Inday TrendingInday Trending
Ubos-Ubos Biyaya, Bukas Nakatunganga

Ubos-Ubos Biyaya, Bukas Nakatunganga

Naisipan ni Wilfredo na magtrabaho sa ibang basa dahil sa liit ng sahod niya sa Pilipinas. Masuwerte naman siyang natanggap sa Canada bilang staff sa isang pribadong opisina. Mula nang magtrabaho sa nasabing bansa ay lumaki ng halos triple ang kinikita niya kaya ang dating hikahos na pamumuhay ng kanilang pamilya ay naging marangya. Kung dati ay tipid na tipid sila sa liit ng kanyang kita, ngayon ay naging maluho na ang kanyang mag-iina sa laki ng sinasahod niya lalo na at na-promote siya bilang manager sa pinapasukang trabaho.

Matapos ang apat na taon ay nagbalik ang lalaki sa Pilipinas para magbakasyon.

“Casey, anak, may pasalubong ako sa iyo!” wika ni Wilfredo sa bunsong anak nang buksan na nito ang mga bagahe at iniabot ang kanyang pasalubong.

“Papa, naibili niyo po ba ako ng gusto kong cell phone?” tanong naman ng kanyang panganay na si Chico.

“Siyempre naman, ikaw pa ba mawawalan? Ngayong malaki na ang kinikita ko sa Canada ay palagi ko na kayong padadalhan ng mga pasalubong,” sagot naman niya.

Napuno ng kasiyahan ang buong bahay, tuwang-tuwa sa kanyang mga ipinasalubong ang dalawa niyang anak. Sari-saring imported na damit at mamahaling gadget para kay Chico at kay Casey. Siyempre, mga kumikinang na alahas at make up naman para sa kanyang misis na si Dione.

Habang nakahiga silang mag-asawa sa kama ay naglambing si Dione sa asawa.

“Mahal, baka naman puwede mo akong ibili ng kotse. Naiinggit kasi ako sa mga kaibigan ko, sila may mga kotse na ibinigay sa kanila ng mga mister nila na nasa abroad din,” pagsusumamo niya.

“Teka, kailangan ba talaga na bumili pa ng kotse? Sa mahal ng krudo ngayon ay hindi na mainam na gumamit ng kotse,” wika ng lalaki.

“Basta gusto ko ng kotse! Sige na naman, mahal!”

“Okay, sige. Ibibili kita ng kotse,” anito at mahigpit na niyakap ang misis.

“Thank you, mahal ko!” masayang sabi ni Dione habang pinaghahalikan ang labi ni Wilfredo.

Mabilis na lumipas ang isang buwan at nakahanda nang bumalik si Wilfredo sa Canada. Mahirap man para kay Dione na muling umalis ang asawa ngunit kung ang kapalit naman nito ay ang pagpapatuloy ng malaking kita ng mister ay ayos na rin sa kanya.

Nang bumalik ang lalaki sa pagtatrabaho ay napawi ang hirap sa kalooban ng kanyang mag-iina kapag sumasahod siya at nagpapadala ng pera. At sa tuwing tatawag siya ay pabili nang pabili ng kung anu-ano ang mga ito.

Dahil sa malaking sahod ni Wilfredo ay tumigil na sa pagtatrabaho si Dione at pumirmi na lang sa bahay. Kapag nakakakuha ito ng pera sa ATM ay agad itong dumidiretso sa mall. Kung dati ay sa palengke lang siya bumibili ng mga kailangan gaya ng mga pagkain ay sa grocery sa mall na siya nagtutungo para mamili. Ang sobrang pera ay ipinambibili naman niya ng mga pampaganda at mamahaling sabon at lotion para sa mas igagaganda pa ng kanyang kutis. Buwan-buwan din siyang bumibili ng mamahaling damit, bag, sapatos at mga alahas para ipagyabang sa kanyang mga kaibigan. Kahit hindi mahalaga ay binibili niya para sa sariling luho sa katawan.

Minsan ay kausap niya ang asawa sa cell phone.

“Mahal, sabi ni Chico ay gusto niya ng mamahaling bisikleta,” paalam niya kay Wilfredo.

“Walang problema. Sa sahod ay lalakihan ko ang padala para maibili mo siya ng bisikletang gusto niya,” walang gatol na sagot ng lalaki.

Hindi pa natapos doon ang luho ng mga anak nila. Nakiusap din si Casey na gastusan ng malaki ang debut nito dahil gusto ng bunsong anak na enggrande ang gagawing debut. Malaking pera ang nailabas ni Wilfredo sa hiling na iyon ng anak.

Nang sumunod na araw, may biglang tumawag kay Dione. Hindi niya kilala kung sino ang nagmamay-ari ng numerong nakarehistro. Agad naman niyang sinagot ang tawag.

“Hello, sino ito?” tanong niya.

“Kayo po ba ang asawa ni Wilfredo?” tanong ng nasa kabilang linya.

“A-ako nga. May problema ba sa asawa ko?” balik na tanong sa kausap.

“Ako po si Charlie, kasamahan sa trabaho ni Wilfredo. Huwag po kayong mabibigla, aksidente pong nabangga ang sinasakyan niyang taxi. Sinugod namin siya sa ospital ngunit hindi na siya pinalad na mabuhay,” malumanay na sabi ng lalaki.

Natigalgal si Dione sa natanggap ng balita. Hindi niya namalayan na napasalampak na siya sahig.

“Diyos ko po! Bakit mo naman kami iniwan, Wilfredo? Hindi ka man lang namin nakita ng mga anak mo! Paano na kami ngayon?” Kasabay niyon ay napahagulgol na siya ng iyak. Nagsi-iyakan na rin ang mga anak niya nang malaman ang sinapit ng kanilang ama.

Malaki ang nabago sa kanilang buhay nang mawala si Wilfredo. Hindi matanggap ng mga anak na wala na rin ang luho na tinamasa nila. Nahinto rin sa pag-aaral ang mga ito. Ang dati nilang mariwasang buhay ay bumalik sa hirap kaya dahil doon ay ipinagbili na ni Dione ang kanyang kotse at mga gamit nila sa bahay para may panustos sila sa pagkain at maibayad sa mga gastusin. Naisip niya na sana ay nag-ipon siya habang nagpapakapagod sa pagtatrabaho noon ang asawa sa ibang bansa at kumikita ng limpak-limpak na salapi. Sana, hindi puro luho ang inatupag nilang mag-iina. Magsisi man siya ay huli na ang lahat. Wala siyang nagawa kundi bumalik sa pagtatrabaho para mabuhay silang mag-iina. Ngayon ay nararamdaman na nila ang hirap na wala man lang naipong pera

“Kung nag-ipon sana ako, hindi sana kami maghihirap ng ganito,” wika ni Dione sa sarili.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement