Namomroblema ang Misis Dahil sa Pagiging Magastos ng Kaniyang Mister; Saan Nga Ba Napupunta ang Pera Nila?

Pasado alas otso na ng gabi ngunit nasa opisina pa rin si Kendy kahit na tapos na ang trabaho nito.

“Kendy, mukhang problemado ka na naman. Nag-away na naman ba kayo ng asawa mo?” tanong ni Clark, katrabaho ng babae.

“Hindi naman, katapusan na kasi at ang dami na namang bayarin. Alam mo naman na ito ang pinaka-iniiwasan kong araw sa buong buwan. ‘Yung kailangan kong pagkasyahin ang pera namin,” malungkot na saad ni Kendy sa katrabaho habang nakasubsob pa rin ang mukha niya sa mesa.

“A, wala pa rin bang trabaho si Jacob? Ilang buwan na ba ulit siyang walang trabaho?” tanong muli ni Clark sa kaniya.

“Lagpas isang taon na rin, hindi ko na nga alam ang gagawin ko. Gusto ko nang magreklamo sa kaniya na nahihirapan na ako pero anong magagawa ko? Parang hulog na rin ng Diyos na wala siyang trabaho kasi siya naman nag-aalaga sa mga anak namin. Kaso…” putol na wika ni Kendy sa katrabaho.

“Kaso ano?” usisang tanong ng lalaki.

Saglit na natahimik si Kendy at nag-isip ito kung sasabihin ba nya ang kaniyang problema.

“Ayos lang kung ayaw mong sabihin, problema ninyong mag-asawa ‘yan,” nakangiting dagdag ni Clark sa kaniya.

Advertisement

“Namomroblema na kasi talaga ako sa pera,” malungkot na wika ni Kendy sabay angat ng ulo niya upang tingnan ang katrabaho.

“Alam mo naman siguro na iba’t ibang raket na ang pinasok ko para lang magkaroon ng dagdag na kita, ‘di ba? Kung ano-ano na ang binebenta ko rito sa opisina pero talagang gipit na gipit na ako,” pahayag pa nito.

“Napapansin ko kasing panay ang hingi ng pera sa akin ni Jacob, nahihiya naman akong tanungin kung saan niya ginagastos kasi parang ang sama ko naman, na para bang pinagdadamutan ko ang sarili kong asawa. Kaya naisip ko na siya na lang ang paghawakin ng lahat ng sahod at kaunting kita ko sa pagtitinda. Kaya lang napapansin kong mas hirap na kami ngayon sa pera, palaging ubos at wala na raw natira,” pagsisiwalat nito.

“Bakit hindi mo siya tanungin kung kailan siya magtratrabaho? Baka naman kasi masyado nang nasarapan ang asawa mo sa buhay na walang trabaho kaya naman hinahayaan ka lang niya. Baka naman kasi pinapakita mo rin na ayos lang kahit na wala siyang kita o trabaho,” sagot naman ni Clark sa kaniya.

“Alam mo naisip ko na rin ‘yan pero sabi ng nanay ko ay huwag na huwag ko raw ‘yun gagawin sa asawa ko. Ang sabihan siya na magtrabaho na kasi masasaktan daw ang mga pride niya bilang lalaki. Saka isa pa, noong ako raw ang walang trabaho ay hinanapan daw ba ako ng asawa ko. Sabi ko, siyempre hindi, kaya hindi ko masabi sa asawa ko ‘yun!” inis na sagot ni Kendy sa kaniya.

“Sa tingin mo ba saan napupunta ‘yung pera mo?” tanong ni Clark sa kaniya.

“Sa bahay siguro o sa mga pagkain ng anak ko, pero kasi noon ay may natitira pa sa amin kahit papano. Ngayon… wala na talaga,” malungkot na wika nito.

“Alam mo kung ako sa’yo, kausapin mo asawa mo. Mamaya niyan sa bisyo lang pala napupunta ang pera mo. Mamaya kapag nandito ka sa trabaho nagpapasarap naman masyado ‘yang si Jacob sa bahay niyo,” sulsol pang muli ni Clark.

