Kinaasaran ng Tatlong Babae ang Bago Nilang Kaklase Dahil sa Kaartehan at Kayabangan Nito, Napaiyak Sila nang Matuklasan ang Totoo
Pinag-uusapan ang bagong estudyante sa klase nina Agatha. Bukod kasi sa napakatahimik nito ay hindi rin ito nakikihalubilo sa mga kaklase.
“Alam niyo ba si Hyena iyong bago nating kaklase, ang weirdo ‘no? Kinausap ko nung nakaraang araw, pero hindi man lang sumasagot. Ano iyon, pipi ba siya?” wika ni Vanessa.
“Sinabi mo pa! Parang ‘di makabasag-pinggan nga ang babaeng iyan, e. Pero hula ko ay nasa loob rin ang kulo niyan!” sabi naman ni Esper.
“Girls, hindi pa nga natin siya lubos na kilala e pinaghihinalaan niyo na. Kilalanin muna natin kaya iyong tao bago kayo manghusga,” sabad ni Agatha.
“Kaibiganin mo nga, Agatha. Tutal ikaw naman ang Miss Friendship sa buong campus,” ani Esper.
“Hayaan niyo at makikilala rin natin ang totoong pagkatao niyang si Hyena.”
Isang araw, nakita nila ito na mag-isang kumakain sa canteen. Agad na nilapitan ng tatlo ang bago nilang kaklase.
“Hi, Hyena! Bakit naman mag-isa kang kumakain?” tanong ni Agatha.
“A, e wala lang. Gusto ko lang na mapag-isa,” sagot ng dalaga.
May naisip na ideya si Vanessa.
“Gusto mo samahan ka namin? Dito rin kami kakain ng breakfast. Tara, girls ilabas niyo na ang mga baon niyo!” yaya nito.
Nagsi-upo ang tatlong magkakaibigan sa tabi ni Hyena at sinaluhan itong kumain.
Inilabas ni Esper ang baon niyang kanin at sardinas. Inalok naman ni Vanessa ng baong ginataang hipon ang kaklase.
“O, Hyena gusto mo? Share tayo!” ani Esper.
Todo iling ang dalaga at tila umiiwas sa inalok na pagkain ng dalawa.
“A-ayoko niyan! Hindi ako kumakain niyan!” parang nandidiri nitong sabi.
“Ito na lang ulam ko ang tikman mo. Nanay ko ang nagluto kaya masarap ‘to,” alok ni Vanessa
Napakunot ang noo ni Hyena at todo tanggi rin sa alok na pagkain ng kaklase.
“Sorry, pero hindi rin ako kumakain niya, e!” anito.
Maya-maya ay tumayo na ito sa kinauupuan at nagpaalam na may gagawin pa.
“U-una na ako, ha? May gagawin pa kasi akong homework sa library, e!” anito at nagmamadaling umalis.
Nagkatinginan ang tatlo at nadismaya sa inasal ng kaklase.
“Nakita niyo iyon? Akala mo kung sino at diring-diri sa pagkain ko!” inis na sabi ni Esper.
“Sabi na nga ba at may itinatagong kaartehan ang babaeng iyan, e! Inalok na nga natin ng pagkain, nandiri pa!” ani Vanessa.
“Mukhang tama kayo. May attitude ang Hyena na iyan. Akala mo kung sinong umasta,” inis na wika ni Agatha.
Habang nasa loob ng silid-aralan, pinag-uusapan ng mga estudyante ang mga gawa nilang tula. Pinagawa kasi sila ng kanilang guro ng tula kung paano nila mailalarawan ang buhay. Labis na hinangaan ng mga kaklase ang ginawang tula ni Agatha. Naiyak pa nga ang iba nang binasa niya ito sa harap ng mga kaklase. Nang tanungin ng kanilang guro ang opinyon ng iba tungkol sa isinulat na tula ni Agatha ay nagtaas ng kamay si Hyena.
“Sir, base po sa aking opinyon ay masyadong malungkot ang isinulat niyang tula. Kung susulat ka ng tula para ilarawan ang iyong buhay, ‘di ba dapat ay masaya? Bakit mo isusulat ang mga pighati at kalungkutan mo sa buhay, kung maaari mo namang isulat ang mga magagandang bagay na napagdaanan mo? Kaya para sa akin ay hindi iyan magandang tula,” puna ng dalaga.
“Magaling, Ms. Bautista! Mahusay ang iyong pagpapaliwanag!” puri ng kanilang guro.
Lihim na nainis si Agatha sa punang iyon ni Hyena sa kanyang tula. Nang sumapit ang break time ay kinompronta niya ang kaklase kasama sina Vanessa at Esper.
“Hyena, mag-usap nga tayo. May problema ka ba sa akin?” inis niyang tanong rito.
“Ha, w-wala. Bakit mo naman naitanong?” anito.
“Bakit mo naman kasi sinabing pangit ang isinulat na tula ni Agatha, sa harap pa ng buong klase?” ani Vanessa.
“Wala akong intensyong masama. Sinabi ko lang naman ang opinyon ko na malungkot ang isinulat mong tula. Hindi iyon pamimintas, iyon ay puna ko bilang isang kritiko,” paliwanag nito.
“Basta, kahit anong sabihin mo ay nilait mo pa rin ang tula ni Agatha!” wika ni Esper.
“Huwag kayong magalit. Wala akong intensyong masama.”
