Inday TrendingInday Trending
Ang Pulubing Binansagang Bayani

Ang Pulubing Binansagang Bayani

Sa kalsada ng Lacson Avenue sa Maynila ay may pulubing kilala ng lahat, siya ay si Jackman. Siya lang naman kasi ang nag-iisang pulubi sa lugar na ‘yon, na handa rin tumulong sa kapwa nitong pulubi.

“Ate, palimos po siya. ‘Wag niyo na po ako limusan, kahit siya na lang po,” wika ni Jackman habang tinuturo sa dumadaan ang kaibigang pulubi na nasa murang edad pa.

Minsan naman ay nakuhanan siya ng litrato na tumutulong sa kapwa nitong pulubi. Kitang-kita sa litrato kung paano ibahagi ni Jackman ang napaglimusan niyang tinapay sa isang matandang pulubi. Marami ang napapahanga si Jackman sa kanyang kabutihang loob, kaya naman binansag sa kanya ang ‘Jacman’ dahil tunog superhero ito.

Dahil may malapit na unibersidad doon, marami ring nakakasalamuha na estudyante si Jackman. May pagkakataon pa nga na nagmamasid-masid siya sa paligid at ‘pag napansin niya na may mandurukot na umaaligid sa lugar ay kumakanta ‘to ng Bahay-Kubo para matimbrehan ang mga estudyante na mag-ingat dahil may naka-ambang panganib.

Pulubi man ay hindi ito naging hadlang para kay Jackman na gumawa ng mabuti para sa kapwa, may kapalit man ito o wala. Hanggang sa mangyari ang ‘di inaasahan na makakapagpabago sa buhay ni Jackman.

Gabi na noon sa Maynila, hindi na ganoon karami ang mga tao sa lugar dahil tapos na ang klase sa loob ng unibersidad. Si Jackman ay nasa lasangan lang palagi, nagmamatyag at nagmumu-muni. Hanggang sa maya-maya ay nakaramdam na ito ng kakaibang nangyayari sa paligid. Limang beses na kasing nagpapaikot-ikot sa lugar ang isang motorsiklo na tila ba naghahanap ng mabibiktima.

Agad na agad kinanta nito ang Bahay-Kubo upang magbigay babala, at dahil kaunti na lang ang tao ay hindi ito masyadong napansin.

Maya-maya ay nakita niya ang dalawang lalaking naka-motorsiklo na naglalakad katabi ang tila ba ay takot na takot na estudyanteng lalaki. Hindi man kapansin-pansin pero alam na ni Jackman na hinoholdap ng mga ito ang lalaki.

Walang pag-aalinlangan niyang nilapitan ito at buong tapang niyang kinalaban ang mga lalaki. Nang makapiglas ang estudyante ay tinulungan niya rin si Jackman na kalabanin ang mga ito.

Nang makita nito na naglabas na ng patalim ang isa sa mga lalaki ay agad niyang pinalayo ang estudyante.

“Lumayo ka at baka masaktan ka, tumawag ka na lang ng tulong,” sabi nito sa binatang lalaki.

Agad naman naghanap ng tulong ang lalaki. Hindi niya alam kung tama bang iniwan niya ang matandang pulubi sa kalsada.

Nagkataon naman na may tanod siyang nakasalubong at agad humingi ng saklolo. Nang makarating sa lugar na pinangyarihan ay lalkng gulat at takot nito na makita ang pulubing duguan sa kalsada at may saksak sa tagiliran.

“Manong! Manong! ‘Wag ho kayong matutulog, humingi na po ako ng tulong. Tumawag na po kami ng ambulansya,” wika ng estudyante kay Jackman habang tarantang-taranta sa nangyayari.

“Toy, okay lang ako. Hindi ako bibitaw, si Jackman kaya ‘to,” sagot nito sa binata habang unti-unti itong nanghihina.

Agad na dinala si Jackman sa hospital ng unibersidad. Eksakto naman na ang mga magulang ng estudyanteng lalaki ay mga doktor sa ospital na iyon. Habang nasa emergency room si Jackman, hinanap at kinausap ng binata ang kanyang magulang. Ikinuwento nito ang nangyari at kung paano siya tinulungan ng pulubi na makaligtas sa panganib, at kasalukuyang nag-aagaw buhay ito ngayon.

Dali-daling inasikaso ng mga magulang nito na ang pagpapa-ospital sa naturang pulubi. Sila na ang nag-ayos ng lahat ng kailangan gawin para sa igagaling nito at ikakabuhay pa.

Malaki ang utang na loob ng mga doktor na magulang ng binata dahil kung hindi dahil sa katapangan ng pulubi ay baka hindi na nila nakasamamg buhay ang nag-iisang anak nila.

Ilang linggo din na nanatili si Jackman sa hospital. Lahat ng gastos ay walang pag-aalinlangang sinagot ng mga magulang ng binatang estudyante. Nang makalabas sa ospital si Jackman, kinausap siya ng nga magulang ng binatang lalaking sinagip niya.

“Maraming salamat po sa pagtulong sa lahat ng gastusin ko sa pagpapagamot. Malaking bagay po ito sakin lalo na’t magsisilbing pangalawang buhay ko na po ito,” pagpapasalamat ni Jackman sa mga ito.

“Kulang pa iyan. Hindi magiging sapat ang kahit ano para sa kabutihan at katapangan na ibinigay mo para matulungan ang anak ko,” sabi ng lalaking doktor na tatay ng binata.

“Ihahatid po pala kayo ni Jason sa inyo, para masigurado po namin na makauwi kayong matiwasay,” sabi naman ng nanay ng binata.

“Ay nako! Hindi na niya ko kailangang samahan. Diyan-diyan lang naman ako nakatira,” ani Jackman.

“Basta sumunod na lang ho kayo sa kanya. Mag-iingat po kayo at salamat po ulit,” sagot ng nanay.

Hinatid si Jackman ng binatang lalaking, Jason pala ang pangalan nito. At takang-taka si Jackman dahil imbes na sa kalsada ay sa isang magarang apartment siya dinala ng binata.

“Tay, para po sa inyo ito. Dito na po kayo uuwi. Sa inyo na po ito. Pasasalamat ko po iyan sa inyo sa pagligtas niyo sa aking buhay,” wika ng binata.

Nahiya na tanggapin ni Jackman ang regalo, ngunit pinilit siya ng binatilyo. Naiyak sa tuwa si Jackman dahil sa kabutihang natanggap niya mula sa pamilya ng lalaki. Pero maging ang pamilya naman nito ay lubos na nagpapasalamat sa kabayanihang ipinamalas niya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement