Gamit ang Pinagtagpi-tagping Kawayan at Kahoy ay Nagpagawa ng Isang Kariton ang Dalaga; Ito Na Pala ang Simula ng Swerte Nilang Mag-ina

Lumaking mahirap si Clara kaya ang laging laman ng kaniyang isip ay pagkakakitaan ng pera. Mula sa paglilinis ng bahay, paglalaba, o kahit pagmamasahe pa ay pinapatos niya. Lahat ay kaya niyang gawin para sa munting pera na matatanggap niya. Basta ba malinis at walang tinatapakang iba.

Para sa kaniya ang kasing halaga ng oras ay pera kaya kahit anong raket ay papatusin niya. Hindi rin kasi nakapagtapos ang dalaga kaya hirap din ito sa paghahanap ng trabaho na may malaking kita.

Isang araw naisipan niya na magbenta ng mga iba’t ibang mga gamit. Nagpagawa siya sa kaniyang tiyo ng isang kariton gamit ang pinagtagpi-tagping mga ply wood. Shampoo, sitsirya, soft drinks, candy, yosi, at iba’t iba pang mga paninda ang laman ng kaniyang kariton.

Umaga pa lang ay naglalakad-lakad na ang dalaga sa kanilang barangay upang magbenta ng mga gamit at pagkain. Swerte niya pag nasasaktuhan ng dalaga na may liga sa kanilang court dahil mabilis nauubos ang kaniyang mga paninda. Mahina na nga ang tatlong libong kita dahil simot na simot talaga ang kariton.

Ilang araw na ang lumipas at laking tuwa ni Clara dahil ubos lagi ang mga paninda niya. Minsan nga ay wala pang anim na oras na paglalakad ay ubos na agad ang lahat ng paninda niya.

“Ang swerte ko talaga! Dahil ba ito sa kagandahan kong taglay?” pabirong bigkas ng dalaga sa kaniyang sarili. Nabigla naman siya ng biglang kumulog ng malakas at nagdilim ang kalangitan. Para bang kontra ang langit sa kaniyang sinabi. Agad din naman siyang umuwi para hindi mabasa ang kaniyang mga paninda.

Nang makauwi na si Clara ay agad itong tumingin sa dala-dalang niyang salamin. Habang nakaupo ito sa ilalim ng puno ng sinigwelas sa tabing bahay nila, pinagmasdan niya ang sarili.

“Ang bilis talaga maubos ng mga paninda ko. Halos araw-araw ay palaki nang palaki ang kita ko,” kausap niya na naman sa sarili habang nag-aayos ng salamin.

Advertisement

“Ang hirap pala maging maganda, talagang araw-araw kang pagkakaguluhan!” saad niya pa ulit sa sarili. Wala ano-ano’y biglang kumidlat ulit at kumulog ng malakas na ikinagulat na naman ng dalaga. Inis na lamang siyang pumasok sa bahay nila.

Pagkapasok niya sa bahay nila ay saktong naabutan niya ang tiyo niya. Kapatid ito ng mama niya, ayaw ng dalaga sa kaniya dahil matandang binatang lasenggo ito. Walang magawang matino sa buhay ‘ika nga nila.

Habang naglalakad ang pagewang-gewang ang lalaki ay natisod ito sa nakaharang na kariton. Napasigaw ito sa sakit.

“Kanino ba ‘to?! Basura! Paharang-harang sa dinadaanan punyeta!” galit na saad ng lalaki habang tumatayo.  

Walang awang pinaghahampas ng tiyuhin niya ang kariton sa malapit na pader at pinagsisipa ito. Wala namang magawa ang dalaga dahil baka saktan siya ng kaniyang tiyuhin ‘pag sinaway niya ito.

Nang makaalis ang lalaki ay agad na pinuntahan ni Clara ang kaniyang munting kariton, ngunit sa gulat ng dalaga ay wala man lang sira o kahit gasgas man lang ito. Tinignan itong mabuti ng dalaga dahil rinig na rinig niya na nababali ang mga plywood ng kaniyang kariton kanina. Nahihiwagaan man ay pinili nalang ng dalaga na matulog na dahil maglalako pa siya kinabukasan.

Maaga gumising si Clara para maaga rin siyang matapos sa kaniyang paglalako. Nakaupo ang dalaga ngayon sa labas habang umiinom ng kape at kumakain ng pandesal. Ang munting kariton naman ng babae ay nakapwesto na sa kanilang labas ng gate at handa nang maitulak.

Habang abala sa pagkain ang dalaga sa mainit na pandesal ay may napansin itong gumagalaw sa kaniyang kariton. Tinignan niya ito ng mabuti at halos mapasigaw siya sa gulat. Hindi siya makapaniwala, isang duwende na naglalaro sa kaniyang kariton. Mahaba ang tenga nito at naka shorts. Ang damit nito ay naka longsleeves na manipis gaya ng sa mga magsasaka at sumbrerong pula.

Advertisement

Tila napansin naman siya ng duwende at tumingin ito sa kaniya. Sabay naman ngumiti ng mabagal ang duwende at kumaway sa kaniya sabay tumalon pababa ng kariton. Sinundan niya ito ng tingin ngunit parang sumabay sa hangin ang duwende at biglang naglaho.

“Dinadaya ba ako ng mga mata ko?” tanong na lamang ng dalaga sa kaniyang sarili.