“Ang arte mo na nga, wala ka pang pakiramdam sa saloobin ng iba. Manhid!” inis na wika ni Agatha sabay alis sa harapan ng dalaga. Sinundan naman ito ng mga kaibigan at naiwang nakaupo si Hyena na napahawak sa kanyang dibdib na tila nahihirapang huminga ngunit pinilit na pakalmahin ang sarili.
Nang sumunod na araw ay nakita ni Hyena na naglalaro ng volleyball ang mga kaklaseng babae. Naengganyo sa kanyang nakita ang dalaga dahil noon ay Volleyball ang paborito niyang nilalaro. Nilapitan niya ang mga kaklase at nakisali sa laro. Nang biglang dumating naman ang tatlong magkakaibigang sina Agatha, Esper at Vanessa na naupo sa gilid at pinanood ang paglalaro ng mga kaklase.
“Tingnan niyo, o! Si Hyenang mayabang naglalaro ng Volleyball!” wika ni Esper.
“Oo nga ‘no! Tara guluhin natin!” ngisngis ni Vanessa.
“Siya naman ang ipahiya natin!” ani Agatha.
Nakisali sa paglalaro ang tatlo. Nasa kalabang panig ang kinaiinisan nilang si Hyena kaya mabilis na nakaisip ng plano ang magkakaibigan para gantihan ito. Nang hawak na ni Vanessa ang bola ay sinadya nitong laksan ang pagtira at tinamaan sa ulo si Hyena. Agad na bumulagta ang dalaga sa lakas nang pagsalpok ng bola sa ulo nito. Nagkagulo ang mga kaklse niyang babae at tinulungan itong makatayo.
“Ayos ka lang ba?” nag-aalalang sabi ng isa niyang kaklase.
Nagulat ang mga ito nang makita ang grabeng pagdugo ng ilong ng dalaga.
“Ay, Hyena anong nangyayari sa iyo at dumudugo ang ilong mo?!” sigaw ng isang babae.
Nang biglang nawalan ng malay si Hyena sa labis na pagdurugo ng ilong. Agad siyang dinala ng mga kaklase sa clinic at ipinatingin sa doktor. Nakaramdam naman ng guilt ang magkakaibigan sa ginawa nila kay Hyena kaya nakisimpatiya rin sila sa kalagayan nito.
Maya-maya ay may dumating na babae at umiiyak. Hinahanap ang dalaga.
“Nasaan ang anak ko, nasaan si Hyena?” nag-aalalang tanong ng babae.
Nang makita na nakaratay sa higaan ang anak ay napahagulgol na ito ng tuluyan.
“Anak, anong nangyari sa iyo? Sinasabi ko na nga ba, ang tigas kasi ng ulo mo, e!” anito.
“Misis, huwag na po kayong mag-alala, wala naman pong masamang nangyari sa anak niyo,” sabad ng doktor.
“Ang tigas kasi ng ulo ng anak kong iyan. Hindi na namin siya pinapapasok sa eskwela pero sinuway pa rin kami ng tatay niya!”
Hindi naiwasang magtanong ni Agatha kung bakit ganoon na lang ang reaksyon ng ina ng dalaga.
“B-bakit po, ayaw niyo po ba siyang pag-aralin?” taka nitong tanong.
Muling napaiyak ang babae. “May malubhang sakit ang anak ko. Mayroon siyang Leukemia at sinabi dati ng doktor na tumingin sa kanya na may taning na ang kanyang buhay,” hagulgol nito.
Hindi nakakibo ang magkakaibigan sa ibinunyag ng babae. Ang kaklase nilang si Hyena ay may malalang sakit.
“Kaya nga mula noon ay prutas at gulay na lang ang pinapakain namin sa kanya dahil naniniwala kami na sa pamamagitan ng masustansyang pagkain ay magawang lumakas pa ang katawan ng aming anak.”
Nang biglang may naalala si Agatha.
“Kaya pala nang alukin siya ng sardinas at ginataang hipon ng mga kaibigan ko ay todo iwas po siya,” aniya.
“Ay, allergic kasi sa sardinas at hipon ang anak ko kaya pagpasensyahan niyo na kung tinanggihan niya ang alok niyo!” paliwanag ng babae.
“Kakaiba rin ang anak kong iyan, siya iyong tipo na kahit alam niyang may posibilidad siyang mawala sa mundo ay napakapositibo pa rin ng kanyang pananaw sa buhay. Gusto niya palaging masaya lang, ayaw niya ng malulungkot na bagay. Naiinis siya kapag may nalulungkot. Sobrang mahiyain lang talaga iyan at hindi palakausap kaya minsan ay maraming naiinis sa kanya pero ganoon lang ang anak ko, mabuti siyang tao,” hayag pa nito.
Muling naalala ni Agatha ang ginawang pamumuna ni Hyena sa kanyang tula nang nakaraang araw. Ginusto lang pala ng dalaga na iwasan niyang magsulat ng malulungkot at maging masaya at positibo lang sa buhay.
Hindi naiwasang mapaluha at halos manlumo ang tatlo sa kalagayan ni Hyena. Ngayon ay naunawaan na nilang magkakaibigan ang pinagdaraanan ng kanilang kaklase.
Humingi rin sila ng paumanhin sa mga mali nilang paratang at pananakit nang maglaro ito ng Volleyball. Ngayon ay ang tangi nilang dalangin ay malagpasan ni Hyena ang malubhang sakit at pahabain pa ang buhay nito. Mula noon ay naging magkakaibigan na silang apat. Kahit pinahinto na ng mga magulang si Hyena sa pag-aaral at nagpapahinga na lang sa bahay ay araw-araw nila itong dinadalaw at kinukuwentuhan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!