Advertisement

Hindi na sumagot pa si Kendy at mabilis na nagligpit ng kaniyang gamit. Tama na ang narinig niya sa kaibigan at oras na raw para naman mailabas niya ang kaniyang saloobin. Bahala na raw kung magalit man sa kaniya ang kaniyang nanay basta masabihan lang niya mister sa kung gaano na siya nahihirapan sa sitwasyon nila.

Sakto namang pag-uwi niya ay tulog na ang kaniyang mga anak at naka-upo naman sa salas ang kaniyang asawa habang umiinom ng beer.

“Wow, may gana ka pa talagang mag-beer?” pahayag agad ni Kendy kay Jacob.

“Kakauwi mo palang ay mainit na agad ang ulo mo, nagpapaantok lang ako. Anong problema?” matapang na sagot ni Jacob sa kaniya. Kaagad namang kumabog ang puso ni Kendy sa tinig na iyon ng kaniyang mister.

“Pwede ba tayong mag-usap… tungkol sa pera?” diretsong sabi ni Kendy saka siya seryosong naupo sa tapat ng lalaki.

“Anong mayroon sa pera? Ayos naman tayo, naba-budget ko naman ng maayos lahat,” kampanteng sagot ni Jacob sa kaniya.

“Nakikita ko naman ‘yun, pero kasi ano… May mali sa nangyayari sa pera natin,” ani Kendy.

“Mali?” tanong ng lalaki.

Advertisement

“Dati kasi may natitira pa kahit papano, dati nakakalabas pa tayo para makakain. Ngayon wala na, dati may pambili pa ako ng kung ano-ano,” sambit ni Kendy at hindi niya maitago ang inis sa kaniyang boses.

“E bakit hindi ka humingi sa akin para maisama ko sa budget natin? Akala ko kasi sapat naman na ‘yung pagba-budget ko,” paliwanag ni Jacob sa kaniya.

“Hindi mo ba ako naiintindihan? Gusto kong tanungin kung saan napupunta ‘yung ibang pera kasi alam ko kung magkano lang ang nagagastos natin. Hindi sa kinukwentahan kita pero gusto ko lang naman malaman kung ano ang pinagkakagastusan mo. Baka kasi mamaya napupunta lang-” putol na pahayag ni Kendy nang maasar siya lalo sa reaksyon ng kaniyang asawa. Tumatawa lang kasi ang lalaki habang tinitingnan siya.

“Bakit ngayon ka lang kasi nagtanong? Bakit dati naman hindi ka naghahanap sa akin ng pera at mga pinagkakagastusan ko? Nahihirapan ka na ba ngayon?” biglang lungkot na sagot ni Jacob sa kaniya. Parang nasaktan naman si Kendy sa tinig ng kaniyang mister kay mas minabuti niyang hindi na muna magsalita at niyakap na lang niya ang kaniyang asawa.

Ngunit tumayo ito kaagad tsaka pumunta sa kwarto at may kinuhang isang maliit na pitaka. Ibinigay ito sa kaniya at laking gulat ni Kendy sa kaniyang nakita.

“Ano ‘to? Bakit may ganito tayong pera? Saan ‘to galing?” gulat na tanong ng babae nang makita niya ang passbook na binigay ng asawa.

“Lahat ‘yan ay pera mo, napapansin ko kasing kapag may sobra sa pera ay pinangkakain kaagad natin sa labas o ‘di kaya naman pinambibili mo ng kung ano-anong bagay na hindi naman kailangan. Hindi naman sa pinagbabawalan kitang gumastos, kaya lang mas malaki ang maiipon kapag nawala iyon. Kaya ayan, ayan ang mga hinahanap mong pera sa akin, pasensiya ka na rin kung nilihim ko sa’yo ‘to. Surpresa sana ito sa’yo kaya lamang nawalan ka na yata ng tiwala sa akin,” paliwanag ni Jacob sa kaniya.

Hindi na nagsalita pa ang babae at niyapos na lamang ng mahigpit ang kaniyang mister. Ngayon niya masasabing tama ang kaniyang nanay na mas pagkatiwalaan pa niya lalo ang kaniyang asawa at huwag makikinig sa sulsol ng iba.

Advertisement

Mas natutunan din niya ngayon na magsabi ng diretso kay Jacob sa kaniyang mga pinagdadaanan o kung ano pa mang problema nilang mag-asawa. Dahil sa huli, sila at sila pa rin ang makakaayos ng anumang gusot sa kanilang pagsasama.