Hindi malaman ng dalaga kung lalapit ba siya sa kariton at magtitinda o magtatago na lamang sa loob ng kanilang bahay. Grabe ang kilabot na nadarama ng dalaga. Naisip ng dalaga na mahalaga pa rin ang kita kesa sa takot kaya naman, kahit kinikilabutan siya ay itinuloy niya ang pagtitinda nung araw na iyon.

Tulad ng laging nangyayari ay maagang nakauwi si Clara. Hindi pa rin mawala sa kaniyang isipan ang nangyari nung umaga kaya sinubukan niya maglagay ng matamis na pagkain sa loob ng kariton at iniwan ito.

Gabi na naman at alam niyang darating na ang tiyuhin niyang lasenggo. Naiisip pa lang niya ang mukha ng lalaki ay naiinis na siya dahil bukod sa batugan ito ay palamunin pa sa bahay. Nang makapasok na ang tiyo niya ay pinag-initan na naman ng lalaki ang kariton.

“Bakit nasa loob na naman ‘yang bwiset na kariton na yan?! Paharang-harang! Pwe!” sigaw ng lalaki at dinuraan pa ang kariton. Wala naman magawa ang dalaga dahil mag-aaway lamang sila nito pag nagsalita pa siya.

Dis-oras ng gabi ay nakarinig ang mag-ina ng malakas na sigaw galing sa kwarto ng kaniyang tiyo. Agad-agad namang tumakbo ang mag-ina sa kwarto nito at binuksan ang pinto.

“Anong nangyayari sayo?” nag-aalalang tanong ng kaniyang ina sa kapatid nito. Hindi makasagot ang lalaki at sigaw lamang ito ng sigaw.

Advertisement

Ibinaba ng lalaki ang shorts at panloob sa kaniyang puwitan at nakita nila ang bukol na kulay asul. Labas ng labas ang nana dito at parami nang parami ang nagiging bukol. Sa taranta ng kaniyang ina ay agad na inutusan niya ang kaniyang anak upang humingi ng tulong sa kanilang katapat na manggagamot.

“Ate Agring! Ate agring! Tulong po! Tulungan niyo po kami,” sigaw ng babae sa labas ng bahay ng manggagamot. Paglabas ng manggagamot ay halatang kagigising lang at hindi pa nga nasusuot nito ang kaniyang pustiso.

“Ano yun? Bakit ka naririto ng dis oras ng gabi, ha?” Tanong ni Agring na bubulol-bulol dahil wala itong suot na pustiso.

“Ate Agring, ang tiyo ko po! Tulungan niyo! Parang awa niyo na,” paghihingi niya ng saklolo sa matanda.

Agad namang tinungo ng dalawa ang bahay nila. Pagkapasok, agad na pinakuha ng manggagamot ang palanggana na may tubig, kutsara, posporo, at kandila. Nang makuha na ng mag-ina ang mga gamit ay nagsimula na ang manggagamot. Dinasalan nito ang kandilang tutunawin at nilagyan ng krus ang kamay at paa ng lalaki gamit ang kandila.

Nang matunaw na ang kandila sa kutsara ay agad na binuhos ito sa palangganang may tubig. Sabi ni Agring ay duwende daw ang may kagagawan ng nangyari sa kaniyang tiyo.

“Ang ibig mong sabihin ay yung mga maliliit na tao na humahampas sa puwet ko ng kahoy na may mga tinik ay hindi panaginip?” tanong ng tiyo niya.

“Oo, mukhang may nagawa ka sa kanila kaya ito nagalit sa’yo. Mag-alay ka ng matatamis na pagkain sa likod bahay niyo at sinserong humingi ng tawad para maging maayos ka,” payo ni Agring sa kaniyang tiyo.

Advertisement

Pagkatapos ay inihatid na ni Clara si Agring sa kanila, ngunit ng papaalis na ang dalaga ay tinawag ulit ito ni Agring, “Ineng, maswerte ka, may kakampi ka,” nakangiting komento matandang babae sabay pasok na sa loob ng bahay niya.

Naging masagana ang pamumuhay nila Clara at ng kaniyang ina dahil sa tulong ng kaniyang munting kaibigan. Ngayon ay bukod sa meron na silang gumagalang tindahan ay may maliit na karinderya at lugawan na ang ina ni Clara na dinadayo pa ng mga taga kabilang baranggay. Araw-araw naman niyang inaalayan ang kaniyang munting kaibigan ng mga matatamis na pagkain at minsan nga ay kinakausap pa ito ng dalaga kahit wala siyang nakukuhang sagot.

Ang tiyuhin naman ng dalaga ay binawian na ng buhay ilang buwan ang lumipas simula nung matawas siya. Imbis na mag-alay kasi ng matamis na pagkain sa duwende ay pumunta itong paika-ika sa puno ng sinigwelas sa likod ng bahay at pinagmumura ang mga ito. Pinagsisipa ng lalaki ang puno at pinagsisira ang ilang sanga na abot ng lalaki. Unti-unting nanghina ang katawan ng kaniyang tiyo na para bang nabubulok ang katawan nito mula paa pataas hanggang bewang.

Dahil sa kasamaan ng ugali ng kaniyang tiyo ay natamo nito ang kaparusahang nararapat sa kaniya. Lahat ng gawa ng Diyos mabuti man o hindi ay nararapat pa ring irespeto, nakikita man ng ating mga mata o hindi. Matuto tayong rumespeto sa lahat ng nilalang na naninirahan sa lupang ibabaw kasama natin.