Binubulsa ng Babaeng Ito ang Sweldo ng Kaniyang mga Katrabaho, Malaking Aral ang Natutunan Niya sa Karmang Pinaranas sa Kaniya

“O, wala muna tayong team building ngayong taon, ha?” anunsyo ni Remedy sa kaniyang mga hawak na empleyado, isang araw matapos nilang mapag-usapan ang ilan sa mga dapat nilang gawin ngayon buwan.

“Ay, bakit naman po, ma’am? Hindi po ba’t kabababa lamang po ng budget?” pang-uusisa ng isa niyang empleyadong si Kari, nagsimula namang magbulungan ang ibang empleyado, bakas sa mga mukha nito ang panghihinala.

“Anong budget? Walang binabang budget sa akin! Pinaghihinalaan niyo ba ako?” sambit niya saka malakas na hinampas ang lamesa gamit ang hawak niyang mga papeles, bigla namang napatigil ang mga ito sa pagbubulungan.

“Naku, hindi po, ma’am! Sinabi ko lang po ang balitang nakaabot sa amin. Sa katunayan nga po, yung mga hawak ni Ms. Roms, pupunta sila ng Batangas para sa kanilang team building,” ika pa nito na tila ba hindi natatakot sa kaniya.

“Naiinggit ka ba? Doon ka na sumama! Eh, sa walang inaabot sa akin, eh! Malamang ‘yan inabonohan ni Ms. Roms, alam niyo naman ‘yon, pabida!” inis niyang tugon saka mabilis na lumisan ng silid. “Sana po makatamasa rin kami ng ginhawa tulad niyo!” habol na sigaw pa nito dahilan upang lalong mag-init ang kaniyang ulo.

Halos magsasampung taon na ring naninilbihan ang dalagang si Remedy sa kumpanyang pinapasukan niya ngayon. Ika niya nga, “Doon na nga siguro ako tatanda at malamang, hindi na makapag-asawa.”

Isa kasi siya sa mga unang empleyado ng naturang kumpanya dahilan upang hindi na siya pakawalan pa ng mga nakakataas sa kanila. Maganda naman ang pasahod dito at nakakatanggap pa siya ng dagdag sahod sa tuwing lilipas ang isang taon na maganda ang pagpapalakad niya sa kaniyang mga hawak na empleyado.

Bukod pa dito, siya ang labis na pinagkakatiwalaan ng kaniyang mga boss dahilan kaya’t pati ang mga budget para sa kanilang mga pakunsuwelo sa mga empleyado, sa kaniya pinapahawak.

Advertisement

Maayos naman niya itong naipapamahagi sa mga empleyado noong una. Kumpleto niyang naibibigay ang pangangailangan ng mga empleyado lalo na ang kaniyang mga hawak na tao ngunit makalipas ang ilang buwang siya na talaga ang humawak ng pera mula sa mga nakakataas, tila bigla na lamang siyang nasilaw sa pera.

May pagkakataon pa ngang kinaltasan niya ang lahat ng sahod ng mga empleyado dahil malaki ang natalo niya sa sugal at nais niyang makabawi. Ika niya sa sarili, “Pangako, idadagdag ko sa susunod nilang sweldo ang kulang kapag nanalo ako!” na nasundan pa ng maraming pangungupit.

Hanggang sa dumating na sa puntong ianunsyo na niyang hindi magkakaroon ng team building ang kaniyang mga hinahawakang empleyado dahil pati ang perang nakalaan para dito, naipatalo na niya sa sugal.

Noong araw na ‘yon, paglabas niya nang naturang silid, marami siyang naririnig na usap-usapan at daing tungkol sa “magnanakaw” daw ng kumpanya. Narinig niya pa ang sinabi ng isang empleyado, “Makakarma rin ‘yan! Alam naman niyang may kaniya-kaniya tayong pamilyang pinapakain! Halos buwan buwan na lamang kulang ang sweldo ko! Isang buwan pa talagang kulang ang sahurin ko, ididiretso ko na talaga sa nakatataas ang problemang ito! Hindi nagalaw si Ma’am Remedy, eh!” dahilan upang bahagya siyang kabahan.

“Pangako, ibabalik ko talaga ang lahat ng perang nakupit ko! Sadyang hindi pa lang ako sinuswerte, eh,” naiinis niyang bulong sa sarili saka tuluyan nang lumisan ng naturang gusali.

Wala siya sa katinuan habang nagmamaneho. Napupuno ng konsensya ang kaniyang pag-iisip kaya laging gulat niya nang biglang tumunog ang kaniyang selpon dahilan upang maihagis niya ito’t bumagsak sa kaniyang paanan.

Pilit niya itong inabot at nakaligtaang tumingin sa daanan. Pasilip pa lang siyang muli sa kalsada nang makita niyang may isang motor na mabilis na papalapit sa kaniya. Agad niyang nilihis ang manibela at tuluyang bumangga sa isa pang kotse.

Nagising na lamang siyang nasa ospital na. Pagmulat niya ng kaniyang mata, agad niyang nakita ang mga hawak niyang empleyado. Nakangiti ang mga ito’t may kani-kaniyang dalang pagkain.

Advertisement

“O, ba-bakit kayo nandito?” sambit niya saka pilit na itinayo ang masakit na katawan.

“Alam po naming wala kayong makakasamang pamilya, eh, kaya ito po, napagdesisyunan naming bantayan ka muna,” ika ng isang empleyado bigla naman siyang napaluha dahil dito.

Napagtanto niyang mali talaga ang kaniyang ginagawang pangungupit sa mga taong ito. Ika niya, “Kay bubuti niyo, labis tuloy akong nakukonsensya sa mga kasalanan ko sa inyo,” dahilan upang mapakunot ang noo ng mga ito.

Dito na niya inamin ang kaniyang kasalanan. Magkahalong emosyon ang nakikita niya sa mukha ng mga ito kaya nangako siyang gagawin ang lahat upang makabawi at maibalik ang kanilang sweldo. Nangako naman ang mga itong mananatiling tikom ang bibig at tutulungan siyang makabangon.

Pagkalabas niya ng ospital, agad siyang nagtrabaho nang maayos. Agad niyang idinagdag ang kaniyang sweldo sa mga sweldo ng mga empleyado, pati na ang naiipon niyang pera sa bangko, ginamit na niya upang tuluyang makabayad.

Simula noon, nangako na ang dalagang muli nang maglilingkod nang may katapatan. Hindi para tumaas ang ranggo sa trabaho kundi para sa ikabubuti ng kaniyang mga empleyado.

Pera talaga ang mahigpit na kalaban ng tao, kapag nagpasilaw ka, tiyak mapapahamak ka’t makakarma.