Napaghinalaang Magnanakaw ang Padre De Pamilyang Ito, Doon Niya Pala Matatagpuan ang Kaniyang Swerte

Napaghinalaang Magnanakaw ang Padre De Pamilyang Ito, Doon Niya Pala Matatagpuan ang Kaniyang Swerte

FamilyStoriesSuccess

“Tatay, gutom na gutom na po ako, wala po ba tayong kahit anong pagkain d’yan?” daing ng pangalawang anak ni Mang Joselito, isang umaga matapos siya nitong gisingin. 

“Oo nga po, tatay, kanina pa po kumukulo ang tiyan ko,” hikbi pa ng kaniyang bunsong anak, bakas sa mukha nito ang kagutuman. 

“Kahit tinapay lang po sana tatay, ayos na po ‘yon. Naiintindihan po naming gipit na gipit na po tayo,” dagdag pa ng kaniyang panganay na anak dahilan upang mapabalikwas siya’t pinagtatapik sa likuran ang mga anak. 

“Naku, mga anak, pasensiya na kayo, tinanghali ako nang gising,” natatarantang sambit niya saka nagmadaling nagsuot ng sumbrero, “Hayaan niyo didilehensya muna ako, ha? Mahihintay niyo pa ba ang tatay?” tanong niya sa mga ito, bahagya namang napangiti ang kaniyang mga anak saka siya sabay-sabay na niyakap. 

“Opo, kaya pa naman po!” sabay-sabay na sigaw ng tatlo. 

“O, sige, uminom muna kayo ng tubig d’yan para kahit papaano maibsan ang gutom niyo, ha? Asahan niyong may pagkaing dala si tatay pag-uwi!” buong sigla niyang sambit sa mga anak, kahit pa bente pesos lang ang laman ng kaniyang bulsa. 

Mag-isa nang tinataguyod ni Mang Joselito ang kaniyang tatlong anak. Sumakabilang buhay ang kaniyang asawa matapos ipanganak ang kanilang bunso, limang taon na ang nakakalipas dahilan upang dumoble kayod siya bilang ilaw at haligi ng kanilang tahanan. 

May maayos na trabaho naman talaga siya bago pa man mawala ang kaniyang asawa. Isa siyang drayber ng isang sikat na artista dahilan upang matugunan niya lahat ng pangangailangan ng kaniyang pamilya kahit pa hindi nagtatrabaho ang kaniyang misis. 

Ngunit nang mawala ito, labis siyang nangapa sa pag-aalaga’t pagtatrabaho. May mga pagkakataong nahuhuli siyang sunduin at ipagmaneho ang kaniyang amo dahil kinakailangan niya pang asikasuhin ang mga anak na hindi kalaunan, naging dahilan upang tanggalin siya sa trabaho. 

Simula noon, unti-unti nang bumagsak ang kanilang buhay. Hindi na rin siya nakahanap ng trabaho. Palagi siyang hindi natatanggap dahil sa lagi niyang pagkahuli sa mga interbyu gawa nang pag-aasikaso niya sa kaniyang mga maliliit na anak noon.

Kahit pa hirap sa buhay, ni hindi sumagi sa isip niyang gumawa ng masama para lamang may mapakain sa kaniyang mga anak. 

Kaya mapahanggang sa ngayon, nairaraos niya ang isang araw nilang pagkain sa pangangalakal. Masaya siyang natutugunan ang pangangailangan ng kaniyang mga anak kahit pa palagi lamang silang kumakain ng kanin at asin. Ngunit noong araw na ‘yon, tila napasarap ang kaniyang tulog dahil sa pagod. Nagising siyang maluha-luha na ang kaniyang mga anak dahilan upang humangos siya upang maghanap ng kanilang makakain. 

Agad siyang nagtungo sa pinakamalapit na panaderya upang bumili sana ng tinapay. Kukunin na niya sana ang mga tinapay ngunit pagkadukot niya sa kaniyang bulsa, wala na ang kaniyang natatanging pera. 

“Ay, ate, pasensiya na po, nawawala po ang pera ko,” kamot-ulo niyang sambit. 

“Naku, ang sabihin mo, balak mo akong lokohin! Akala mo siguro makakalusot ka, ano? Halagang bente pesos, nanakawin mo pa?” inis na sambit ng tindera saka hinablot sa kamay niya ang isang supot ng tinapay.

“Hindi po, ate, may pera po talaga ako. Hindi ko po kayang magnakaw,” paliwanag niya, nagtinginan na sa kaniya ang ibang mamimili dahil sa ingay ng tindera. 

“Hay naku, magbobote na nga, magnanakaw pa! Kunyare ka pa! Nabisto ka lang, eh!” dagdag pa nito dahilan upang piliin niya na lamang umalis dahil sa kahihiyan. 

Hindi pa man siya nakakalayo, biglang may tumigil na sasakyan sa harapan niya. 

“Mang Joselito! Kamusta na po kayo?” sambit ng isang pamilyar na boses. 

“Ma-ma’am Jenie!” nakangiting sigaw niya, ito pala ang dating niyang artistang amo, “Napadaan po kayo dito?” tanong niya. 

“Ngayon ko lang po kasi nalaman ang dahilan nang palagian mong pagkahuli sa trabaho, at labis ko po iyong naiintindihan. Nais ko po sana kayong pabalikin muli bilang drayber ko, wala na po akong makitang kasing tapat at maalaga niyo,” nakangiting balita nito. 

Agad siyang sumang-ayon sa nais ng kaniyang dating amo. Nais na sana nitong pagsumulain na siya agad, ngunit bigla niyang naalala ang kaniyang mga anak. 

Doon niya ikinuwento sa dalaga ang kaniyang pangkasalukuyang sitwasyon, agad siya nitong tinulungan at binigyan ng makakain. Agad na siyang nagsimula kinabukasan, labis ang kaniyang tuwa dahil sa wakas, sigurado na siyang may maipapakain sa kaniyang mga anak.

“O, anak, ikaw na bahala sa mga kapatid mo, ha? Makakabangon na tayo sa hirap!” masiglang sambit niya saka niyakap ang mga anak. 

Iyon na nga ang naging simula nang pag-ahon nila sa kahirapan. Unti-unti siyang nakaipon at muling naibalik sa paaralan ang kaniyang mga anak. Wala nang mas sasaya pa sa kaniyang noong pagkakataon na iyon, ‘ika niya, “Basta talaga tapat sa buhay, hindi ka papabayaan ng Maykapal! Salamat, o, Diyos!” hikbi niya, isang araw nang makita niyang masayang kumakain ang kaniyang mga anak. 

Makaramdam man tayo ng kahirapan, lagi nating isaisip na kontrolado lahat ng Panginoon, at hindi niya tayo kailanman hahayaang habang buhay na maghirap. 

More Stories