, yes. 11:30am pa naman kasi nag-halfday ako sa office. Mga 10 tayo magkita sa hotel, sobrang excited ko na Sunshine. Kinakabahan ako.” narinig niyang bulong ng kanyang mister.

Isang plano ang nabuo sa isip ni Irah, sana ay gabayan siya ng Diyos dahil huhulihin niya sa akto si Miguel. Ipaglalaban niya ang karapatan nila ng kanyang anak.

Maaga palang ay ipinaghanda niya ng almusal ang lalaki, pinakikiramdaman niya ang kilos nito.

“Love, gusto mo ba dalawin ka namin mamaya ni baby sa office? Ipagluluto kita ng lunch.”

“Ha? Naku wag na baby! Ano, may lunch meeting kasi kami sa labas,” tila natarantang sabi nito.

Sinungaling! sigaw ng isip ni Irah, pero sa halip ay ngumiti siya. “Okay.”

Samantala, ipinakiusap ng babae sa kanyang byenan ang anak. Mag-isa siyang nagtungo sa hotel na narinig niya kagabi sa mister. Aba, hindi rin siya pahuhuli dahil nagpaganda siyang mabuti. Akala ba ng Sunshine na iyon, magpapatalo ang legal wife? Hell no!

Tinaasan niya ng kilay ang receptionist sa hotel at idiniin pa ang salitang ‘misis’ nang tanungin nito kung siya ba ang kasama ni Miguel sa reservation.

Sinulyapan niya ang orasa, 10:15 palang ng umaga. Tiyak niyang nasa kasagsagan ng pagkakasala ang mag-kalaguyo. Nang matapat siya sa kwarto ay napakalakas ng tibok ng kanyang puso.

Pinipigil niya rin ang luha. Hindi siya pwedeng umiyak kaya tinapangan niya ang bukas ng kanyang mukha. Pipihitin niya na sana ang seradura nang may marinig siya mula sa loob.

“Ang laki naman niyan. Hindi ko naman akalaing ganyan,” sabi ng boses ng isang babae.

“Nabigla ka ba? Dahan-dahan ka, baka pumutok ‘to. Paborito ng misis ko ito eh,” boses naman ni Miguel.

Mga hayop! Napakababoy!

“Ang swerte naman ng misis mo..” komento ng babae.

Hindi na napigilan pa ni Irah ang kanyang sarili, pikit mata siyang pumasok.

“Walanghiya kayo! Napakababoy ninyo! Sinasabi ko na nga ba, sinasabi ko na-” napatigil siya sa pagsasalita nang makitang maraming tao sa loob.

May dalawang roomboy na nag-aayos ng isang maliit na mesa, nilalagyan iyon ng wine at rose petals. May mga nagde-decorate rin sa dingding. Ang kanyang mister ay may hawak na malalaking lobo, iyon ang palaging ibinibigay nito sa kanya noong nanliligaw pa lamang.

Katabi nito ang isang beki na hindi halata, kasi naman ay may boobs na at naka-wig pa.

“H-Honey?” gulat na sabi ng kanyang mister.

“Ano ito?” litong tanong niya.

Sukat pagkasabi niya noon ay bumalatay ang pagka-dismaya sa mukha ng lalaki, “Wala na. Sira na ang sorpresa ko.” malungkot na sabi nito.

Naguguluhan pa rin si Irah, pero nilapitan siya ng beki. “Hi, ako si Sunshine. Party organizer ako, kinuha ako ng hubby mo para sana ayusin ang surprise for your birthday,” nakangiting wika nito.

What?

Birthday niya nga pala ngayon! Oh my gosh, ito pala ang pinaghahandaan ng kanyang mister! Napaka-gaga niya talaga para isiping may babae ito.

Mabilis niyang nilapitan ang malungkot na si Miguel,”Paano mo nalaman? Ang palpak ko talaga.” sabi nito nang makalapit siya.

“Actually, honey, kaya kita sinundan kasi narinig kong kausap mo si Sunshine. Akala ko may.. may babae kana kasi hindi kita, alam mo na. I’ve been depriving you.Pero ito..ito pala. Sobrang ganda,” naiiyak na wika niya.

Niyakap siya ng lalaki, tapos ay hinawakan ang kanyang mukha. “Happy birthday my love, hinding hindi mangyayari ang iniisip mo dahil naiintindihan ko kung ayaw mo and I respect you a lot. Mahal na mahal kita-“

Hindi na natapos ng lalaki ang kanyang sasabihin dahil hinalikan niya na ito ng malalim. Tila nakaramdam naman ang mga tao roon at lumabas na rin, maging si Sunshine ay nakangiting umuwi.

Mula noon ay naging mas malapit pa ang mag-asawa. Mabuting ina si Irah pero hindi niya rin kinalilimutan ang responsibilidad niya bilang misis.

Advertisement