Umiwas ang Dalawang Magkapatid sa Pag-aalaga sa Kanilang Lola at Iniwan ang Responsibilidad sa Kapatid Nilang Binabae, May Kapalit Pala ang Lahat ng Sakripisyo Nito
Nang ma-stroke si Lola Aida at maratay sa kama ay naging pasanin na siya ng magkakapatid na Reynan, Olivia at Cedie. Hindi na kasi ito makalakad at makatayo. Walang ibang mag-aasikaso sa kanilang lola dahil ang ibang kamag-anak nila ay nasa ibang bansa kaya’t sa kanila iniwan ang responsibilidad sa pag-aalaga rito. Kada buwan naman ay pinadadalhan sila ng pera ng mga kamag-anak nila sa Amerika na ginagamit nila sa pang-araw-araw nilang gastusin at pag-aalaga sa matanda. Ngunit hindi lahat ay gusto ang kanilang ginagawa.
“Nakakasawa na ang buhay na ‘to! Habangbuhay na lang ba tayong mag-aalaga sa kanya?” hinaing ni Reynan.
“Ako din, napapagod na ako sa pag-aalaga kay lola,” sabi naman ni Olivia.
“Ano ba naman kayo? Tayo na lang ang natitirang kamag-anak ni Lola Aida. Walang ibang mag-aalaga sa kanya kundi tayo,” sabad naman ni Cedie.
“Sa iyo walang problema kasi binabae ka! Hindi ka mag-aasawa. Ako gusto kong magkaroon ng sariling pamilya. Ayokong matali dito sa bahay na ‘to at habangbuhay na mag-alaga sa kanya,” ani Reynan.
“May plano na kaming magpakasal ng nobyo ko sa isang taon kaya hindi ko na rin magagampanan ang responsibilidad kay Lola Aida,” gatong pa ni Olivia.
“Kayo ang bahala. Basta ako aalagaan ko ang lola sa abot ng aking makakaya,” wika ni Cedie.
Malapit nang magkuwarenta anyos si Reynan na panganay sa magkakapatid kaya gusto na nitong makapag-asawa at magkaanak. May nililigawan ang lalaki na kapitbahay nila at may pag-asa naman siya rito. Walong taon naman ang relasyon ni Olivia at ng nobyo nito na handa nang magpakasal. Si Cedie na bunso sa magkakapatid ang wala pang pananagutan kaya siya lang ang nakikita ng dalawang kapatid na maiiwan at mag-aalaga sa kanilang Lola Aida.
Isang umaga, habang pinapakain ni Cedie ang matanda…
“Apo, sabihin mo sa akin kung nahihirapan ka na ha?” tanong ni Lola Aida.
“Bakit niyo naman po nasabi iyan, lola. Siyempre, hindi ako mapapagod sa pag-aalaga sa inyo,” sabi ng apo.
“Baka kasi napapagod ka na sa pag-aalaga sa akin. Puwede mo naman akong dalhin na lang sa home for the aged,” anito.
“Lola, huwag ka ngang magsalita ng ganyan. Hangga’t narito ako ay hindi ako aalis sa tabi mo. Aalagaan ko kayo habang nabubuhay ako. Sa inyo ko itutuon ang oras ko’t panahon.
Hinawakan ng matanda ang mga kamay ng apo at inilapit sa dibdib nito.
“Napakasuwerte ko naman at may apo akong kagaya mo. Buti ka pa, iyong dalawa mong kapatid ay parang walang tiyagang mag-alaga sa akin.”
“Hindi naman po sa ganoon, lola. Natatakot lang po sila na hindi magkaroon ng sariling pamilya. Si Kuya Reynan po kasi ay gustong magka-asawa at magka-anak, si Ate Olivia naman ay ikakasal na sa kanyang nobyo.”
“E ikaw, wala ka bang balak na mag-asawa?” tanong ng matanda.
Napabuntong-hininga si Cedie sa tanong ng kanyang lola.
“Lola naman, e! Kita niyo namang mas babae pa ako kaysa sa Ate Olivia tapos sasabihin niyo iyan sa sa akin.”
“Apo, gusto ko rin namang maging masaya ka.”
“Masaya na po ako na kasama kayo,” sambit ni Cedie.
Nang mga sumunod na araw ay huminto na sa pag-aalaga sina Reynan at Olivia kay Lola Aida dahil abala na ang mga ito. Si Reynan ay sinimulan nang dumiskarte sa nililigawan nito, samantalang si Olivia ay abala na sa pag-aasikaso sa kanyang kasal. Kay Cedie naiwan ang lahat ng responsibilidad sa pag-aalaga sa kanilang lola.
Isang umaga ay napansin ni Lola Aida ang apo na pagod na pagod sa paglilinis. Maaga pa lang kasi ay nagigising na ito para sa mga gawaing bahay. Pagkatapos ay papakainin, papaliguan, bibihisan at papainumin pa siya nito ng gamot. Sa isip ng matanda ay buti na lang at huminto na ang apo sa pagtatrabaho sa beauty parlor kundi ay hindi na nito kakayanin sa dami ng ginagawa nito. Sa tatlong magkakapatid ay ang apong si Cedie ang pinakamahina ang katawan kaya palaging nagkakasakit.
“Cedie, apo magpahinga ka na muna. Kanina ka pa gawa ng gawa diyan sa kusina,” sabi ng matanda.
“Lola, hindi ako sanay ng walang ginagawa saka exercise din ‘to!”
Nakaramdam ng awa si Lola Aida sa apo. Paano na lang kapag nawala na siya at maiwan itong mag-isa?
Mabilis na lumipas ang dalawang taon at pumanaw na ang matanda. Hindi na nakayanan ng katawan ni Lola Aida ang sakit at sobrang katandaan. Naiwan na mag-isa si Cedie sa bahay dahil gaya ng inasahan ay may kanya-kanya nang pamilya ang mga kapatid. Ngunit isang di inaasahang balita ang natanggap niya.
“Ano po ito?” tanong ni Cedie sa abogado ng kanyang yumaong lola nang may iniabot ito sa kanya.
“Iyan ang mga importanteng dokumento na nagpapatunay na ibinibigay sa iyo ni Lola Aida ang dalampung palapag na condo unit niya sa Makati at ang grocery store na pagmama-ari niya sa Cubao,” bunyag ng abogado.
“Ano po?” gulat niyang sabi.
“Sa iyo ipinamamana ng iyong lola ang mga naiwan niyang negosyo. Pasasalamat niya iyan sa pag-aalaga mo sa kanya,” anito.
Biglang tumulo ang luha ni Cedie sa sinabing iyon ng abogado. Hindi niya akalaing gagawin iyon ng kanyang Lola Aida.
“Nag-alala ang lola mo sa kinabukasan mo sa oras na mawala siya kaya sa iyo niya iniwan ang mga ito. Mabubuhay ka na ng maayos sa mga negosyong iniwan sa iyo ng Lola Aida mo.”
Nang malaman nina Reynan at Olivia ang suwerteng dumating sa kanya ay laking pagsisisi ng mga ito sa hindi nila pagtulong sa kapatid sa pag-aalaga noon kay Lola Aida. Binigyan din sana sila nito ng mana. Ngunit dahil taglay pa rin ni Cedie ang kabutihan ay hindi siya naging sakim at binahaginan din niya ang mga kapatid ng biyayang ipinagkaloob ng kanilang lola.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!